Si Agimat at si Danding

MAGKASUNOD na pumanaw ang dalawang alamat at tanyag sa magkaibang larangan.

Si Ambassador Danding Cojuangco na kilalang long time owner ng San Miguel Corporation ay namatay noong Hunyo 17. Si former Senator Ramon Revilla, Sr naman na kilalang Agimat ng Masa at top honcho ng box office maker na Imus Production ay namatay nitong Hunyo 26.

Parehong legendary sina Agimat at Revilla subalit ang hindi natin alam ay matalik na magkaibigan pala ang dalawa. Nang dumalaw tayo sa wake ni Agimat sa bahay nila sa Cavite nitong Sabado, nakapagkuwentuhan kami ni Senador Bong sa kusina.

Nabanggit ko naman dito na malapit ako sa pamilya Revilla kaya hanggang kusina nila, nakikialam ako kapag gusto kong magkape. Siya nga pala, limitado ang pagbisita sa wake ni Agimat sa pamilya at malalapit na kaibigan dahil sa social distancing.

Maayos naman ang pag-manage ng pamilya Revilla sa mga gustong magbigay ng huling respeto sa kanilang ama. May disinfectant booth na may temperature monitoring, may health form na pipirmahan for contact tracing at COVID testing sa mga gustong magpasuri. May holding area sa compound bago makapasok sa mismong wake. At bago pumasok sa wake site, kailangan ng shoe cover.

Sa loob ng mismong kuwarto na pinaglalagakan ni Agimat, hanggang anim or walong katao lang na magkakahiwalay at maximum 3 minutes policy lang para mabilis ang palitan ng mga gustong makiramay. Strictly, no mask, no entry.

Istriktong ipinatutupad ang health protocol kaya walang dapat ipag-alala ang mga kapamilya at kaibigang nakiramay.

Katulad ng binanggit ni Bong, nagsimula ang pagiging malapit nila Danding at Agimat noon pang mga dekada 70 hanggang 80 habang Police Major pa sa Customs si Ramon Senior.

Nagpatulong si Danding kay Agimat sa isyu ng sports car na wala namang problema sa papel. Nang malutas ang problema, parang walang nangyari dahil hindi naman humingi ng kahit ano si Major Revilla dahil talagang public service lang ang ginawa.

Hindi na umano nakalimutan ni Boss Danding iyon kaya makalipas ang ilang panahon, panabong na manok ang ibinigay niya kay Agimat. By the way, parehong mahilig sa sasabunging manok sila Danding at Ramon Senior.

Doon na nagsimula ang friendship ng dalawa. Ang magandang kuwento rito, sa parehong ospital na-confine ang dalawa at tingan mo nga naman ang pagkakataon, magkatabi pa ang kanilang kuwarto!

Binanggit pa ni Bong na may mga pagkakataong iyong aparato na ginamit ni Danding ay ipinahiram pa niya kay Agimat habang sabay sila naka-confine. 85 years old si Danding nang pumanaw samantalang 93 naman si Agimat.

Ang aral sa kuwentong ito, talagang kapag nagtanim ka ng mabuti, tiyak na aani ka rin ng kabutihan tulad ng istorya nila Danding at Agimat.

Isa pang magandang kuwento ni Agimat, sobrang sinop sa kanyang kinikita noon sa showbiz. Noong mga panahong wala pang pumapansin sa Cavite, si Ramon Senior ay bumibili na ng lupa.

Habang iyong ibang mga sikat na artistang kasabayan ni Agimat ay nagwawaldas ng pera sa bisyo, siya naman ay inilalagay sa mga real estate property ang lahat ng kanyang kinikita.

Kaya naman naisaayos ni Agimat ang kanyang pamilya na dapat maging pamantayan ng isang good provider na ama ng tahanan.

Muli po, kami po ay nakikiramay sa mga naulila ni Nardong Putik, Kamlon, Bianong Bulag, Kapitan Inggo, Pepeng Kuryente at erpat ni Panday!

allanpunglo@gmail.com