Senador Ping Lacson sa 2022?

October 28, 2019

MAY mga nagtutulak sa kandidatura ni Senador Ping Lacson sa pagka-pangulo sa 2022.

Dalawa ang sinasabing potential na bise ni Ping, si Senador Pacquiao or si Senate President Tito Sotto.

May mga nagsusulong din na negosyante sa isang batang pulitiko. Palibhasa hindi nila alam ang tunay na karakter, akala nila ay totoong mabuting tao at magaling sa public service. Kung alam lang nila, isa sa pinakakorap at pinakawalanghiyang pulitiko na naimbento sa kasaysayan ng pulitika ang batang ito.

Si Senadora Grace Poe ay gusto rin umulit sa 2022. Si Davao City Mayor Sarah Duterte ay biglang tumahimik kaya hindi natin alam kung ano ang  kanyang plano pagkatapos ng termino ng kanyang erpat na si Pangulong Duterte.

Sa mga posibleng Presidential candidates, si Senador Ping ang nakikita nating puwedeng pumalit kay Digong.

Kaya naman nahalal si Mayor Rody, nagsawa na ang bayan sa mga bolerong pulitiko na walang ginawa kung hindi magpaka-statesman pero dorobo naman sa paglilingkod.

Naghanap ang tao ng strong leader at hindi plastic kaya nanalo si Digong noong 2016. Sa tingin ko, gusto pa rin ng ating mga kababayan ang strong leader para maipagpatuloy ang pagsasaayos ng bansa.

Hindi na natin kailangan ng maarte, walang malasakit, pekeng lingkod-bayan at trapo kaya sa tingin ko malaki ang tiyansa ni Ping.

Makailang ulit na rin naman tayong nagkaroon ng close encounter kay Senador Ping. May isang pagkakataon, nakasalubong ko pa siya sa Haipong Road sa Hong Kong kasama ang kanyang maybahay. Bumati naman at magiliw.

Nakasama ko na rin siya sa lunch sa Fish market sa Hong Kong din.

May mga common friends kami na kasamang nag-dinner sa Century seafood sa Manila. Kapag nakausap mo nang malapitan si Ping, masayahin din at may soft side. Mababaw din ang kaligayahan dahil kapag nabatuhan mo ng punchline, humahalakhak din. Iyon ang parte ng pagkatao ni Lacson na hindi pa nakikita ng ating mga kababayan.

Ang tingin ng publiko kay Ping ay masyadong istrikto at parang hindi kayang bumaba sa level ng masa. Istrikto talaga si Ping kapag trabaho ang pinag-usapan.

Nakilala naman natin si Ping bilang istriktong heneral ng PNP na  nagpatupad ng no take policy sa jueteng at sa lahat ng illegal na negosyo. Siya rin ang nagpapayat sa mga bundat na pulis at nagpasauli ng  carnapped vehicles na ginagamit ng mga parak.

Masasabi nating nailagay sa tamang sistema ang pulis sa panahon ni Ping at nang maging senador, hindi naman siya nagbago ng prinsipyo dahil siya lang ang hindi kumukuha ng pork barrel funds.

Kung ikukumpara sa isang lamesa, isang paa lang ang kulang ni Ping para matatag na makatayo para sa 2022, iyon ay ang maramdaman ng masa na kaya niyang bumaba na sa tingin natin ay madali dahil nga sobrang jolly person niya sa mga maliliit na umpukan.

Sa isang banda, may dalawang taon pa naman bago ang 2022 Presidential election kaya puwede pang magbago ang lahat sa hanay ng mga posibleng kumandidato. Malay ba natin baka naman gusto na lang ni Ping na magsaka ng bukid sa Cavite kapag natapos ang kanyang termino sa pagkasenador.
allanpunglo@gmail.com