Sandigan: Political Will

February 11, 2019

MAY ilang nangungutya sa pamahalaan dahil hindi pa rin lubos na nareresolba ang problema sa iligal na droga sa kabila ng pangakong 3 to 6 months na binitawan ni Pangulong Duterte noong tumatakbo pa lamang siya.

May ilan ding kritisismo sa administrasyon dahil katakot-takot pa rin ang traffic sa EDSA kahit na kasama ito sa campaign promises ni Pangulong Duterte na reresolbahin niya sa loob ng isang taon.

Samakatuwid, ipinupukol ang mga batikos sa pamahalaan dahil sa mga self-imposed deadlines nito sa mga problemang inabot ng maraming taon o di kaya ay dekada kaya lumala.

Pero walang duda na patuloy na ipinapakita ng pamahalaan ang political will na ito para gawin ang hindi nagawa ng mga nakalipas na administrasyon.

Ilang presidente at Kongreso na ang nangako ng libreng college education sa mga magulang? Siguro nitong 2019 elections lang tayo hindi makakarinig ng mga slogan na libreng edukasyon para sa mga college students dahil ipinasa na namin sa Kongreso at pinirmahan ng Pangulo ang Free Tertiary Education Act.

May nagsabi sa akin na ang Bangsamoro Organic Law na dumaan na sa matagumpay na plebisito ay naisabatas na lamang nang walang fanfare o pakulo. Kasama ng marami nating kapatid sa Mindanao, umaasa tayo na ang BOL ang magiging kasagutan sa pangmatagalan na kapayapaan.

Akala ng iba nagbibiro lang ang gobyerno sa pagpapasara sa Boracay. Nagmukha na itong cesspool dahil sa kawalan ng maayos na sewerage system. Ang maruming tubig sa mga kabahayan at mga establisyemento ay rekta sa dagat. Pero sa loob ng anim na buwan, isinara at inayos ang Boracay.

Sa loob ng halos isang dekada, nagtiwala lang tayo sa continuing mandamus na inihatol ng Korte Suprema para linisin ang Manila Bay. Hindi nakuntento ang DENR sa takbo ng paglilinis dito kaya nagdeklara ito na gagawing swimmer-friendly ang Manila Bay pagdating ng Disyembre.

Gaya ng inaasahan, maraming nagsasabi na suntok sa buwan ang paglilinis dito at hindi kakayanin ang deadline na sinabi ng DENR. Pero let’s watch and learn.

Kung may nalaman ako tungkol sa administrasyong ito, nagbibitaw ito ng salita para tuparin. At kung sakaling mahirapan man sa misyon, lalampas lang sa deadline pero hindi titigil sa pagtupad sa ipinangako.

Patunay dito ang pagnanais ni Pangulong Duterte na palakihin ang San Lonrezo Ruiz Women’s Hospital. Ilang taon na itong tila isang school clinic lang sa liit. Sa pagdami ng populasyon ng Malabon City, nararapat na gawin itong Level II hospital na may 200 beds capacity.

Noong groundbreaking nga ng itatayong San Lorenzo Ruiz General Hospital, unang inihayag ni President Duterte ang plano niyang pagsibak sa ilang matataas na opisyal ng Department of Agrarian Reform. Hindi sila sisibakin dahil sa kurapsyon. Sisibakin sila dahil umano sa bagal nila sa pamamahagi ng lupa para sa mga magsasaka.

Hindi tumitigil ang administrasyong ito sa mga programang nagpapakita ng malasakit sa mga mamamayan. Karapatan natin bilang mga mamamayan na singilin ang mga opisyal natin sa mga trabaho nila. Pero, may karampatan din tayong obligasyon para tulungan ang bayan natin.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)