Home>Editorial>Opinion>Security features sa online transactions, paigtingin

Security features sa online transactions, paigtingin

SA GITNA ng matinding krisis na pinagdaraanan ng buong mundo, hindi naman tumitigil ang mga masasamang loob sa pananamantala sa kapwa.

Katunayan, mas tumindi pa ang kanilang mga modus lalo na’t sa gitna ng pag-iral ng mga cashless at online transactions dahil sa takot ng marami na mas madaling kakalat ang virus sa cash transactions.

Isa sa patunay ng mas pinatinding modus ng mga sindikato ang pagkakabiktima mismo kay Senador Sherwin Gatchalian makaraang ma-hack ang kanyang credit card at ginamit sa pag-order ng P1 milyong halaga ng pagkain sa isang food delivery service.

Sinabi ni Gatchalian na hindi niya inaalis ang lahat ng posibilidad kabilang na ang anggulo ng inside job habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.

I don’t rule that out. In fact, I don’t rule out na mayroong coercion to and I don’t rule out mayroon tong cooperation or insider cooperation. Pwede sa Food Panda, pwede rin sa bangko, pwede rin sa iba pa. We need to investigate this but we cannot rule out anything right now,” saad ni Gatchalian.

Isinalaysay ni Gatchalian na nagawa ng hacker na mapalitan ang kanyang nakarehistrong cellphone number sa kanyang credit card account kaya’t nagkaroon ng access sa one-time passwords (OTPs) para sa mga transaksyon.

Dahil dito, plano ni Gatchalian na magreport sa Valenzuela Police Station hinggil sa insidente.

Gusto ko muna mag-file ng police report to make this official para mayroon na ngayong case for asking Food Panda for more information,” diin ni Gatchalian.

Importante na gawin muna nating official ito but definitely dapat ma-pursue ito and I want to pursue this dahil… marami pang mabibiktima ito at marami ng nabiktima nito. We have to trace kung sino ba talaga ang gumagawa nito,” dagdag nito.

Itong mga hacker, nage-evolve yan, nagi-innovate din. Tinitingnan nila kung saan sila pwede lumusot. Nakita nila, very loose itong pagpapalit ng number, napalitan nila. Moving forward, dapat palitan na ngayon ng bangko yung kanilang sistema,” diin pa ng senador.

Ang insidenteng ito ay nagpapatunay na sa gitna ng pagsisikap ng mga institusyon na makasunod ang bansa sa modernong teknolohiya, marami pa ring dapat gawin upang maigting ang security system sa mga banking at financial institutions para sa online at cashless transactions.

Kung ang isang senador ay nabiktima ng ganitong uri ng modus, paano na ng maliliit na tao lalo na’t marami ang tumatangkilik ngayon sa online shopping?

Bagsak ang ekonomiya dahil sa COVID-19 at baka lalo pa itong bumagsak kung mismong ang mga cashless transactions ay hindi pa magkakaroon ng malinaw na security.

Dapat ding ma-pin down ng mga awtoridad ang nasa likod ng ganitong iligal na aktibidad.

Nananawagan din tayo kay Senador Win na huwag niya itong tigilan dahil tiyak na hindi lamang siya ang mabibiktima ng sindikato kung hindi marami pang iba.

Kapag nagawa itong tutukan nang husto ng senador, tiyak na magiging super hero at ‘win na win’ siya sa lahat lalo na sa small and medium businessmen.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large