Sino ang pumatay sa industriya ng pelikula?

February 11, 2019

ANG sagot sa tanong na ito ay walang iba kung hindi ang mismong taga-industriya.

Una, dalawa singko na lang ang pag-aartista. Lahat na ng makitang guwapo, lahat na ng makitang maganda ay puwede nang artista.

Aaminin ko, konti na lang ang kakilala kong artista, meaning, kapag nakita mo, alam mong artista iyon. Marami na kasing nasa showbiz pala ay hindi mo na kakilala. Mabuti pa sila Pugak at Tange ay naalala ko pa kahit matagal  na silang pumanaw.

Isa sigurong dahilan ay nawalan na rin ako ng ganang manood ng telebisyon, lalo na ng local shows, kaya hindi ko na kakilala ang mga bagong artista.

Kasalanan din ng mga TV producers kaya bumaba rin ang viewership. Sino naman ang manonood ng puro kabaklaan, kaimoralan, palakihan ng boobs, pakitaan ng singit at mga joke na hindi  mo alam kung bakit joke kasi sila lang ang tumatawa.

Kahit ang mga pelikula ngayon, hindi mo na maikategoryang pelikula. Ang alam na lang nilang gawin ngayon ay mga pelikulang ang tema ay kabit, inagawan ng asawa, tatlo sila sa kama, sampalan at kung paano magiging bakla ang isang sanggol!

Wala na silang maisip na hihikayat ng kaayusan ng bayan, magpapatino sa lipunan at makapag-produce ng mabuting mamamayan.

Kung minsan naman, kahit basic cutting lang ng scene or audio ng local na pelikula, mabubwisit ka. Ang lalim ng sounds na halos gusto mong itapat sa wide screen ang tainga mo para marinig ang dialogue ng mga karakter.

Wala na rin silang maisip na bagong konsepto kaya paulit-ulit na lang ang tema ng mga pelikulang Pinoy.  Sa totoo lang, sila ring mga direktor, mga producer, mga script writer at mga artista rin ang pumatay sa sarili nilang industriya dahil wala silang alam kung hindi mag-produce ng basurang pelikula!
allanpunglo@gmail.com