Senador Bong Go, kumakasa sa Senado!

TINGNAN mo nga naman, dati-rati, palaging nasa gilid lang ni Mayor Rody Duterte, walang kibo, ngayon, nakaisang taon na pala si Bong Go bilang Senador ng republika!

Bilog talaga ang bola, hindi mo alam kung ano ang bukas. Parang kailan lang, inimbestigahan pa si Bong sa senado dahil lamang sa walang batayan na alegasyon, ngayon, siya na ang mag-iimbestiga.

Ang naging problema sa mga nag-iimbestiga, nabigyan pa ng pagkakataon si Bong na makilala ng taumbayan kaya hayun, nang sagutin ang mga fabricated allegation, nakita tuloy ng publiko ang kanyang potensiyal. Biglang naging senador nang wala man lang sa kanyang plano.

Hindi alam ng mga nagbaon kay Bong na para silang naglibing ng binhi, biglang umusbong.

Sinong mag-aakalang iyong kasabayan ko lang sa jetski sa Samal island ay nakikipagsabayan na sa mga batikan sa Senado. Iyong tipong sasabihan ang betereno sa august chamber na "you are not my professor and i am not your student!" Kumakasa ika, nga!

Isa sa tingin kong naglapit sa tao kay Senador Bong Go ay ang kanyang Malasakit Center na sobrang lawak mula Luzon, Visayas hanggang Mindanao. Ang brainchild na ito ni Go ay one stop shop government center na naroon ang lahat ng desk ng gobyerno para tumulong sa mga mahihirap nating kababayan mula sa pagpapagamot hanggang sa mga dokumentong kailangan gaya ng NBI clearance, PSA documents at iba pa.

Katunayan, nang maging Senador, iyong pet project niyang Malasakit Center ang kanyang unang naging panukalang batas sa 18th Congress. Nasa 74 na pala ang Malasakit Centers na naging isang ganap na batas matapos makapasa sa kongreso at lagdaan ni Pangulong Duterte.

Katulad ni Pangulo, ang mga OFWs din ang naging sentro ng pagseserbisyo ni Go dahil alam nilang malaki ang kontribusyon nito sa ekonomiya ng ating bansa. May panukala na rin Go ng Overseas Filipino Act na naglalayong magkaroon ng mas malakas at mas episyenteng pagseserbisyo sa mga manggagawang Pinoy sa abroad.

Parang hindi napapagod itong kaibigan nating Bong dahil kahit anong dami ng ginagawa sa Senado, kapag nagkaroon ng sunog o kalamidad kung saan man, siya kaagad ang makikita mo on site kinabukasan na may bitbit na tulong sa mga pamilyang nabiktima.

Hindi ko alam kung saan kumukuha ng enerhiya si Bong Go para magawa niya ang multi-tasking na mambabatas at lingkod-bayan on the ground.

Baka naman dahil sa pomelo at durian kaya walang kapaguran si Senador Bong, aba'y bigyan nyo naman kami nyan!

Congratulation sa unang taon mo, Senador Bong!

allanpunglo@gmail.com