Si Senador JV, bilang mabuting anak ni Erap!

MATAGAL na tayong mamamahayag. Mula sa pagiging police reporter hanggang maging political reporter.

Sa rami ng ating karanasan, natutunan na natin pangibabawin ang katotohanan sa emosyon upang hindi mabahiran ng pansariling damdamin ang ating balita na maaaring maglihis sa katotohanan.

Pero may mga sitwasyon naman na ang emosyon natin mismo ang nagbibigay diin sa katotohanan na nakatutulong upang mabuo natin ang  balita.

Isang halimbawa na rito ang mag-amang Joseph Estrada na mayor ng Maynila at Senador JV Ejercito na kumakandidato para sa kanyang ikalawang termino.

Hindi naman siguro lingid sa lahat na ang mag-ama ay may hindi pagkakaunawaan na lalong naging matingkad dahil sa pulitika. Pero maaari rin naman nating sabihin na alam ng lahat na may mga taong umiintriga sa mag-ama dahil sa pulitika.

Sa isang campaign rally kamakailan sa Maynila, naging “tensiyunado” ang karamihan sa mga taong nanood dahil magkasama si Mayor Erap at Senador JV sa entablado.

Hindi maikakaila na “excited” ang lahat sa paghihintay kung ano ang gagawin ng dalawa dahil nga sa mga bali-balita ay matagal nang hindi nag-uusap ang mag-ama.

Ngunit ang “tensiyon” ay napalitan ng malalim na emosyon nang lapitan ni Senador JV si Erap at halikan ito sa pisngi.

Sa ginawang ito ni Senador JV, naghiyawan at nagpalakpakan ang mga tao na sigurado ako bilang pagsang-ayon sa ginawa ng senador na pagpapakumbaba sa ama.

Maging tayo ay nakaramdam ng kirot sa ating dibdib. Lalo tayong humanga sa ginawang ito ni Senador JV.

May ilang taon na rin nating kakilala si Senador JV. Kahit papaano, madali mong makikilala ang mambabatas sa mabuting pag-uugali nito. Mula sa pagiging mabait sa mga kababayang lumalapit sa kanya hanggang sa mga reporter na kumakapanayam sa kanya.

Pero sa nakita nating paghalik ni JV sa ama, doon tayo napaisip na hindi tayo nagkamali sa ‘impresyon’ sa senador -- mabait itong mama at siguradong mabait din itong anak.

Ang nakita natin sa entablado ay isang anak na natighaw ang pananabik at pangungulila sa ama nang makita niya ito.

Pinatunayan ni Senador JV na bago ang lahat, higit sa lahat, siya ay isang anak na ang pagmamahal sa ama ay hindi kailanman masisira ng pulitika o anupamang problema na dumating sa kanilang pamilya.  

Kilala natin si Senador JV na may paninindigan at talagang ipinaglalaban ang tama at ang sa palagay niya ay dapat. Ganito rin kasi siya sa Senado kaya matagumpay na naisabatas ang mga panukala tulad ng Universal Health Care Law, Department of Human Settlement  and Urban Development (DHSUD), National Integrated Cancer Control Act, at iba-iba pang ‘landmark legislations’ at siyempre ang pagpupursiging mapag-ibayo ang mass transport system sa bansa.

Kaya’t sigurado tayo na sa pagkakataon iyun ng kanilang pagkikita ng amang si Mayor Erap, naisip niya na tama at karapat-dapat lamang na lapitan ang ama, halikan sa pisngi at iparamdam na nami-miss niya ito.

Labis na napahanga tayo sa ginawang iyon ni Senador Ejercito na wastong pag-uugali bilang isang anak na may matinding pagmamahal sa ama.  Sana, sa ‘pagkakabati’ ng mag-ama, mawala na ang intriga  sa kanila.

Tunay na ang dugo ng iyong ama na nananalaytay sa iyong mga ugat at ang damdaming nagbibigkis sa inyong dalawa ay hindi mawawala kailanman.

Kaya sa lahat ng mga anak, lagi ninyong iparamdam ang inyong pagmamahal sa inyong mga magulang.

Mabuhay ka, Senador JV at talaga namang dapat ka pang ibalik muli sa Senado ngayong darating na halalan!