Shabu, pambayad sa sex?

MAGALING na intelligence officer si Sr. Supt. Eleazar ‘Ely’ Matta, provincial director ng Laguna Police Provincial Office (LPPO).

Sa husay, lalim, sipag, talino at tapang ng opisyal, hindi malayong maging heneral agad ito sa mga susunod na araw.

Sa Quezon City police ay halos nasubaybayan na natin ang ‘career’ ni Matta. Kaya nga noong hepe pa lang ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, si Boss Ely na ang ‘intelligence chief’ sa Metro Manila police force.

Nang maging PNP chief si Albayalde, ginawang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) si Matta. Pagpapatunay na ganoon katiwala sa kanya si Chief Oca.

Nito lamang nakalipas na buwan, mismong si  Chief Supt. Edward ‘Ted’ Carranza naman ang kumuha sa ‘serbisyo’ ni Matta para  pamunuan ang buong Laguna PPO.

At tulad ng inaasahan, kabi-kabila ang magagandang accomplishments ng Laguna PPO ngayon.

Nariyan ang magkakasunod na paghuli at pagpatay sa mga suspected drug traffcikers, gun runners, mga private armed groups at siyempre pagresolba sa mga malalaking krimen na nagaganap sa lalawigan.

Sa puntong ito, nais kong tawagan ng pansin si Matta.

Tungkol ito sa dumating sa ating sumbong hinggil sa isang spa dyan sa bayan ng Biñan at Calamba.

Baka kasi sa sobrang busy ng grupo ni Matta para sawatahin ang malalaking sindikato sa lalawigan ay nabubulag na siya ng ilang tauhan na ‘patong’ sa sindikato ng prostitusyon.

Matagal ko nang isinusulat ang tungkol sa talamak na bentahan ng panandaliang-aliw sa tinutukoy nating sauna bath.  Sa dami ng nagbibigay ng proteksiyon dito ay tuloy lamang ang ‘quickie sex’ sa nasabing establisimento.

Para sa kaalaman ni Boss Ely, hindi lang ‘masahe con toknakan’ ang nagaganap dito, kundi pati raw droga ay talamak na rin ang bentahan doon.

Karamihan sa kanilang ‘attendant’  ay ‘hook’ na ngayon sa ipinagbabawal na gamot. Ilang parokyano rin nila ang nagdadala ng droga sa loob mismo ng sauna bath.

Minsan, doon din nagaganap ang bentahan ng droga at madalas, droga at shabu na rin ang ipinambabayad para lamang magparaos ang mga adik na parokyano.

Bangag na sa shabu ang mga attendant ng sauna bath, ay ‘high’ pa sa droga ang kanilang customer.

Hindi ko muna tutukuyin ang pangalan ng establisimento para hindi masunog ng husto ang magiging trabaho ng ating kapulisan. Pero siyento porsiyento ay ite-text ko ito kina Col. Matta.

Advise ko kay Matta, mahalagang usisain ng kapulisan ang namamahala rito na ang alyas ay si Bulol at ang kanilang ‘cashier’ na kung tawagin ay si Manang.

Baka kasi may maibigay silang magandang ‘detalye’ para masawata ang kalokohan sa loob ng inirereklamong spa.  

Ayon sa ating source, dalawang uri ng serbisyo ang kanilang inilalatag sa parokyano. Sa halagang P1,000 hanggang P3,000 ay puwede silang mamasahe nang bonggang-bongga at may tinatawag na  ‘happy ending’ sa pamamagitan ng ‘extra service.’

Siyempre, ang extra service na tinutukoy dito ay kategoryang ‘hand job,’ ‘blow job,’ at  ‘quickie sex.’ Dito nagkakatalo, kung saan aabutin ang ‘budget’ ng parokyano na P1,000; P1,500; P2,000; o P3,000.

Ang catch Boss Ely, walang regular na VD check up at pop smear ang mga babaing attendant dito  na mula pa sa Visayas at Mindanao.

Ang siste pa, hindi rin nila hinihingan ng ‘birth certificate’ ang mga attendant ng spa kaya hindi malayong mayroon ding nagtatrabaho rito na minor.

Sa galing sa intelligence work ni Matta, imposibleng hindi nito maabot ang mga ganitong uri ng kabulastugan.

Ang dalawang spa na ito sa Biñan at Calamba bukas 24-7 kaya maraming babae rito ang stay-in na madali ring mapasyalan ng Inter-Agency Council Against (IACAT).  

Binubuo ang IACAT ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Naniniwala tayong sa mga impormasyong ganito, hindi na aantayin ni Col. Matta na sumugod pa ang IACAT sa kanyang nasasakupan dahil sa liderato niya pa lang ay kaya na niyang tibagin ang ganitong uri ng reklamo.

Tama ba ako, Boss Ely?

* * *

Isama ko na rin sa panawagan kay Col. Matta ang operasyon naman ng bookies ng lotteng sa buong Laguna ng isang pulis na nagngangalang Osel.

Ang lotteng po ni Osel ay naghahasik ng lagim sa Biñan, Calauan, San Pablo, San Pedro at Pagsanjan.