Sibakan blues, nangangamoy sa hanay ng PNP

January 29, 2020

DAHIL sa banta ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa, malamang na magkaroon ng sibakan, hindi lang ng mga chief of police ng mga lungsod at munisipalidad sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan.

Nabanas na kasi ang PNP chief sa dami ng mga natatanggap niyang sumbong, reklamo at impormasyon na may basbas umano ng mismong mga hepe ng pulisya o maging ng provincial director ang mga iligal na sugal sa kanilang nasasakupan, kapalit siyempre ng malaking hatag.

Dahil dito, sunud-sunod ang ginagawang operasyon ng mga kapulisan sa Metro Manila laban sa mga illegal na sugal pero ang nakakatawag-pansin, karamihan sa mga nahuhuli ay tupada, dice, cara y cruz at tong-its na guerilla type ang operasyon o walang permanenteng puwesto.

Tanong tuloy ng marami, bakit mga sugal-lupa lang ang nasasakote at hindi nabubuwag ang operasyon ng lotteng, jueteng, illegal bookies, sakla at maging video karerea? Pagpapakita lang daw ba ng accomplishments ang sunud-sunod na pagdakip sa mga sugal-lupa? Partikular pa naman si Gen. Gamboa sa mga video karera dahil may banta siya na pati raw may-ari ng bahay na pinagdarausan ay dapat hulihin.

Sa mga probinsiya naman, lantad na lantad na raw ang sugal na sakla lalo na sa sakop ng Central Luzon tulad ng mga munisipalidad sa Zambales at maging sa lungsod ng Olongapo na isang katerba ang sakla na permanente ng naka-puwesto na ibig sabihin ay timbrado na kaya hindi nagagalaw.

Siguradong pagugulungin ni Police Regional Office 3 chief Brig. Gen. Rhodel Sermonia at ng Provincial Director ng Zambales ang ulo ng mga hepe ng pulisya sa mga bayan at lungsod ng lalawigan na talamak ang iligal na sugal lalo na’t may direktiba na ang PNP chief.
Pagkalap ng botante

Malayo pa ang halalan pero mukhang pumoporma na ang ilang mga barangay officials sa lungsod ng Maynila na posibleng may sariling agenda o gustong sumipsip kay Mayor Isko Moreno kaya kumakalap na ng maraming botante sa kanilang nasasakupang lugar.

Dito kasi sa ikatlong distrito na lungsod na sumasakop sa area ng Quiapo at Sta. Cruz, may ilang opisyal pala ng barangay ang maagang kumakalap ng mga botante na hinihimok magparehistro sa kanilang area kahit hindi naman doon nakatira.

Hindi naman siguro para sa kanilang kapakanan ang layunin ng puwersahang pangangalap ng mga botante ng ilang kabesa dahil sa Disyembre ng taong 2022 pa naman ang barangay at sangguniang kabataan election kaya posibleng may aalagaan silang pulitiko na papangakuan ng maraming boto.

Karamihan daw sa hinihimok ng mga barangay official na magparehistro sa kanilang lugar ay ang mga sidewalk vendor na nagtitinda sa nasasakupan nilang lugar at tila may banta na kapag hindi nagpa-rehistro bilang botante sa lugar, hindi na sila papayagang makapaglatag ng paninda.

Totoo na karamihan sa mga vendor ay hindi botante sa lugar na kanilang pinupuwestuhan para makapag hanapbuhay pero lahat naman sila ay botante at residente ng lungsod kaya kung lilipat sila ng lugar, ano raw ang gagamitin nilang address?

Marami namang paraan para lumapit ang loob ng isang pulitiko o maging ng alkalde sa mga barangay officials na hindi kailangang gumamit ng puwersa basta’t gumawa lang sila ng tama at magkaloob ng wastong serbisyo sa kanilang barangay, haha ngaan na sila ni Yorme.
Bakuna laban sa polio

Malimit na naman palang magbabahay-bahay ang mga health workers sa Navotas City para sa programang Sabayang Patak Kontra Polio upang proteksiyunan ang mga bata laban sa nakakalumpo at nakamamatay na sakit.

Nanawagan din si Mayor Toby Tiangco sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio dahil isa ito sa pinakamapanganib na sakit na tumatama sa mga batang wala pang limang taong gulang dahil mabilis kumalat ang virus nito.

Sabi pa ni Mayor Tiangco, bilang magulang ay binibigyan niya ng prayoridad ang kalusugan at kapakanan ng mga bata upang matiyak na ligtas ang mga ito sa mapanganib na sakit. Sa katunayan aniya, noong Oktubre hanggang Disyembre ng nagdaang taon ay nagbahay-bahay na rin ang mga health worker  para mabakunahan ang mga bata.

Sa tala ng Navotas City Health Office, 99 porsyento ng mga batang Navoteño ang nakatanggap ng sinasabing bakuna at sa kabila nito, magpapatuloy ang pamimigay nila ng oral polio vaccine hanggang Marso 8 ng kasalukuyang taon.

Sabi ng alkalde, walang lunas ang polio at tanging bakuna ang makatutulong para malabanan ang sakit na ito kaya dapat nilang masiguro na ligtas ang mga batang Navoteño sa ganitong uri ng sakit.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363