Si Mando nga ba ang tinik sa lalamunan ni Gen. Anduyan?

January 08, 2019

BUKOD sa matinding kampanya laban sa iligal na droga at iba pang uri ng krimen, pinatutukan din ni Northern Police District (NPD) Director Rolando Anduyan ang pagdakip sa mga wanted na personalidad na sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen.

Lahat ng mga chief of police ng apat na lungsod na nasa ilalim ng NPD ay tumalima sa direktiba ni Gen. Anduyan kaya’t sa mahigit dalawang buwan pa lamang na pag-upo ng opisyal sa puwesto, malaki ang ibinaba ng kriminalidad sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA).

Marami rin ang mga wanted na kriminal na may arrest warrant mula sa korte ang nadakip lalo na’t mahigpit ang kanyang tagubilin sa mga hepe ng Warrant and Subpoena Section na iwasan na ang dating kostumbre ng ilang tiwaling pulis na ibinabangketa at kinokotongan ang mga nahuhuli sa halip na dalhin sa presinto.

Pero dahil nakatutok ang butihing heneral sa pagsugpo sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad sa apat na lungsod, hindi niya siguro namamalayan na may ilang nagpapakilala niyang tauhan na nambabraso umano sa malalaking gambling lord para hindi maperhuwisyo ang operasyon.

Dalawa ngang big-time gambling lord sa northern area ng Kamaynilaan ang hindi yata mapigilan ang sarili sa pagkukuwento na tig-P100,000 daw ang kanilang lingguhang bigay sa isang alyas Mando upang hindi maisara ang kanilang mga iligal na pasugalan.

Ipinagmamalaki raw kasi ni Mando na hindi na sina alyas Dalisay at alyas Robert ang kolektor ng NPD dahil kung hindi raw nambubukol ay panay ang hirit ng mga ito sa mga gambling lord bukod pa sa hinihinging lingguhang tongpats.

Ito raw ang dahilan kaya’t kinakailangan ng dalawang malaking gambling lord na paigtingin pa ang kanilang operasyon kabilang ang pagpapalawak ng kanilang iligal na bookies ng karera, EZ-2, lotteng, video karera, color games at sakla sa area ng CAMANAVA.

Marami ang nagpapatunay na magaling makisama sa kanyang mga tauhan si Gen. Anduyan kaya’t hindi malayong sinasamantala nina Mando at Dalisay ang kanyang kabutihan.
Seminar ng I-ACT

Nang magpatawag ng seminar sa lahat ng kinatawan ng local government units (LGUs) ang Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) upang mapagtulungan ang pagtutok sa mabigat na problema ng daloy ng trapiko sa buong Kamaynilaan, isa ang Caloocan City na nagpadala ng kanilang kinatawan.

Dumalo ang lahat ng mga kinatawan ng lungsod na may kaugnayan sa problema sa trapiko na karamihan ay pawang mga retiradong police official at mga propesyonal na indibiduwal na may kaalaman sa mga umiiral na batas-trapiko upang makiisa sa pagtalakay sa problema sa trapiko sa kani-kanilang lungsod.

Isinama na kasi ng I-ACT ang LGUs, pati na ang Armed Forces of the Philippines at barangay sa pagtutok sa mabigat na daloy ng trapiko dahil malaki ang kanilang magiging papel para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko.

Ang nakakagulat lang, hindi siguro batid ng lungsod ng Caloocan na mahalaga ang gagawing pagtalakay ng I-ACT sa isasagawang seminar dahil sa halip daw na magpadala ng tamang kinatawan, ordinaryong traffic aide lang ang kanilang inutusan para dumalo sa seminar.

Maaaring hindi ito alam ni Mayor Oca Malapitan dahil may mga opisyal naman siya sa lungsod na dapat mangasiwa sa ganitong problema pero mukhang hindi ata sineryoso ang layunin ng pambansang pamahalaan.

Panagigipit ng BI?

Bukod sa magastos, abala pa ang pagkakaroon ng kapangalan ng mga taong may hold departure order (HDO) dahil ino-obliga ng Immigration officers sa international airport ang mga bibiyahe na may kapangalang isang kriminal kahit batid nila na hindi ito ang totoong taong dapat pigilin.

May isa nga akong kilala na may kapangalang wanted na kriminal na may HDO pero kahit pa ginawa ang krimen noong hindi pa siya isinisilang, pinakukuha pa rin siya ng Immigration official sa NAIA ng clearance bilang patunay na hindi siya ang wanted na indibiduwal.

Nasaan ang katalinuhan sa mga ganitong sitwasyon gayung kung rerebisahin lang ng opisyal ang hawak na dokumento pati na ang  edad, middle initial at pigura ng taong ginigipit, malalaman na kung sila nga o hindi ang kriminal. Kailangan pa ngayong gumastos ng mahigit P1,000 bayad sa clearance bukod sa abala dahil kailangan pa rin ang clearance sa korteng naglabas ng arrest warrant sa kanyang kapangalan gayung kung ibabatay lang sa hawak na dokumento, napakalayo sa katotohanan na siya ang taong may HDO.

Paano na lang kung overseas Filipino worker (OFW) ang may kapangalang kriminal? Hindi pa man siya nakakaalis para kumita ng salapi, kailangan na niyang gumugol ng malaki para lamang patunayan na hindi siya ang taong may HDO.

Para tuloy nababalewala ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Immigration official na huwag gipitin ang mga Pinoy na nagnanais lamang magtrabaho sa ibang bansa para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.