Siguruhing sinusunod ang building code

April 24, 2019

SANA magsilbing babala at “eye-opener” sa ating lahat ang magnitude 6.1 na lindol na yumanig sa Luzon noong Lunes at 6.5 naman noong Martes, sa Eastern Samar.

Kahit hindi pa iyon ang pinangangambahang “big one” ay pumatay na ito ng marami nating kababayan at sumugat ng maraming residente sa ibat-ibang lugar.

Kailangang ma-inspect ang mga public building at iba pang gusaling pinupuntahan ng publiko.

Siguraduhing masusunod ang building code ng Pilipinas sa pagpapagawa ng mga gusali.

Dapat walang mga substandard na construction materials na ipinagbibili sa merkado.

Dapat i-check ng Department of Trade and Industry (DTI) kung nasa kalidad ang mga itinitinda sa mga hardware store.

Kailangang tutukan din ng mga awtoridad ang nagtatayo sa mga probinsiya. Kadalasan kasi wala sa tamang kalidad ang mga istraktura dahil kung sinu-sino na lang ang mga gumagawa na hindi naman nakakaintindi.

Hindi natin masisisi ang mga nagpapagawa ng bahay sa kanayunan.

Mahal kasi ang bayad sa mga arkitekto at inhinyero.

Pero maling pagtitipid ang pagkuha ng kung sinu-sino at walang sapat na kaalaman sa pagtatayo ng bahay at iba pang istraktura.

Mas maigi siguro na magkaroon ng libreng serbisyo ng mga arkitekto at inhinyero ang mga lokal na pamahalaan upang mabigyan gabay ang mahihirap nating kababayan na nais magkaroon ng maayos-ayos na tirahan.

* * *

Panahon na  para may makulong na namimili ng boto at nangangampanyang opisyal at empleyado ng mga barangay.

Kung hindi ay baka wala ng maniwala sa eleksyon sa bansa.

Kahit hindi inaamin ng mga politiko ay pera-pera na lang ang usapan, lalo na  sa probinsiya.

Sa isang banda, hindi mo masisisi ang mga kandidato, mga botante na kasi ang nanghihingi ng pera.

Alam ng mga kandidato na hindi siya iboboto kung wala siyang maibigay na pang-kape man lang.

Kaya ang mga walang perang kandidato ay hindi makapangampanya dahil  wala siyang perang ipapamudmod.

Nakakaawa ang mga ito kahit na mas deserving silang manalo.

Ang resulta? Maraming tiwali at scalawag na nananalo sa eleksyon.

Inuulit natin, kailangang may masampolan na namimili ng boto at namumulitikang opisyal ng barangay.

Ano po sa tingin mo, DILG Secretary Año?

* * *

Maraming naniniwala na mahirap talagang patigilin ang katiwalian at korapsyon sa  gobyerno, lalung-lalo na sa mga kilalang graft-ridden na ahensiya.

Pero sa Bureau of Customs o BoC, tagilid na ang kalagayan ng mga scalawag.

May kalalagyan na ang mga opisyal at kawani na nakikipag-sabwatan sa mga  ismagler at iba pang mandurugas sa Aduana.

Halos 24/7 kasing nakatutok si Depcom for Intelligence Raniel Ramiro at kanyang mga operatiba.

Isang dating military general, si Ramiro ay bihasa sa intelligence work.

Siguradong maraming mabubuwag na sindikato sa Aduana dahil halos 24 oras nakabantay si Ramiro.

Naniniwala tayo na darami at hindi hahayaan ni Ramiro na malusutan ang kanyang mga tauhan, lalo na ng ilegal na droga.

Tama ba kami, BoC Chief Rey Guerrero?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)