Home>Editorial>Opinion>Si Cayetano at ang BTS sa Kongreso!

Si Cayetano at ang BTS sa Kongreso!

DATI ‘behind the scene’ o ‘be there soon’ lang ang pagkakaalam natin sa meaning ng BTS.

Pero dahil na rin sa impluwensiya ng K Pop, iba na ang dating nito sa ating kabataan o iba pang tagatangkilik ng Korean trend dahil ang BTS sa kanila ay grupo ng pitong guwapong Koreano na miyembro ng Boy Band na kung tawagin ay Bangtan Boys.

Hindi natin masisi si dating House Speaker Alan Peter Cayetano kung pati siya ay sakyan ang kasikatan ng salitang BTS, isang bagong kilusan sa Kongreso na ang ibig sabihin ay Balik sa Tamang Serbisyo.

Ayon kay Cayetano, puwede rin na ang ibig sabihin nito ay Bayanihan, Tapang at Serbisyo na tila’y nawala na ngayon sa Kamara de Representante.

Noong si Alan pa ang Speaker, ang tawag sa Kamara ay House of the People o HOPE. Ngayon ay nakalulungkot aniya na ang dating House of the People ay naging House of Politics na.

Ang punto ng BTS sa Kamara de Representante ay muling mapagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang mga mahahalagang isyu tulad ng COVID-19 vaccination program at economic recovery ng bansa. Gayundin ang mga presyo ng bilihin at kuryente, at iba pang nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay ng mga mamamayang Pilipino.

Layon din ng BTS na alamin ang kalagayan ng rehabilitation programs para sa mga nasalanta ng nakaraang malalakas na bagyo, at gayundin ang sa eruption ng Taal Volcano noong Enero ng nakaraang taon.

Kasama rin aniya ang pag-amyenda ng batas upang mapigil ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth ngayong taon na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang may gusto. Kahit ito ang utos ng Pangulo, kailangan pa rin ng bagong batas para magkabisa ito.

Ang tanong ni Alan, may kumikilos ba ngayon sa Kamara para mapabilis ang pagpasa nito?

‘Yung pangako aniya ng mga higante at mayayamang telcos na pabilisan ang internet service, na kailangang kailangan ngayon sa online learning at online businesses ay wala pa ring nangyayari hanggang sa kasalukuyan.

Ilan lang ito sa mga isyu na dapat sana ay napagtutuunan ng atensyon ng Kamara ngayon pero ang tingin ni Cayetano ngayon, mukhang ang ilan sa mga kapwa kongresista ay puro pamumulitika na ang inaatupag.

Nagtataka kasi ang mambabatas kung bakit sa dinami-rami ng problemang kinaharap natin ngayon dahil sa COVID-19 ay nakuha pa nilang buksan ang debate tungkol sa Charter change?

Kahit simpleng tao naman siguro ay mapapamangha sa kagustuhang ito ng ilang kongresista. Bakit ba mas uunahin ang Chacha, gayung simpleng pagkuha nga ng bakuna sa labas ng bansa ay hindi pa natatapos.

Ang puntong ito ang nais tumbukin ng BTS ni Cayetano, kasama rin sina former Deputy Speakers Camarines Sur Cong LRay Villafuerte, Laguna Cong. Dan Fernandez, Batangas Cong. Raneo Abu at Capiz Cong. Fredenil Castro. Kasapi rin ng kilusang BTS sina Bulacan Cong. Jonathan Sy-Alvarado na dating chairman ng House committee on good government and public accountability; at Anakalusugan partylist Cong. Mike Defensor, na dating chairman ng House public accounts committee.

Ayon kay Congressman Defensor, hindi lamang sila ang kasapi sa kilusang ito, kundi marami pa silang mga committee chairperson at iba pang miyembro ng Kamara na sumisimpatiya sa layunin ng BTS.

Baka ito aniya ang magiging ARMY, kasama na ang karamihan ng mamamayang Pilipino na sawang sawang na sa pamumulitika sa Kongreso.

Ayon pa kay Mike, ang mga kasama nila sa BTS Congress bloc ay ang mga nagtatrabaho sa Kongreso na gusto muling ibalik ang dating sigla at sipag sa Kamara para makatuon ito sa mga bills na kailangang ipasa kaagad.

Si Congressman Villafuerte naman ay nadismaya dahil nauwi na sa puro pamumulitika na lamang ang nangyayari ngayon sa Kamara, sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga importanteng panukala tulad ng mga bills para muling mapasigla ang ekonomiya at mga negosyo, at patuloy na mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap nating kababayan.

Kailangan ding pagtuunan ng pansin ang peace and order, ayon naman kay Congressman Castro dahil nakakabahala na ang mga nangyayari, tulad na lamang ng pamamaril ng isang pulis sa isang mag-ina kamakailan, at ang lumalalang problema ng online child pornography sa bansa.

Kung nanamnamin, may punto ang mga linya ni Cayetano at mga ka-BTS. Mga puntong dapat naman sigurong pag-isipang mabuti ni Speaker Velasco dahil sa ayaw niya’t sa gusto, maikukumpara ang kanyang performance sa mga naging legacy ni Alan noong siya pa ang pinuno ng Kamara.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large