Home>Editorial>Opinion>SIM registration, panahon na

SIM registration, panahon na

NABUHAY ang usapin ng registration ng SIM cards matapos mabiktima ng mga scammer ang credit card ni Senador Win Gatchalian.

Hindi biro ang P1 milyong halaga ng alcoholic drinks na natangay ng scammer sa pamamagitan ng paggamit ng credit card ng senador.

Dahil dito, muling isinulong ni Win Gatchalian ang kanyang panukalang batas na nagmamandatong irehistro ang lahat ng gumagamit ng pre-paid subscriber identity module (SIM) cards upang mapabilis ang pagtugis sa mga kawatan.

Matapos ang insidente ng online fraud, napag-alaman niya na sangkatutak na pala silang biktima ng iba-t ibang uri ng modus mula noong huling yugto ng nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.

Nakatanggap kasi ng gabundok na mga reklamo ang mambabatas hinggil sa online fraud, scamming o hacking gamit ang prepaid SIM cards.

Ayon kay Gatchalian, maraming netizens ang nagsiwalat ng kanilang mga sinapit at nag-iwan ng mga mensahe sa kanyang official email at Facebook account na na-access ang isang security feature sa web-based services na One-Time Password (OTP) gamit ang prepaid na mobile number dahilan para mapagnakawan sila ng pera.

Iginiit pa ni Gatchalian na oras na ma-access ng mga fraudsters ang OTP, parang sila na rin ang may-ari ng account.

Ang naturang panukalang batas ay unang inihain ni Gatchalian noong ika-30 ng Hunyo 2016 at muling inihain noong Hulyo ng taong 2019.

Hindi na bago ang ganitong mga uri ng panloloko. Lalo pang lumala at dumami ang bilang ng ganitong modus noong nagka-pandemya at karamihan sa mga ito ay sa pamamagitan ng unregistered mobile numbers,” ayon kay Gatchalian.

Mahalagang may mukha o pangalan sa likod ng mga prepaid SIM cards lalo na ngayong panahon ng pandemya na kailangan ng contact-tracing. Anong kaibahan kung gagawin nang requirement ang pagre-register ng mga prepaid SIM cards sa requirement na kailangang mag-register sa mga lugar na pinupuntahan mo para sa contact-tracing?” tanong niya.

Sa ilalim ng Senate Bill 176 o ang SIM Card Registration Act, lahat ng gumagamit ng prepaid SIM cards ay kinakailangan nang magpakita ng valid ID at larawan at pumirma ng isang control-numbered registration form na na-issue ng service provider ng nabiling SIM card.

Mabibigyan din ng kopya ng registration papers ang service provider at National Telecommunications Commission (NTC).

Sa panahon ng modernong teknolohiya, kailangang sumabay ang matinding security features upang matiyak na hindi nakakasama sa lahat ang teknolohiya.

Kung nag-a-upgrade ang kapabilidad ng mga sindikato o mga mapagsamantala, dapat tiyakin din ng gobyerno at ng iba pang tanggapan na umaangat din ang kakayahanan upang mabigyang proteksyon ang consumers.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large