Sibakin din si Lt. De Guzman sa ninja cops!

MALAKING hamon ito kay Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa!

Hindi dapat naging ‘selective’ ang ipinalabas na ‘dismissal order’ laban sa mga ‘ninja cops’ na sinasabing sangkot sa maanomalyang police operations sa Antipolo City kamakailan.

Umpisa pa lang, nakalilito na ang mga lumabas na ulat sa media!

Una, apat na pulis daw ang sinibak.

Tapos tatlo na lang daw!

At ngayon, anim na raw silang lahat.

Ang catch, hindi kasama sa anim na sinibak ang team leader nilang si Lt. Joven de Guzman dahil 59 days suspension lamang daw ito sa kasong ‘less grave offense of command responsility.’

Tatlo sa naunang dinismis ay sina M/Sgts. Donald Roque and Rommel Vital and Cpl. Romeo Guerrero.

Kasama sila sa 13 police officers na sangkot sa kontrobersiyal na drug sting operation sa Pampanga noong 2013. Sa insidenteng ito nagimbal ang ‘magandang career’ sana ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na napilitang ‘mag-early retirement’ dahil sa mga intrigang ipinukol sa kanya.

Sa pinakahuling ulat patungkol sa Antipolo City raid, tatlo pang pulis ang sinibak na rin sa serbisyo. Sila ay sina S/Sgt. Stephen Domingo, Patrolmen Lester Velasco at Eduardo Soriano.

Ang nakapagtataka talaga sa report ng Internal Affairs Service (IAS), bakit namumukod tanging wala sa dismissal order si Lt. De Guzman.

Anong agitmat sa katawan mayroon si Tenyente De Guzman at parang ‘special treatment’ ang kanyang kaso?

Sa IAS resolution na ipinalabas noong Oktubre 10, sinabi ni Inspector General Alfegar Triambulo, ang mga pulis na sangkot ay: ‘collectively found guilty of several counts of grave misconduct, less grave neglect of duty and conduct unbecoming of a police officer and are thus meted the maximum penalty of dismissal from the police service.’

Papanong nangyari na ang mga tauhan  ay sinipa sa serbisyo at ang kanilang pinuno ay sinuspindi lamang?

Kahit OIC pa lang, maraming dapat gawin si Gen. Gamboa para patunayan na karapat-dapat siyang maging PNP chief.

Sa galing ng performance noon ni Gen. Albayalde, hindi maiwasang maikumpara ang liderato nito sa kanyang mistah.

At sa kaso ni Lt. De Guzman, mapapatunayan kung sinsero ba itong linisin ang buong hanay ng PNP.

Ayaw ko kasing paniwalaan ang usap-usapan sa Camp Crame na mismong si Gen. Gamboa raw ay ayaw ipasibak si De Guzman.

Mas gusto kong paniwalaan na panahon ngayon para patunayan ng heneral na may pag-asa pang maibalik muli ang tiwala ng taumbayan sa buong hanay ng PNP.

Ang tsismis pa, may hawk din daw ‘alas’ si Tenyente De Guzman para sa buong PMA Class of 1986.