Sangkatutak ang mga batugan!

December 14, 2018

MARAMI sa atin ang feeling guilty sa mga ganitong panahon ng pagbibigayan.

’Yung tipong gusto mong konsensiyahin ang iyong sarili sa mga sandaling hindi ka man lang nagbigay ng kahit konting barya sa mga taong nanlilimos habang ikaw ay natatrapik.

Kahit alam mo namang may mga barya sa iyong sasakyan, kahit alam mo namang hindi naman makakabawas sa iyong pera ang anumang barya na ibibigay mo sa nagpapalimos.

Pilit mong dedepensahan ang iyong sarili sa pagdaramot. Ipapaalala mo sa iyong sarili ang kampanya ng simbahan, ang kampanya ng DSWD na huwag magbigay sa mga nanlilimos sa kalsada.

Ngayong panahon ng kapaskuhan, nagsampung doble ang mga namamalimos sa kalye. Kung dati, sa bawat traffic lights mo lang sila nakikita, ngayon, halos sa lahat ng stretch ng highways, naroon sila.

Iyong dating local sa mga lugar ang mga namamalimos, nadagdagan pa sila ng mga Aetas na nagmula sa Central Luzon.

Dati-rati, kapag natigil ka sa intersection, bubulagain ka ng mga namimilit na linisin ng sabon ang iyong windshield. Ngayon, kaliwa’t kanan pa ang nakakasabay nilang namamalimos.

Madalas, iyong mga namamalimos, mas matangkad pa sa iyo, mas malakas pa sa iyo at mas maskulado pa sa iyo.

May mga pagkakataon naman, naka-diaper pa, kumakatok na sa iyong bintana para mamalimos. Minsan, tambalang fetus at nanay na kahit umaambon ay tatapatan ka.

May bago pang istilo ngayon, mga batang naka-backpack at naka-school uniform kahit hatinggabi na. Alam na alam mong gimik.

May mga pagkakataong bago ka umarangkada, may biglang mga batang sasayaw sa iyong harapan o kaya naman ay mangangaroling.

Hindi naman ito indikasyon ng matinding kahirapan na kanilang dinaranas. Kapag inobserbahan mo ang general population ng mga namamalimos sa kalsada, marami sa kanila ay tinamaan lang ng “tamaditis virus.”

Mga tamad na mas gusto ang lumahad kaysa gamitin ang kamay sa pagtatrabaho. Habang ang mga munting anak nila ay namamalimos, ang kanilang mga magulang naman ay naroon sa bangketa, kung hindi nakahilata, nakikipaglasingan naman.

Ang mas matindi, karamihan sa mga pamilyang namamalimos ay mga recipient din pala ng 4Ps ng gobyerno o Pantawid Pamilya Program na binibigyan ng P1,500 hanggang P4,500 kada buwan.

Gustong makadoble ng iba, may biyaya na sa gobyerno, namamalimos pa sa mga tao.

Kaya nga mula’t mula, hindi natin suportado ang 4Ps dahil mas lalong dumami ang mga tamad sa bansa.

Ang problema natin, full circle na lamang ang ganitong problema, may mga likas talagang pabigat sa bayan sa halip na magbanat ng buto.

Nananawagan tayo sa DSWD na imbestigahan ang mga namamalimos sa kalsada at kapag nadiskubreng kasama sila sa 4Ps, alisin agad sa master list.

Ibig sabihin, habambuhay na silang umaasa sa kanilang modus kaya wala na silang karapatang bigyan ng pera ng gobyerno dahil mga batugan lang talaga sila.

allanpunglo@gmail.com