SBMA Collection District, “gumawa ng kasaysayan”

October 07, 2019

PATULOY na nagtatagumpay ang kampanya laban sa iligal na droga ng Bureau of Customs (BoC) sa pangunguna ng NAIA collection district sa ilalim ni Coll. Mimel Talusan.

Kahapon, isa namang ‘Indonesian national,’ si ‘Agnes Alexandra,’ ang hinuli sa NAIA, kung saan 8 kilo ng shabu na may halagang higit P54 milyon ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Ayon pa sa ‘press release’ ng Aduana, galing sa Cambodia ang suspek na ikalawa sa mga ‘drug courier’ galing Cambodia na natimbog sa NAIA matapos mahuli ang isa pang suspek na may “bitbit” din na shabu noong Setyembre 28.

Sa ganang atin, bukod sa pagpapatunay na hindi tulog sa pansitan ang BoC pagdating sa iligal na droga, ‘andito na talaga sa ‘Pinas ang isa (o higit pa) na ‘international drug syndicate’ na siyang “nagmamaniobra” sa mga insidenteng ganito.

Mas mainam ngayon na alamin ng mga awtoridad kung ano ang relasyon/koneksyon ng insidente kahapon, sa insidente noong Setyembre 28 at sa mga nakaraang katulad na insidente.

Ang mga ito ay masasabi rin na “batayan” sa “kuwento” sa atin ng isang kaibigang intelligence officer sa PDEA na ang paggawa ng shabu ang “prayoridad” ngayon at hindi ‘heroin’ na ginagawa sa ‘Golden Triangle’ (Cambodia, Laos, Thailand) ng mga malalaking sindikato ng iligal na droga na siya namang may “kontrol” sa negosyo ng iligal na droga sa buong Asya at iba pang panig ng mundo.

Bilang maikling balik-tanaw, dear readers, ang produksyon ng iligal na droga sa Golden Triangle ay sinimulan ng mga natalong sundalo ng Komintang ni Chiang Kai Shek na suportado ng CIA.

Ang kanilang kinikita ay ginagamit upang bumili ng armas upang ituloy ang kanilang giyera (panggugulo) laban sa mainland China at bilang pondo para sa ekonomiya ng Taiwan na siyang “inatrasan” ng mga Komintang matapos matalo ng mga komunista ni Mao Zedong noong 1949.

Translation? Wala nang bago sa ‘Iran-Contra Scandal’ noong panahon ni US President Ronald Reagan kung saan suportado ng CIA ang mga ‘drug lords’ sa Latin America (katulad ni Pablo Escobar) at mga korap na lider at ‘narcotraficista’ (katulad ni Manuel Noriega) para makalikom naman ng pondo upang tustusan ang armadong subersyon ng mga ‘Contra guerillas’ laban sa gobyernong Sandinista sa Nicaragua.

“Wala nang bago” mga kabayan, dahil, matagal nang gawain ng ‘Tadong Unidos ang ganyan, hehehe, ayy, huhuhu!
Sadyang kumplikado at masalimuot ang problema natin sa iligal na droga at “mabuti” na lang mayroon tayong isang Pang. Rodrigo Duterte sa ngayon at siyempre, “mabuti” na rin ay palaging ‘andyan ang BoC-NAIA, kaya, mabuhay!

***

Kung “pinupuri” natin ang BoC-NAIA, dear readers, marahil marapat lang din na “buhusan” natin ng “siksik,” “liglig” at “nag-uumapaaw” na pagpuri ang BoC Subic Collection District sa ilalim naman ni Coll. Marites Martin.

Dangan kasi, sa ating ‘phone patch interview’ kay Coll. Martin sa ating programa na ‘Meet the Press On Air’ sa Radyo Pilipinas noong Linggo, nagulat tayo nang malaman na bagaman Oktubre pa lang ngayon, aba’y ‘mission accomplished’ na pala ang Port of Subic para sa koleksyon nito sa buong 2019, yeheyy!

Aniya pa, para lang sa koleksyon noong isang buwan, aba’y “sumobra” pa ng higit P700 milyon ang nakolekta ng Subic Port!
Sa ‘assigned target cash collection’ nito na higit P2.37 bilyon, sa buwan ng Setyembre, “humamig” pala ng higit P700 milyon ang Port of Subic, sa koleksyon nito na higit P3.1 bilyon.

Samantala, lampas naman sa P7 bilyon ang naitala nitong koleksyon kumpara sa ‘target collection’ nitong higit P17.6 bilyon para sa 2019 matapos makakolekta—ngayon pa lang—ang Subic Port ng higit P24.8 bilyon.

Matagal na tayong ‘nag-cocover’ sa mga BoC mga kabayan. At sa aking pagkaalam, ngayon pa lang nangyari sa buong kasaysayan ng ahensiya na may tatlong buwan pa bago matapos ang taon, ‘mission accomplished’ na ang isang collection district, kaya, isang “ngiti” naman d’yan, Comm. Jagger, hehehe!

At ang isa pang bagay na hinangaan natin kay Coll. Martin, mga kabayan ay ang kanyang ‘humility,’ bagay na “bihira” na rin nating makita sa isang ‘public official.

Dangan kasi, sa halip na “suwapangin” ni Coll. Martin ang “glorya,” ilang beses niyang “ipinaalala” sa atin na ang ‘accomplishment’ ng Subic Port ay dahil sa “pagtutulungan” ng lahat ng tauhan at opisyal ng kanyand distrito at sa magandang pagtutulungan nila ng SBMA sa ilalim naman ni administrator, Wilma ‘Amy’ Eisma.

Harinawang magsilbing inspirasyon—at hindi pagsimulan ng inggit—ang tagumpay na ito ng Subic Port, hehehe!
At kung hindi naman maiiwasan na may “mainggit,” gawin ninyong “positibo” mga bosing, hindi ba, mga kabayan.
‘Yun bang… “higitan” ninyo ang nagawa ng Subic Port para mapatunayan na “mas magaling” kayo sa kanya, hane?
At tama ba ang “pagpuri” kong ito kay Coll. Martin, kasamang Vic Reyes? Ano sa palagay mo, hihihi!