Senior citizen ginagatasan ng ilang tiwaling punong barangay

June 11, 2019

NASAAN ang konsensiya ng ilang mga tiwaling punong barangay sa lungsod ng Maynila na sa halip na pagmalasakitan at bigyan ng pagkilala ang mga senior citizen ay ginagawa pa  nilang gatasan ang mga ito.

Sa mga reklamong natanggap ng On The Beat, ilang mga punong barangay sa Tondo ang umano’y ibinubulsa, kung hindi man lahat ay ang malaking bahagi ng P500, na tinatanggap ng mga senior citizen sa tuwing sasapit ang kanilang kaarawan.

May mga senior citizen daw na kahit singkong duling ay hindi ipinagkakaloob sa kanila ang kanilang cash gift mula sa lokal na pamahalaan sa tuwing sasapit ang kanilang kaarawan habang ang iba naman ay nakakatanggap nga pero P200 lang at ang P300 ay ibinubulsa na raw ng kanilang Barangay Kupitan.

Tanong tuloy ng marami, wala rin
daw bang respeto sa kanilang mga magulang ang mga ganid na Kabesa ng barangay kaya’t hindi nangingiming gatasan ang mga senior citizen? Madadala raw ba nila sa hukay ang kanilang kinukupit na salapi?

Nakalulungkot lang na nahahalal pa ang mga ganitong uri ng punong barangay sa Maynila na wala ng iniisip kundi ang kumamkam ng salapi kahit sa anong paraan.

Hindi kaya iniisip ng mga tiwaling Barangay Kupitan na bawat’ miyembro ng isang pamilya ay kailangang rumespeto sa mga matatanda dahil dito kumukuha ng mga payo at pangaral ang mga kabataan na hinuhugot pa ng mga matatanda mula sa kanilang mga naging karanasan.

May ilan ngang lokal na pamahalaan na taun-taon ay binibigyang pugay at pagkilala ang mga senior citizen dahil sa mahahalagang papel na kanilang ginampanan para sa patuloy na pag-unlad ng kanilang lungsod habang itong mga ganid na Kabesa naman, sa halip na pagpupugay ay ginagatasan pa ang mga matatanda.

Sa mga hindi naakakaalam, bukod sa P500 cash gift, maraming ipinagkakaloob na benepisyo ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila sa mga senior citizen kabilang na ang libreng panonood ng sine tuwing araw ng Lunes, Martes at Huwebes, halagang P3,000 na buwanang gamot sa kanilang mga sakit na makukuha sa malapit na health centers sa kanilang lugar, libreng bayad sa mga mararatay sa alinmang pagamutang pinatatakbo ng lungsod at exemption sa vehicle coding kung ang makakasita ay lokal na traffic enforcers.

Sana, sa pag-upo ni Mayor-elect Isko Moreno, totohanin niya ang pangako na bigyan ng automated teller machine (ATM) cards ang mga senior citizen para sila na mismo ang kukuha ng kanilang benepisyo at hindi na dadaan pa sa mga tiwaling punong barangay.

Text ng readers

Sir, bakit po sa malalaking lansangan lang nakatutok ang MMDA? Sana ay balikan naman nila ang mga secondary roads na kanilang nilinis dahil balik ulit ang mga illegal parking, vendors, kubol sa lansangan at terminal ng tricycle at jeep. Dito lang sa Quiricada St. kanto ng Rizal Avenue, sakop na ng mga nakaparadang tricycle at vendors ang kalahati ng kalsada gayung tabi pa naman ng Fire Station. Sana ay tuluyan na pong maayos ang kahabaan ng Quiricada St. pag-upo  ni Mayor Isko- text ng reader na si Tony ng Tondo.

Illegal parking at mga vendor din ang reklamo ng reader na si Vicky ng Pasay City na nakabalandra raw sa kahabaan ng A. Arnaiz Avenue na dating Libertad St. mula raw sa Leveriza St. hanggang sa malapit sa Pasay Cockpit Arena kaya gapang lagi ang daloy ng mga sasakyan. May mga traffic enforcer at pulis daw sa lugar pero mukhang pasok daw yata ang mga illegal vendor at illegal terminal kaya dedma sila kahit magkanda-hetot-hetot ang daloy ng trapiko.

Talamak na mga iligal na sugal naman sa lalawigan ng Cavite mula lungsod ng Imus, Dasmariñas hanggang Silang, General Mariano Alvarez at Bailen ang text ng isang Ome.. Karamihan daw sa mga iligal na sugal ay EZ-2, lotteng at color games. Mga alyas Baby, Atienza, Jun, Zaldy at Toto ang mga operator ng mga iligal na sugal sa naturang lalawigan na umaabot pa hanggang Batangas.

Isang nagpakilalang Mang Toto naman ng Caloocan City ang nag-text upang itanong kung wala raw bang kinatawan sa Kongreso ang mga kubrador ng iligal na sugal? Isa raw siya sa napakaraming kubrador ng lotteng sa lungsod na nagiging panakip-butas ng kapulisan para masabi raw na mayroon silang accomplishment gayung ang kanilang mga kabo hanggang sa operator ay hindi hinuhuli.

Mga tricycle naman sa Rizal Avenue kanto ng Blumentritt ang reklamo ng isang reader na may huling numero ng mobile phone na 9835 dahil sinasalungat daw ng mga ito ang daloy ng trapiko at sila pa ang matapang kapag hindi pinagbigyan. Nag-uunahan daw kasi ang mga ito sa pila sa pagkuha ng pasahero kaya sumasalungat sa daloy ng trapiko

Mga pagbati

Nais iparating ni Jackielyn Paredes-Reyes ang kanyang pagbati sa kaarawan ng kanyang mister na si Edgardo Reyes bukas, June 13.

Magdaraos din ng kaarawan sa June 15, araw ng Sabado ang aking kapatid na si Ate Bella Reyes-Montesa kasabay ng isa kong manugang na si Joanne Dianne Viray-Reyes.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.