Sila Major Indammog ay hindi biktima ng Amicicide

July 04, 2020

NAKIKIRAMAY po tayo sa pamilya  at mahal sa buhay nila Army Maj Marvin Indammog, 39,  Army Captain Irvin Managuelod, 33, Army Sgt Jaime Velasco, 38, at Army  Cpl Abdal Asula, 33,  na  pinaslang  ng hindi bababa sa siyam (9) na  mga pulis sa labas ng Jolo Municipal Police Station nuong  araw ng Hunyo 29,2020. Dalangin po namin na magkaroon ng hustisya ang kanilang kamatayan habang nagsasagawa ng intelligence operation sa pagtugis sa mga terorista sa Sulu. Kahit si DILG Sec Eduardo Ano ay nagdurugo ang puso sapagkat kilala niya ng personal ang mga nasawing sundalo tumutupad sa tungkulin para mapanatili ang kapayapaan ng ating bansa.

“Misencounter” ang salitang ginamit ng PNP sa pagturol sa pangyayari. Dahil maraming  mga testigo at video footage ang naglabasan na taliwas sa pagsasaysay ng PNP,  binawi  nila ang unang pahayag, at ipapaubaya na lang nila sa NBI ang imbestigasyon.

Dapat lang sapagkat ang salitang “misencounter” ay wala sa ano mang talasalitaan o diksyonaryong  Ingles, kahit sa internet. Marahil, bahagi ito ng Philippine English na mahilig gawing bastardo ang mga wikang Ingles.  

Ang insidenteng ito ang nagpaalala sa akin sa   thesis ng aking grupo sa Political Science tungkol sa paksa ng mga “ friendly fire casualties “ ng AFP laban sa mga kaaway ng estado.  Nahirapan kami sapagkat  ang hirap maghanap ng kulang kulang  na  datos noon dekada 80 sa paksang ito.

Ayon sa mga dalubhasa sa Warfare,  kulang talaga ang datos para matiyak kung ilan ang namamatay na sundalo sa digmaan na nabaril o nasabugan ng bomba o granada ng hindi sinasadya ng katropa.  Tinataya nila na mga   2 hanggang 2.5% ng kabuuang bilang ng nasawi sa mga giyerang sinalihan ng Amerika sa 20th siglo  ay  tinaguriang “ friendly casualties due to friendly fire”.

Sa aklat na pinamagatang “Amicicide: the problem of  friendly fire in Modern Warfare” ni US Army Lt. Col Charles R Shrader ng  Combat Studies Institute, US Army Command and General Staff College , Fort Leavenworth, KS unang ginamit ang salitang  “ amicicide” na bunga ng neolohismo,  na tumutukoy sa mga insidente  ng mga taong  napatay o nasugatan sa hanay ng isang hukbo sa digmaan na bunga ng hindi sinasadyang pagpapaputok o paggamit ng mga sandata ng sariling hukbo o mga kakampi nito.

Ang salitang amicicide ay  pinagtambal na “ amicus” , salitang Latin na ang ibig  sabihin ay kaibigan, at ng huling panlaping latin na  “cide” o pagpatay. Hindi sakop ng amicicide ang mga insidente ng homicide at suicide sapagkat sinasadya ang mga ito.

Batay sa pag-aaral ni Shrader, pangunahing dahilan ng amicicide ay tuwiran pagkakamali ng tao. Ito marahil ay dahil sa nerbiyos ng mga bagito sa digmaan, kulang sa pagtitimon kung kailan magpapaputok ang mga  dapat ay kalmado at mapagpasiyang pinuno o komander,  kulang ng sapat na koordinasyon sa pagsasagawa ng operasyon ng mga komander at kanyang mga tauhan, ang pagkalito at kapabayaan,  takot at pinaghalu-halong  ulap ng giyera o ”fog of war” tulad ng nakabibinging ingay, nakakabulag na usok, palyadong  komunikasyon, at kaigtingan, ang lumalansi sa isang sundalo  para mapagkamalan na  kaaway ang kaibigan o kakampi.  Kaya nga madalas ang eksena sa mga pelikula tungkol sa giyera ,  sa gitna ng dilim, ang palaging tanong ng sundalo sa hindi mamukhaan na tao na papalapit sa kanya, “  sino ka? kaibigan o kaaway?”

Liban pa sa pagkitil ng buhay ng sundalo sa amicicide na diretsong nakakabawas sa puwersa ng tropa, winawasak nito ang morale ng tropa at pagtitiwala sa mga kakamping puwersa at sumisira sa samahan ng mga ito na napakahalaga upang magtagumpay sa kalaban na maraming sandata, sanay sa digmaan at maraming tauhan.

Sinabi rin ni Shrader na ang larangan ng digma ay mahigpit at malupit  at hindi mapagpatawad sa mga sundalong   lumihis sa mga subok ng pamamaraan at gumamit ng “shortcut” o di kaya’y sumuway sa utos at mga nakalatag na SOP.

May mga SOP para maiwasan ang amicicide subalit ito ay hindi sapat sapagkat hindi nito kayang baguhin ang ugali, paniniwala o personalidad ng tao.

Kahit si Haring David na ang  humahabol sa puso ng  Diyos, ay umamin ng kasalanan ng inutos niya kay Heneral Joab na ilagay  si Urias, ang asawa ni Batsheba, sa unahan kung saan mainit ang labanan at  pagkatapos , iwanan siya roon at bayaan siyang mapatay.( 2 Samuel 11:15). Ang insidenteng ito ay hindi amicicide sapagkat sinadya ni David at Joab na patayin si Urias upang mapagtakpan ang pakikiapid ni David kay  Batsheba na kanyang nabuntis  at nanganganib maparusahan sa  pangangalunya.

Ang  apat na sundalo na pinamumunuan ni Maj. Indammog ay malapit ng matugis ang dalawang terorista na naghahasik ng lagim sa Sulu at sa buong Mindanao. Nagpakilala silang mga sundalo sa PNP checkpoint na tinatauhan ng mga Muslim na pulis , at mahinahon na sumama patungo sa himpilan ng PNP Jolo para lubos na matiyak ang kanilang  pagiging sundalo sapagkat hindi sila naka uniporme, at doon na sila pinagbabaril. Tulad ni Urias at nila Heneral Antonio Luna at Koronel Paco Roman na pinatay sa Cabanatuan ng Cavite Brigade , naniniwala ako na  sila Maj Indammog ay hindi rin mga biktima ng   amicicide.