Home>Editorial>Opinion>Sino ang susunod na Chief PNP?

Sino ang susunod na Chief PNP?

LIMANG araw na lamang mananatili si Gen. Archie Gamboa bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Ito’y dahil isasailalim sa ‘mandatory retirement’ ang opisyal na magdiriwang ng ika-56 –taong kaarawan sa darating na Setyembre 2.

Pero siyempre, depende pa rin ito sa kagustuhan ng Pangulong Rodrigo Duterte kung palalawigin pa ba ang puwesto nito o hahayaan na siyang magretiro.

Nitong mga nakalipas na linggo ay marami na ang nagbibigay ng mga haka-haka kung sino ang posibleng pumalit kay Gamboa.

Ilan sa mga pangalang umuugong ngayon ay sina PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan (PMA Sinagtala Class of 1986), National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Menorias Sinas (PMA Hinirang CClass of 1987), Police Regional Office (PRO4a) director Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., (PMA Sambisig Class of 1991) at siyempre ang ‘darling of the press’ na si Task Force Covid Shield commander at kasalukuyang PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo ‘Guilor’ Eleazar na miyembro rin ng PMA Class of 1987.

Sa mga nabanggit, matunog ang pangalan nina Cascolan, Sinas at Eleazar.

May nagsasabing baka pagbigyan daw ng Pangulong Duterte si Cascolan na ang mandatory age requirement ay sa November 20, taong kasalukuyan.

At kapag naiupo si Cascolan, maaaring i-extend ang termino nito hanggang katapusan ng Disyembre o unang linggo ng Enero sa susunod na taon.

Si Cascolan, tubong Baguio City ay kababayan ni Baguio City Mayor at retired PNP Gen. Benjamin Magalong na numero unong kritiko naman ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde.

Magkakaklase sa PMA Class of 1986 sina Gamboa, Cascolan at Albayalde.

Samantala, matunog din ang pangalan ni Sinas na posibleng hirangin bilang kapalit ni Gamboa.

Ang numero unong padrino umano nito ay si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chair and general manager Royina Garma.

Si Sinas din ang sinasabing nirerekomenda ni Gamboa para pumalit sa kanya.

Bilang hepe ng NCRPO, nakaladkad ang pangalan nito hinggil sa pagdaraos ng birthday party sa loob ng Camp Bagong Diwa sa gitna ng dinaranas na pandemya sa COVID-19. Maayos naman ang performance nito, ngunit madalas naikukumpara sa naging ‘performance’ noon nina Albayalde at Eleazar na naging hepe rin ng Metro Manila police force.

Si Sinas ay kaklase naman ni Eleazar mula sa PMA Class of 1987.

Kung ihahambing kina Cascolan at Sinas, mas paborito ng media si Eleazar. Madali itong makapanayam ng sinumang mamamahayag at madalas nating nakikita’t naririnig sa telebisyon at radyo
Ang sipag nito bilang opisyal at pagiging ‘disciplinarian’ ay palagiang nakikita ng publiko.

Lalo na ngayong nagpapatupad ng ‘quarantine protocol’ dahil si Eleazar ang hepe ng PNP Task Force COVID Shield.

Ang problema ni Eleazar ngayon, wala siyang mabigat na padrino sa loob ng Malakanyang. Hindi rin siya miyembro ng tinatawag na Davao Group.

Sa pinakahuling pahayag ni DILG Sec. Eduardo Ano, kung siya lamang ang masusunod, ang dapat aniyang papalit kay Gamboa ay isang police official na may ‘good career pattern with no pending case in court.’

At kung sino man kina Cascolan, Sinas at Eleazar ang hirangin ng Presidente – gayundin ang iba pang opisyal na ‘dark horse,’ – sana’y higit nilang mapataas ang kredibilidad ng PNP ngayon.

Alam naman nating kabi-kabilang kontrobersiya ang bumalot sa pambansang pulisya ngayon at ang pinakahuli ay ang pagkakapatay ng mga pulis sa apat na intelligence officer ng militar sa Jolo, Sulu noong nagdaang Hunyo

Ang masaklap, napurnada ang misyon ng apat na sundalo para mahuli ang dalawang babaing ‘suicide bombers’ na nakapambiktima nito lamang nagdaang Lunes. sa Jolo, Sulo na kumitil sa buhay ng 14 katao at sumugat ng 75 iba pa.

Kung hindi napatay ng mga pulis ang apat na militar, malamang ay naaaresto na nila ang dalawang babaing suicide bombers at hindi na nakapambiktima kamakailan sa Jolo.

Gen. Albert Ferro sa NCRPO ?

Kung sinuman kina Cascolan, Sinas at Eleazar ang palaring maging ika-22nd PNP chief ng bansa, maugong naman ang pangalan ni Brig. Gen. Albert Ferro na hihirangin bilang pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Si Ferro, miyembro ng PMA Class of 1989, ang kasalukuyang pinuno ng Police Regional Office (PRO) 7. Ang Region 7 o Central Visayas ay sumasakop sa buong Cebu, Bohol, Negros Oriental at Siquijor.

Kilalang intelligence officer, si Ferro ay naging director ng PNP Drug Enforcement Group. Pinamunuan din niya ang PNP Firearms and Explosives Office (FEO).

Lalong nakilala si Ferro nang arestuhin nito sa Abu Dhabi, taong 2016 si Leyte drug lord na si Kerwin Espinosa.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large