Sec. Dominguez, ano silbi ng Ocom, IG, EG, CIIS, ESS, IAS?

October 20, 2019

SA mahabang panahon ay kinukonsiderang “second class citizens” ang maliliit na importer at customs broker sa Aduana.

Kung baga sa boksing, sila ang paboritong “punching bag” ng mga tiwali at korap na lingkod-bayan.

Ang mangilan-ngilang kliyente ng mga kawawang broker ay “dinadagit” ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BoC) na nagmo-moonlight na broker.

Ngayon nga ay silang maliliit na importer at broker na walang padrino pa ang pinagbabayad ng mas mataas na buwis upang mapagtakpan ang mga mabababang binabayaran ng mga higanteng player na malalakas sa kanila.

Kaya nga hindi natin masisisi ang mga maliliit na importer at broker kung maghanap sila ng paraan para ipaglaban ang kanilang mga interest.

May mga nagmumungkahi ngang bumuo sila ng “chamber of minor importers and customs brokers (CMICBS).”

Unti-unti ng nagigising ang mga kawawang port user na ito.

Talaga naman kasing masakit ang loob nila sa nangyayaring palakasan sa BoC.

Nagbibigay na nga sila ng “tara,” at nagbabayad ng tamang buwis at taripa, sa kaban ng bayan ay sila pa ang pinag-iinitan.

Sila ang itinuturong mandaraya, samantalang ang mga pinuproteksyunan nilang mga “player” na kagaya nila Paul T.,  David T, Alex, Gerry T. , Aya, Eric Y., at ang pinaka-maimpluwensiya sa lahat  na si Michael Y.  ay tuluy-tuloy ang trabaho.

Ayon sa ating miron,  60k-100k buwis lang kung magbayad ng general merchandize na de kuwarenta  at 40k-70k naman sa buwis ng tiles.

Ang tanong tuloy ng mga small time importer/broker kay Secretary Dominguez, ano silbi at bakit hindi ito ginagalaw ng office of the commissioner, intelligence group, enforcement group CIIS at ESS.

At ano naman ang ginagawa ng tanggapan ng IAS  na siyang may-akda ng walang kakwenta-kwentang NVVS valuation na kinuha yata sa hangin. Ang balita nga natin, hanggang ngayon, hindi pa maipaliwanag kung saan kinukuha ang value ng bawat produktong ini-import.

Ganyan nga kagarapal ngayon ang palusutan, lalo na sa mga pantalan ng MICP, Cebu, POM, Cagayan de  Oro at sa mismong lugar ni Pangulong Rody Duterte, ang Port of Davao.

Iyan ay bukod pa sa tuluy-tuloy rin na palusot ng mga bigas at asukal.
Ilang shipment na ba ng asukal at bigas ang nahuli nila pero pinakawalan din dahil daw sa “matinding”  padrino?  

Totoo bang isa itong mambabatas?

Ano sa palagay niyo, Pangulong Rody Duterte at Finance Secretary Carlos Dominguez?

***

Pahabol lang Comm. Guerrero, Paki busisi mo naman bakit hanggang ngayon ay nakabitin pa ang mga entry ng tiles na sumusunod: Entry no 134896  133735 133642. Ang balita natin tumitiyempo pa dahil P73k lang bawat container ang binayaran. Ang mga kasabay niyan ay naitama na yata ang binayaran kaya nakalabas na.  

Aksyon na Sir!

***

Kung may mga puna, mayroon din namang mga dapat purihin.

Ayon sa ating miron, maraming nagpapasalamat kay POM- Formal Entry Division Chief Rizalino Torralba dahil kahit papaano ay natutugunan ang kanilang mga hinaing. Ika nga,  basta nasa lugar at walang kaaakibat na kalokohan ay agad naaaksyunan ni Rizal ang kanilang mga entry.

Sa totoo lang, bihira na ang opisyal na kagaya ni Rizal.

Pero ganun pa man, takot din siyang basta mag-aproba ng mga entry na inilalapit sa kanya dahil baka masabon naman siya ng kanyang bossing.

Sa ganang atin naman, mas maige na ito, kaysa naman sa district collector niya na hindi mo malaman kung pumapasok pa o nagtatago lang. Walang kasilbi-silbi. Dekorasyon lang yata.
Eh, bakit nga ba inilagay mo pa sa puwesto ‘yang Ilagan, Comm. Jagger, totoo ba ang balitang hindi mo lang matanggihan ang tumawag sa ‘yo?
Tsk tsk tsk.  

***

Bantay sarado ng mga taga-Bureau of Customs o BoC ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Sa totoo lang, dadaan sa butas ng karayom ang parating at paalis na kargamento.
Nandiyan ang mga X-Ray machine, K-9 sniffing dog at matitino na kawani ng BoC.

Noon ngang Martes ay kinumpiska ng mga tauhan ng NAIA-BoC ang 96 kilong prutas at 65.7 kilong meat-based food.
Ang kontrabando ay dala ng anim na Singaporeans na sakay ng isang private plane.

Dumating sa bansa ang mga Singaporean para lang maglaro sa isang casino sa Pasay City.

Sinabi ni Bureau of Animal Industry Veterinary Inspector Nilo Cristal na walang maipakitang import permit ang mga Singaporean.
Ibinigay ng NAIA-BoC ang mga prutas at iba pang pagkain, na kinabibilangan ng siopao at siomai, sa Bureau of Plant Industry.
Maganda ang working relationship ng mga concerned state agency sa NAIA.

Mabuti na lang at laging may accomplishment sa NAIA para mapagtakpan ang mga kapalpakan sa malalaking pantalan na talamak ang palusutan.

***

Mainit at napakalaking isyu ang Rice Tariffication Law sa 2022 presidential election.
Oo nga’t madaling makalimot ang mga Pilipino, pero ibang isyu itong pagkalugi ng mga magsasaka, lalo na ang mga nagtatanim ng palay.

Huwag natin kalimutan na bilang isang agricultural country, ang majority ng populasyon natin ay mga magsasaka.   
At hindi makukuha sa PR at tamis ng dila ng mga politiko para mawala ang galit ng mga magsasaka.
Alam na nila ang masamang dulot ng batas na ito.
Ramdam nila ang epekto nito.

Ngayon nga ay maraming hindi makapag-aral sa kolehiyo dahil nalugi ang mga magsasaka.
Kulang pang pambayad sa utang ang napagbentahan ng ani nila dahil sa sobrang baba ng presyo ng palay.
Ang pinapaboran daw ng batas ay ang mga magsasaka sa labas ng bansa at ang mga mayayamang importer ng bigas na kadalasan ay niloloko pa ang bansa dahil sa outright smuggling at technical smuggling.  

Inuulit natin. Hindi makukuha sa boladas ang mga magsasaka dahil sila ang nahihirapan sa pagbaha ng imported rice sa bansa.
(Para sa inyong mga komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan?