Simbang Gabi, bday at mga pruweba ni Mayor Lim

December 18, 2018

SA darating na Disyembre 21, magdiriwang ng kanyang kaarawan ang nagbabalik-alkalde ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim. Ipinanganak noong December 21, 1929, sa susunod na taon pa lang siya magna-90 years old, ’di gaya ng pinakakalat ng mga walang magawa na siya ay 92 years old na sa ngayon.

Sabagay, ke 92 o 100 pa, sa kaso ni Lim ay talaga namang maia-apply ang kasabihang ‘age is just a number’. Numero lang ‘yan dahil kung personal ninyo siyang makikita, panis sa kilos at tindig niya ang mga 40 anyos.

Nung simula ng Simbang Gabi, sumama ang inyong lingkod nang mag-attend ng Misa si Lim sa St. Anthony sa Singalong, Maynila, kung saan ang nagdaos ay ang magaling na pari na si Rev. Fr. Anton Pascual. Taon-taon talagang kinukumpleto ni Lim ang siyam na Misa ng Simbang Gabi at madaling-araw siya kung lumakad at sa iba’t-ibang simbahan.

Nagulat at natuwa nang husto ang mga maninimba ng St. Anthony nang dumating si Lim doon, lalupa’t may 30 minuto itong napaaga kesa sa naka-schedule na Misa. Hindi nakapagpigil ang marami na magpakuha ng litrato sa kanya kahit pa nasa loob ng simbahan, samantalang ang iba naman ay kumamay, nagmano, nakipag-usap at nag-‘selfie’ habang di pa nagu-umpisa ang Misa.  Nang matapos ang Misa, ganun ulit ang eksena pero lahat sila ay nakangiting pinagbigyan ni Lim.

Sa komunyon, marami ang nagpapasingit kay Lim sa pila pero pinili nitong pumunta sa dulo para pumila. Marami sa kanila ay nagulat nang makita ang tindig ni Lim, na talaga namang malakas pa, bukod sa diretso at mabilis pang maglakad. Marami daw kasing nagpapakalat na siya ay mahina na at maysakit. Kaya nga siguro lalo siyang lumalakas at nagkakaroon ng mabuting kalusugan dahil may mga gustong magkasakit siya. Heheheh.

Gaya ng sinabi ng 94-anyos na si Juan Ponce-Enrile, hindi naman marathon ang pulitika na kailangang bata ka at super lakas ng pangangatawan. Talino, katapatan sa trabaho at pruweba ang higit na importante.

Sa kaso ni Lim, hindi niya kailangang manira ng mga kalaban dahil titindig ang kanyang kandidatura batay sa pruweba ng kanyang naging panunungkulan bilang alkalde ng Maynila mula 1992 hanggang 1998 at muli noong 2007 hanggang 2013.

Ilan lang sa mga ito ay ang pagkakaroon ng anim na pampublikong ospital, tig-isa bawat distrito ng Maynila; 485 daycare centers, 97 karagdagang bagong buildings para sa elementary at highschool, 59 barangay health centers at 12 lying-in clinics o libreng paanakan. Umabot din sa 130 kalsada ang isinaayos at pina-upgrade niya.

Sa ilalim din ni Lim naitayo ang City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila na) na nagbibigay ng libreng college education para sa mahihirap na high school graduates ng lungsod na hindi nagtapos nang me honor, o ‘yung mga tinatawag na ‘average students’.  Bagamat nariyan na kasi ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila nang unang maging mayor si Lim, ang tinatanggap lang sa PLM ay mga nagtapos bilang honor students at may required na average din na hinihingi para makapasok doon.

Wala ring masasamang bisyo si Lim gaya ng sigarilyo, alak at sugal at alam ng lahat na simple lang ang uri ng kanyang pamumuhay at ni wala itong magagarbong kagamitan o tahanan.

Higit sa lahat, walang bahid ng corruption ang public service record ni Lim mula pa noong siya ay nasa pulisya hanggang sa pumasok siya sa pulitika. Para sa akin at sana sa inyo rin, ito ang pinakamahalaga sa lahat para sa sinumang nanunungkulan o gustong manungkulan sa gobyerno -- ang malinis at walang bahid ng anomalyang paglilingkod bilang serbisyo-publiko dahil pera na ng taumbayan ang pinag-uusapan diyan.

Hindi rin ugali ni Lim ang manira ng mga kalaban sa pulitika dahil naniniwala siya na matalino ang mga residente ng Maynila at alam nila kung alin ang totoo sa kasinungalingan. Hindi rin niya gawain ang mangako dahil para sa kanya, mas importante ang pruweba. O, ha?

* * *

Beauty tip -- This is good for making hair thick. Wash hair with a mild shampoo. Then, boil one cup of mustard oil with four tablespoons of henna (mehandi) leaves. Filter and bottle. Massage on the scalp regularly (Source: Dr Rosary May Canay-Diaz of Californian Bloom Aesthetic Institute and Medical Spa /4108424/4669596/09178038240/ 025053987)

* * *

Jokjok (from Joselito Cunanan of Morong, Rizal) -- PEDRO: Inday, talon ka na, bilis!/INDAY: Ha? Bakit naman?/PEDRO: Para mahulog ka na sa ‘kin/INDAY: Ah, ganun? Alam mo, para kang manhole/PEDRO: Naks! Gumaganti ka ha? Sige, bakit naman?/INDAY: Kasi tanga lang ang mahuhulog sa ‘yo! Umalis ka nga sa harapan ko baka hampasin ko ng walis-tambo ‘yang mukha mo!!

* * *

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.