Si Stonefish ang ‘super drug lord’

NAGHIHINTAY ako ng atomic expose ng grupong nanggugulo sa pamamagitam ng aninong itim.

Matapos silang maglabas ng serye ng video  laban sa Pangulong Duterte, laban kay Pulong, laban kay Mayor Sara, laban kay Madame Honeylet at laban sa dalagitang si Kitty na umano’y sangkot sa droga,  umaasa akong may isa pa silang gagawin.

Hindi ako magtataka na ang susunod na video nila ay tutukoy kay Stonefish bilang drug lord of all drug lords. Sa mga hindi nakakakilala kay Stonefish, ito ang pinakabagong apo ni Pangulong Duterte.

Ini-imagine ko si Stonefish na inuutusan ang mga drug traffickers habang nakasalpak sa kanyang bibig ang  feeding bottle. Naka-diaper, nakahubad  at nakatayo sa kanyang kuna.

At matapos utusan ang mga tulak, mag-aarimunding-munding pa!

Ganoon sila kalupit mag-expose, lahat ay gagawin para ugain ang pinakapuno na lolo ni Stonefish.

Hindi natin alam kung saan patungo ang bansang ito dahil sa mga taong walang magawa sa buhay. Ginagawa nilang libangan ang paglalabas ng video laban sa kung kani-kanino.

Ginawa na rin nila ito noong mga unang buwan ng Pangulong Duterte. Tanda nyo ba sila Matobato at Lascanas? Killer ang alegasyon noon laban kay Digong. Ngayon naman, drug lord.

Ano naman ang susunod?

May nalalabi pang tatlong taon sa posisyon si Duterte. Sa tingin natin, lumalabis na ang ibang kritiko. Kung hindi sila napapagod sa kanilang ginagawa, good luck.

Pero isang bagay ang sigurado, kung hindi man sila nagtatagumpay sa pagpapabagsak kay Pangulong Duterte, successful naman sila sa paghatak  pababa sa buong bansa,

Kung ang mga taong ito na nasa likod ng panggugulo ang nagbabalak mamumo sa ating bansa, maghunos-dili kayo. Ramdam namin ang inyong agenda, alam namin ang gusto nyong mangyari.

Sana lang, sa halip na panggugulo ang inyong ginagawa, pinaghahandaan nyo na lang ang 2022 presidential elections. Kinisin nyo mabuti ang inyong magiging kandidato kung sino man yan at sikapin nyong makumbinsi ang mayorya ng mga Pilipino na kayo na nga ang tamang sagot sa ating bansa.
allanpunglo@gmail.com