Si PRRD na ang kailangang umaksyon sa mga nangyayari sa BoC

October 02, 2019

SA bigat at dami ng mga problema, dapat si Pangulong Rody Duterte na mismo ang umaksyon sa mga nangyayari sa Aduana.

Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni Pangulong Duterte ay nakatatlong hepe na rin ang Bureau of Customs (BoC).

Isang dating marine captain ang una, three-star police general ang sumunod at ngayon nga ay si retired four-star army general , Rey Leonardo Guerrero.

Sa tingin ng marami ay ginagawa namang lahat ni Commissioner Guerrero para matanggal ang mga bugok sa hanay ng mga taga-BoC.

Ang problema lang ay madiskarte, matalino at talagang eksperto sa katarantaduhan ang mga tiwaling lingkod-bayan sa Aduana.

Bukod doon, baka me mga tawag na hindi niya mahindiam kaya sumasambulat ngayon ang malansang amoy sa BoC.  

Ang balita nga ay ipapo-post audit lang daw ang mga isinawalat nating entry na pinalusot at binayaran ng napakababang buwis.

Ang gagawin lang ng mga tiwaling taga-BoC ay pagdadagdagin ang ibinayad ng mga importer.

Pagkatapos ay libre na namang gumawa ng katarantaduhan ang mga buwitreng opisyal at kawani ng BoC.

At siyempre mag-iingat na sila para hindi masilip ng mga taga-media ang mga susunod nilang kargamento.

Kaya dapat sampolan na ni Pangulong Duterte ang mga ungas na ito.

Panahon na para tanggalin at ipakulong ni PRRD ang lahat ng sangkot sa katarantaduhan sa Aduana.

Sadyang mautak ang mga buwayang ito. Ang ginagawa nila ay gagamit lang sila ng bagong consignee at bagong broker at tuloy na ang ligaya.

Ganyan katindi ang sabwatan sa customs.

Gagawa sila ng paraan para tuloy-tuloy ang pagpasok ng paldo-paldong pera.

Noong unang panahon pa nila ‘yan  ginagawa pero epektibo, ‘di ba, Michael Y.?

Noong panahon nga ni dating Commissioner Ruffy Biazon  ay linggo-linggo ang sinasampahan ng kaso na mga pinaghihinalang ismagler, broker at protektor nilang lingkod-bayan sa Department of Justice (DoJ).  

May kasama pang press conference para malaman ng publiko na tuloy ang anti-smuggling drive ng BoC.

Ang tanong, ano naman ang nangyari sa mga kaso? May nakulong ba? Hehehe!

Ginagago lang ng mga tiwaling taga-BoC ang Malakanyang at taumbayan.

Kahit maglagay ka ng mga bagong mukha ay tuturuan din sila ng “art of cheating” ng mga daratnan nilang opisyal at kawani.

Hangga’t nandiyan pa ang mga “kalawang” at tawag ng mga maimpluwensiyang politiko ay bale wala ang mga reporma at pagbabagong ipinatutupad sa Aduana.

Tuloy ang ligaya nila, kasama ang mga kasabwat nilang taga-BoC.

Balita nga natin, pasko araw-araw sa mga mandurugas.

Natatandaan ba niyo si Atty. Lourdes Mangaoang?

Iyan din ang isang dahilan kaya hindi mapuwesto muli si Atty. Lourdes Mangaoang.

Takot silang makabalik ang matapang abogada.

Ang balita nga natin, isang mataas na opisyal ng Finance Department ang humaharang kaya hindi malagay sa puwesto si Atty. Des.

Alam kasi nila na walang sinisino ang nasabing opisyal kung ang pag-uusapan ay katiwalian.

Kaya kilos na Pangulong Duterte dahil mukhang mga pipi’t bingi na rin ang mga inilagay niyong tao sa Aduana.

Talagang nakakahawa ang graft and corruption diyan sa Bureau of Corruption.

Parang African Swine Fever (ASF) mabilis ang pagkalat ng corruption diyan sa tinaguriang “snake-infested waterfront.”

Ang pagkakaiba lang ay lahat ng baboy sa isang ASF-infected na lugar ay pinapatay. Ito ay para huwag ng kumalat ang sakit.

Sa Aduana, ano kaya ang mabuting gawin para ‘di na kumalat ang korapsyon?

Heto pa mga kabayan, buhay na naman umano ang tinaguriang “Davao Group.”

Sila daw umano ang isa sa nakikinabang sa walang patumanggang ismagling sa bansa.

Matatandaan na dati nang itinanggi nina Cong. Paulo Duterte at bayaw nitong si Mans  Carpio ang nasabing grupo.

Sana naman ngayon ay  huwag na nilang idamay ang dalawa sa mga katarantaduhan nila.

Ang maganda, kayong mga ganid,  tigilan niyo na ang mga iligal ninyong gawain dahil sinisiguro ko sa inyo na maraming mata na ang nagmamatyag sa inyo.

Malamang, maging malaking eskandalo na naman ‘yan!

Ano sa palagay mo, NICA Director-General,  Sir Alex Monteagudo?

****

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email::vicreyesjr08@yajoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)