Senador Grace po, ‘hindi nabubulok’

November 19, 2018

NAKAKAGULAT si Senadora Grace Poe.

Kailan lang, walang masabing maganda sa Duterte administration. Lahat na lang pinuna, lahat na lang binatikos. Ang kaibahan lang niya kay Senador Kiko, mas mahaba ang kanyang buhok pero lahat, para silang pinagbiyak na bunga kung ang pag-uusapan ay ang paghataw sa administrasyon.

Pero nitong isang araw, may bagong gimik si Grasya. Nagpunta sa bagong Mactan Airport sa Cebu para gumawa ng sarili niyang “music video” na ang tema ay pinupuri ang paliparan. Sabay upload sa FB na parang siya ang nagpagawa!

Kaya lang, ayaw niyang masyadong mahalata na nagbabago na siya ng tono, nahihiya pang purihin ang gumawa bagama’t todo puri sa project.

Hinahanapan ko ng dahilan ang biglang pagkambiyo ni Donya Grasya kasi dugong LP ito na parang hunyangong naghubad bigla ng kulay. From dilaw to puti. LP as in Liberal si Poe.

Kaya naman pala biglang naglabas ng gimik na pumupuri sa airport na gawa ng Duterte administration, nakita na niya siguro ang ilang independent survey na hindi na siya ang number one.

Dalawang independent surveys ang nakita natin nitong weekend na hindi naman for public consumption. Nasa No. 4 at No. 6 na si Madame Grace. Ibig sabihin, naramdaman niyang pababa na siya mula sa No. 1 spot.

Kaya siguro nagbago siya ng strategy ngayon na ginagamit pa ang mga proyekto ng Duterte administration para isulong ang kanyang pagbangon.

Ang problema kay Grasya, kung ilalagay ko siya sa dalawang sisidlan ng basurahan, doon siya bagay sa “hindi nabubulok” dahil nga plastik siya.

Wala namang masamang bumatikos pero ang problema sa kanya, hindi naman niya ginawa ang pagbatikos noong mga panahong ang boss niyang si Noynoy ang may sangkatutak na kapalpakan.

Halos sambahin ni Grace si Noynoy kahit lantad na lantad ang kapabayaan nito sa pamamahala ng bansa. Lahat ng Noynoying ng dating administrasyon ay halos lagyan ng kuwadro ni Madame dahil lang sa pag-asang siya ang magiging presidential bet ng LP noong 2016.

Ngayong ramdam niya ang pagiging unpopular ni Noynoy dahil sa Dengvaxia massacre, revival ng mga isyu tulad ng SAF44, kapabayaan sa Yolanda, hayun, nagkukumahog na naman si Madame na umisip ng gimik kung paano mapapansin ng publiko sa pamamagitan ng pagdikit sa mga proyekto ng gobyerno.

Ang problema nga lang pala sa mga “hindi nabubulok”, puwede talaga silang ma-recycle, mula sa pagiging dilaw, patungo sa puti!

Madame buking ka na, huwag ka nang magpalusot!
allanpunglo@gmail.com