Senator JV Ejercito, The Good One!

MATAGUMPAY ang idinaos na ‘JV Day’ ng daang libong bilang na supporters ni reelectionist Senator JV Ejercito kahapong maghapon.

Dumagsa sa kalsada sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga tagasuporta ni Ejercito na binansagang ‘JV The Good One!’

Sa isang pahayag, sinabi ni Tony Garcia, executive director ng JV Para sa Bayan Movement, ang naganap na JV Day kahapon ay makasaysayan dahil naipaihayag at naipakita nila sa madla na karapat-dapat na muling makabalik si Ejercito sa Senado.

Sa social media, viral din ang video ni  outgoing San Juan Mayor Guia Gomez  nang sumayaw, kasama ang magigiliw na San Juaneno mula sa saliw ng tugtugin ng patok na campaign jingle ni Ejercito na ‘Doon Ako sa Mabait, Doon Ako sa Magaling, JV Ejercito. JV Good, JV Good, JV is the Good One!’

Patunay na ang ina ng butihing senador ay malakas pa rin at hindi totoong may sakit ito at nanghihina na!

“Nakaka-last song syndrome yung jinggle ni Senator JV. Panalo,” sabi ni Robin Lacsi, isa sa tagasuporta ni Ejercito.

Para kay Garcia, ang ipinakitang pagmamahal ng mga supporter ng senador ay daan upang muli itong makabalik sa     Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Bakit nga naman hindi, eh mula sa 18 na taon nito sa serbisyo publiko, malinis ang track rekord ni JV at hindi kailanman nasangkot sa anomalya o graft and corruption.

Bilang mambabatas, umabot sa 80 batas ang naiakda ni Ejercito at pinakahuling ambag nito sa lipunan ay ang pinirmahang batas ng Pangulong Duterte na Universal Health Care Law at ang pagkatatag sa bagong Department of Human Settlement and Urban Development.

Bukod sa 80 batas, may inihain pang 572 panukalang batas si JV at 108 na resolusyon.

“Hindi sayang ang boto natin kay JV Ejercito,” sabi naman ni Rolando de Torres na isang Batangueno.

Bukod sa Metro Manila, mula Baguio City hanggang Cotabato province, daang libong tagasuporta ni Ejercito ang lumabas sa kalsada, nagsayawan, nag-motorcade, nag-noise barrage at nagkaroon din ng makabuluhang ‘public discussion’ hinggil sa mga adbokasiya at nagawang tulong ni JV sa bansa.

Isa-isa ring nagpahayag ng suhestiyon ang ilan nating kababayan na ipararating kay Senador JV upang magsilbing inspirasyon nito para gumawa pa ng natatanging batas patungkol sa pangangailan ng taumbayan.

Ang matagumpay na JV Day ay sinuportahan ng Junior Chamber International (JCI) kung saan dati ring naging pangulo nito si Ejercito.

Ang JCI ay samahan ng mga kabataang nais maging mabuti at magaling na mamumuno sa bansa.

Ang nakatutuwa, kahit sinong tagasuporta ni Ejercito ay malayang nakilahok sa JV Day kahapon.

“Wala pong requirement sa ‘JV Day’ basta naniniwala, sumusuporta, at nakikipaglaban para kay Senator JV Ejercito at malinis na paglilingkod,” sabi pa ni Garcia.

Sa maghapong aktibidad, hindi naman naging abala sa daloy ng trapiko ang mga tagasuporta ni Ejercito, higit lalo ay hindi rin sila nagkalat ng basura sa kalsada.