Sinu-sino ang kumikita sa ‘visa upon arrival’?

December 01, 2018

BITIN ang mamamayang Pilipino sa nakalipas na pagdinig ng Senate committee on labor, employment, and human resources development na pinamumunuan ni Senador Joel Villanueva hinggil sa pagdami ng Chinese workers sa Pilipinas.

Bukod sa walang malinaw na solusyon kung paano dapat malimitahan ang pagpasok ng mga manggagawang Chinese, hindi rin nabulatlat ang sindikatong nasa likod nito.

Ang inisyal na kautusan ng Senado ay paigtingin lamang ang monitoring at pagsalakay sa ‘kuta’ ng mga pinaghihinalaang illegal workers na Chinese sa Pilipinas.

Ang puno at ugat ng problema -- tulad ng sindikatong nasa likod ng maramihang pagpapasok ng Chinese workers ay hindi natumbok nina Senator Joel at Senadora Grace Poe.

Aminin o hindi, siguradong may taga Bureau of Immigration (BI) ang kumikita ng limpak-limpak na salapi sa pagdagsa ng mga Chinese workers. Posible rin na may nakikinabang mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DoLE).

Dati, ang sinumang Chinese na gustong magpunta ng Pilipinas, nag-a-apply pa sila sa DFA ng visa. Pero dahil mayroon nang bagong sistema na visa upon arrival, kahit sinong Chinese ay puwedeng makapasok sa Pilipinas at dito na lamang  aasikasuhin ang kani-kanilang visa para manatili sa bansa mula isang buwan hanggang anim na buwan.

Layunin sana ng VUA ay upang makahikayat ng turista mula sa China. Ang problema ngayon ay nagsulputan na naman ang mga oportunista sa pamahalaan para samantalahing pagkakitaan ang naturang programa.

Na sa halip na pumasok sa bansa para magliwaliw at pasyalan ang ating mga ‘tourist spot,’ nandito na sila sa Pilipinas para magtrabaho -- kaagaw ang 9.8 milyon Pilipino na walang trabaho o unemployed.

Ayon sa DoLE, umabot sa 50,000 Chinese ang naisyuhan nila ng Alien Employment Certificates (AEC), pero para kina Villanueva at Senate Minority Leader Franklin Drilon, nasa 400,000 Chinese nationals ang nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operations companies.

Ang bilang na ito ang deklarado lamang. Paano pa iyong mga nakalulusot at nakadidiskarteng magtrabaho sa Pilipinas kahit wala silang working permit?

Ayon sa ating impormante, aabot na sa milyong Chinese nationals ang nagtatrabaho sa Pilipinas ngayon, hindi lang online gambling, kundi mayroon na rin sa mga casino, call center, cooks sa restaurant, vendors, iba pang nasa business processess outsourcing jobs, constructions at kahit prostitusyon!

Masakit ang bilang na ito dahil kung 9.8 milyon ang unemployed, milyon bilang din ang ating overseas Filipino workers (OFWs) na piniling mawalay sa kanilang pamilya para lamang magtrabaho sa labas ng bansa dahil walang maibigay sa kanilang hanapbuhay ang ating estado.

Base sa Philippine Statistics Authority, nasa 2.3 milyon ang OFWs noon pang taong 2017. Sila iyong magpa-Pasko naman ngayon na hiwalay sa kanilang pamilya para lamang makapagtrabaho nang maayos na hindi nila makita rito sa Pilipinas.

Eto ang catch, P20,000 na ang lagayan para lamang makapasok sa Pilipinas at makakuha ng VUA. Karamihan sa mga Chinese na pumapayag magbigay ng ‘kotong’ ay bultuhan kung pumasok. Ibig sabihin, araw-araw, iba-ibang Chinese nationals ang pumapasok sa ating bansa -- hindi para mamasyal kundi para maghanapbuhay.

Kung may 400,000 Chinese workers na ngayon base sa bilang nina Villanueva at Drilon, i-compute natin sa P20,000 kotong kada ulo, tumataginting na P8 billion na ito. Kaninong bundat na bulsa napupunta ito?

Wala pa rito ang lagayan sa ‘working permit’ o pati na rin ang bentahan ng fake recognition certificates. Nasabi kong ‘fake recognition’ dahil base sa itinatadhana ng BI Law Instruction No. RBR-99002 na inisyu noon pang April 15, 1999 -- panahon pa dati ni BI Commissioner Rufus Rodriguez, ang puwede lamang makakuha ng Filipino citizens ay mga banyagang may dugong Pinoy.

Pero ngayon, wala ka na ngang dugong Pinoy -- hindi ka na nga tuwid magsalita ng Tagalog -- o kahit hindi marunong magsalita ng Tagalog -- nabibigyan pa ng Filipino citizenship.

Nasabi ko sa nakalipas nating kolum na dapat kumustahin ng Senado at Department of Justice (DOJ) si Atty. Jose Marie Ronaldo Ledesma, OIC-deputy commissioner ng Bureau of Immigration.

Hindi ko sinasabing si Atty. Ledesma ang nasa likod ng sindikato sa BI at hindi rin ako basta naniniwala rito.

Pero sa ganang akin, magandang sa mismong bibig ni Atty. Ledesma manggaling kung talaga bang may ganitong uri ng maling sistema sa BI kasi kasama niya noon si dating BI Commissioner Fred Mison sa nasampahan ng kaso sa Civil Service Commission (CSC).

Alamin natin ang status ng kanyang kaso para naman malinis ang kanyang pangalan lalo’t iniintriga siya ngayon sa BI na isa siyang dilawan (kaklase umano ni dating Executive Secretary Paquito ‘Jojo Topakits’ Ochoa) at saradong bata umano ni Energy Regulatory Commission Chairman Jose Vicente Salazar na sinibak ng Pangulong Duterte.