Home>Editorial>Opinion>“Sindikato” sa Crame dapat silipin ni Sec. Aguirre at Chief PNP Sinas

“Sindikato” sa Crame dapat silipin ni Sec. Aguirre at Chief PNP Sinas

ISANG dating pulis, si PO1 Verloyd Depano ng MPD, ang lumapit sa atin upang makarating kay ex-DOJ secretary Vitaliano Aguirre ang “nasindikato” niyang ‘administrative case’ d’yan sa DIDM (Directorate for Investigation and Detective Management) sa Camp Crame.

Ang nangyari kasi, Chief PNP Debold Sinas, sinampahan si Depano ng sandamakmak na kaso nitong si PO2 Cristito Atienza—sa Manila RTC, MPD, NCRPO, IAS, DILG at sa huli, DIDM—dahil sa pag-isyu ng tumalbog na tseke. Ilang mga kaso ang “binuno” ni Depano at ng kanyang ina na simula dito kay Atienza simula 2011 hanggang 2012.

Bukod kasi sa pagiging pulis, isa ring negosyante itong si Atienza bilang ‘dealer’ ng mga manok (dressed chicken) na ibinebenta naman ng ina ni Depano na si Cynthia Depano.

Titser kasi si Aling Cynthia na siyempre ay kailangan ng ‘sideline’ dahil magkano lang ba ang suweldo ng titser sa panahon ni PGMA at Noynoy Aquino, aber?

Maayos naman ang ‘business relationship’ ni Atienza at Titser Cynthia—hanggang dumating ang Bagyong Ondoy noong 2009, na alam ng lahat ay nagdulot ng malawak na perwisyo sa bansa, partikular sa Metro Manila.

Translation? “Nalugi” si Titser Cynthia at “nabaon” sa utang dito kay PO2 Atienza.

Para lang makabayad, nag-isyu ng mga tseke si Titser Cynthia dito sa negosyanteng pulis subalit hindi pa nakuntento itong si Atienza at pinilit din si Depano na mag-isyu ng bukod na mga tseke bilang ‘guarantor’ ng kanyang ina.

Kung ikaw naman ang anak, Col. Remus Medina, ano ang gagawin mo? Hindi ba “susuportahan” mo rin ang iyong nanay sa paraang alam mo, tama ba?

Ang “usapan” nila ni Atienza, ayon pa kay Depano ay HINDI “ipapasok” ni Atienza ang mga tseke ni Depano sa sarili nitong account, partikular nang hindi niya alam, subalit ginawa pa rin ni Atienza kaya ang resulta, “tumalbog” ang mga tseke.

Dito na lumabas tunay na “asal” nitong si PO2 Atienza dahil inasunto ang kanyang ina sa DepEd subalit nabasura ang reklamo—dahilan naman upang magretiro na lang si Titser Cynthia.

Hindi pa rin nakuntento, inasunto naman silang mag-ina nitong si Atienza sa Manila RTC, subalit, sa piskalya pa lang, nabasura na ang reklamo.

Ayon pa kay Depano, dito na nagsimula ang kanyang “kalbaryo” dahil mula sa MPD hanggang Camp Crame, pulos reklamo at asunto na ang kanyang dinanas sa kamay nitong si Atienza—sa isang transakyon na ang totoong sangkot ay ang kanyang ina!

Noong 2013, nagulat na lang si Depano na nakatalaga sa MPD, na ‘dismissed from the service’ na pala siya, batay sa desisyon ng DIDM sa isinampang reklamo sa kanya doon nitong si Atienza noong 2012.

Eto ang masakit, ex-DOJ at ngayon ay Napolcom vice chairman, Aguirre, sir.

Ayon kay Depano, kahit minsan, sa buong panahon na dinidinig sa DIDM ang kanyang kaso, “wala” man lang siyang natanggap na kahit anong patawag o ‘summon.’

Noon ding 2013, agad siyang nagsampa ng apela sa DIDM upang makabalik sa serbisyo at kuwestyunin ang “hatol” sa kanya na talaga namang “malufet” subalit, nakapagtataka naman, DILG acting secretary Bernardo Floresce, na sapul noong 2013, wala man lang siyang natanggap na pasabi mula sa DIDM—hanggang ngayon.

Palagi rin umano syang nagfo-follow up sa Camp Crame subalit, “dribol” lang ang ginagawa sa kanya.

Nagulat din si Depano nang makumpirma niya na “nawala,” as in, ‘zero’ ang lahat ng kanyang mga apela sa DIDM. Kumbaga, misteryosong naglahong parang bula ang kanyang ‘case folder’ doon, sanamagan!

At kung “nawala” ang kanyang mga papel sa DIDM, eh, anong pagbabatayan ng kanyang apela, aber?

Aniya pa, may “nakapagbulong” sa kanya na “napagkaisahan” siya at may “umiipit” sa kanya sa DIDM at Camp Crame.

Ngayong Oktubre, “papasok” na sa walong taon ang paghahanap ng hustisya nitong Depano at kung seryoso si Sec. Aguirre at Chief PNP Debold Sinas sa sinasabi nilang “reporma” sa PNP, eh dapat agaran nilang tingnan ang nangyaring ito.

At dahil “nadala” na si Depano sa masaklap niyang karanasan d’yan sa Camp Crame, balak niyang “idiretso” na kay Sec. Aguirre ang kanyang apela.

Harinawang mabigyang pansin ng kalihim ang problemang ito ng isang matinong pulis na ang tanging kasalanan ay pagmamahal niya sa kanyang ina.

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight