Silang mga galit kay Bong Revilla

ALAM ko naman kung saan humuhugot ng galit at inggit ang mga taong hanggang ngayon ay inaalipusta si Bong Revilla.

Ang kaya lang nilang abutin ay ang mga impormasyong naglabasan sa panahon ng nakaraang administrasyon mula sa kasong plunder hanggang sa iba pang mga propaganda laban sa kanya.

Tumigil na ang ikot ng mundo ng mga taong galit kay Bong magmula nang sumambulat ang isyu ng pork barrel scam. Sa isang banda, sino naman ang hindi maniniwala kapag ang estado na ang nagsabing masama kang tao?

Hindi natin masisi ang mga galit pa rin kay Bong dahil sa haba at lawak ng kapangyarihan ng Aquino administration na wasakin ang pagkatao ng mga posibleng kumandidatao sa pagka-pangulo noong 2016.

Wala akong permiso sa pamilya Revilla na isulat ito pero sa tingin ko kailangang malaman ng publiko kung saan ba talaga nag-ugat ang delubyo na inabot ni Bong.

Noong 2013, sa mismong araw ng eleksiyon, pinalibutan ng bata-batalyong pulis ang bahay nila Bong sa Cavite. May armadong NBI agent daw ang hinahabol at pumasok sa kanilang compound.

Sa kagustuhan nilang hindi na makakilos ang mga Revilla, pinalibutan ng mga heavily armed cops ang kanilang bahay para hindi makalabas si Bong. Kaya naman pala, may sariling kandidato si Noynoy sa pagka-gobernardor at bise gobernador.

Ang ending, sa kabila ng kanilang panghaharas,  talo ang manok ni Noynoy. Napahiya ang benggatibong si Noynoy sa Cavite kaya lalong tumindi ang galit niya kay Bong.

Ang mga sumunod na senaryo, sobrang petty baka hindi paniwalaan ng ating mga kababayan. Isang gabi, nag-text si Noynoy kay Bong at inaakusahang gumagamit daw ng wangwang habang naglalakbay papuntang Alabang.

Sinagot ni Bong ang text message ni Noynoy: “Mr. President hindi po ako iyon, paano po akong makakaikot narito ako sa bahay namin may trangkaso.”

Hindi na sumagot ang Noynoy. Napahiya na naman. Sa personalidad ni Noynoy, mortal sin ang ipahiya siya.

Ang sumunod na senaryo, may isa na namang  kamag-anak si Noynoy ang nag-text sa anak ni Bong ng ganito: “Somebody saw your dad vandalizing the niche of my parents.”

Ganoon sila kababaw, pinagbintangan si Bong na binaboy ang nitso nila Cory at Ninoy. Imagine, si Bong may hawak ng spray paint at pinipinturahan ng SRB (Samahang Rugby Boys) or Pukras ang nitso, tsk, tsk, tsk.

Mababaw talaga pero kolatilya lang ang mga ‘yan ng kanilang totoong agenda. May survey sila noong 2014 na si Bong Revilla ang mahigpit nilang makakalaban sa 2016 presidential election kaya nagsimula na ang matinding propaganda para mawala siya sa landas ng pulitika.

Wala pa sa usapan sila Grace Poe at si Mayor Rody Duterte noong mga panahong yan. May bukod na silang plano laban kay Binay at sa tingin nila mas magaan wasakin.

SI Bong talaga ang sakit ng ulo nila.

Nang ideklara ng Lakas si Bong bilang posibleng kandidato nga sa pagka-pangulo, doon na natodas ang kanyang career. Ginamit na ang lahat ng puwersa ng gobyerno katulong ang dalawang malaking media outfit.

Inaraw-araw na si Bong. Hindi na tinigilan hanggang maipakulong. Nawala sa isip nila na ang makakalaban nila sa 2016 ay parang tubig na tumagas kung saan-saan. Durog na si Binay, nakakulong na si Bong pero lumutang ang isang Grace Poe at isang Duterte.

Ang ending, iyong hindi nila iniisip na mananalo ang naging Presidente sa katauhan ni Digong.

Fast forward, naabsuwelto si Bong sa plunder dahil sa mga imbentong ebidensiya. Pero iyong mga taong miron lang at nakikisakay sa isyu, galit pa rin kay Bong.

Nakalimutan nilang wala pa sa pulitika si Bong ay kumikita na ito ng milyun-milyong piso sa pelikula. Bukod kay FPJ, si Bong Revilla ang highest paid superstar ng bansa bago nila giniba.

Kung mayroon man taong nakakilala sa kabutihan ng pagkatao ni Bong, isa na siguro ako sa mga iyon dahil magmula pagka-bise gobernador niya mga taong 1995 ay nakasama ko na siya.

Magmula noong taong iyon hanggang ngayon, wala akong nakitang bagong staff at house maid nila Bong sa bahay. Sila-sila pa rin ang nakikita ko magmula noon hanggang ngayon.

Isang patunay ito na mabuting tao si Bong kaya tumatagal ng ilang dekada  ang kanilang mga staff at mga kasama sa bahay.

allanpunglo@gmail.com