Senador Bong Go vs Congressman Edcel Lagman

September 02, 2019

KAPAG pustahan ng kredibilidad ang itataya, malamang ay mauubusan si Albay Congressman Edcel Lagman, lalo na’t ang kalaban ay si Senador Bong Go.

Una, alam nating lahat na maliit pa lang ang Mt. Mayon, pulitiko na si Lagman. Nagpasalin-salin na ng mga pulitiko sa Bicol, si Lagman ay nasa posisyon pa rin. Wantusawa ba!

Kung susumahin ang pondo na dumaan sa opisina ni Lagman sa maraming dekada niyang pagiging kongresista sa Albay, puwede mong isipin na baka carpet na ang lahat ng kalsada doon o kaya naman ay parang paraiso na sa ganda at unlad ang kanyang lugar.

Kapag ikunumpara si Lagman sa batang si Go na isang bagitong pulitiko at balahibong  pusa pa sa Senado, hindi mo aakalaing malalagpasan agad ang nagawa ng isang beterano sa pulitika.

Ang pagkakamali ni Lagman, sinilip niya ang Malasakit Center na brain child at pet project ni Go kahit noong hindi pa ito kumakandidato. Kung mayroon mang  sentro ng health program ang Duterte administration, puwede nating sabihin na itong Malasakit Center ang tumatak sa marami nating kababayan.

Personal tayong nakakakuha ng mga positive feedback mula mismo sa mga beneficiaries ng Malasakit  Center. Prompt at efficiency of service ang nakakarating sa atin mula mismo sa mga pamilyang nakinabang at patuloy na nakikinabang dito.

Wala pa tayong natatandaang health center ng gobyerno na katulad ng Malasakit Center na totoong nagiging sandigan ng mga mahihirap nating kababayan.

Ang maganda lang talaga kay Senador Bong, hindi ito pulitiko mag-isip. Wala siyang iniisip na future benefits nang simulan niya ang Malasakit Center. Personal nating kakilala si Bong Go kaya puwede nating sabihin nagkamali si Lagman sa mga alegasyon sa Malasakit Center.

Iyong pagkapanalo ni Bong sa Senado ay after thought na lamang niya na kinilala ng mga mamamayan ang kanyang pagtulong pero pansinin nyo mabuti kung paano tumulong si Go kapag may lumapit sa kanya. Sobrang personalan, walang trabaho!

Kapag may lumapit sa kanya kahit noong nakabuntot pa lang siya palagi kay Mayor Rody Duterte sa Davao, siya talaga ang personal na tatawag kung anong opisina ang kailangan.

Bitbit ni Go ang ganoong work ethics nang maging presidente ang boss niyang mayor kaya hindi siya nabutasang namumulitika sa kahit anong pagkakataon. Kung may epitome of humility in public service, puwede kong sabihin na si Bong Go iyon.

Sinong hindi magmamahal sa Malasakit Center na one stop shop service ng gobyerno? Kung mabuhusan man ito ng pondo ng Pagcor, ng PCSO at ng Office of the President, hindi tayo manghihinayang dahil direkta itong nakakarating sa mga mahihirap nating kababayan.

Umaasa tayong mas lalaliman pa ni Lagman ang pag-aaral at pagtatanong sa mga beneficiaries ng Malasakit Centers para maisip niya ang kanyang malaking pagkakamali na batikusin ito.
allanpunglo@gmail.com