Sipain sa puwesto ang bully politicians!

December 30, 2018

NASAKTAN tayo sa ginawa ng mag-amang Congressman Garin at Mayor Garin sa isang pulis.

Kahit may mga iskalawag sa hanay ng PNP, hindi pa rin tayo makapapayag na yurakan ng sinumang tao, lalo na mga pulitiko ang pagkatao ng mga pulis.

Para sa akin, sukdulan na ang pagposas ng isang elected official sa isang alagad ng batas na tumupad lamang sa kanyang tungkulin.

Ang pagsampal sa pulis ay hindi rin angkop subalit ang higit kong ikinagagalit ay ang pagdura sa mukha ng isang unipormadong pulis.

Sa maraming pagkakataon, nabibira natin ang mga pulis batay sa kanilang pagkukulang o sabihin pa nating pagkakasala.

Kasama ito sa kanilang teritoryo na mapuna o mabatikos dahil bahagi iyon ng risk ng kanilang trabaho.

Pero kailan man, bilang isang Pilipino, hindi ko matatanggap na duraan sa mukha ng mga pulitiko ang sino man sa ating mga pulis.

Ang pagdura ay simbolo ng pagyurak hindi lamang sa pagkatao bagkus ay sa mismong PNP bilang institusyon.

Hindi dapat palampasin ang kabastusan ng mga pulitikong ito na pakiramdam ata nila ay Panginoon sila sa kanilang lalawigan.

Hindi sapat ang mga minor case tulad slight physical injury o slander by deeds ang ipataw sa kanila. Dapat sa kongresman na ito ay masampahan ng kaso sa House Ethics Committee para matanggal sa roster ng Kongreso.

Si Mayor Garin naman ay puwede ring ireklamo sa DILG at sa Ombudsman dahil sa abuse of authority. Ang astang bully ng mga pulitikong ito ay mas masahol pa sa Atenistang nambuli ng kanyang kaklase.

Ang batang bully ay kahambugan lang ang bitbit samantalang sila Mayor Garin at Congressman Garin ay elected officials na ang bawat kilos ay may mandato ng batas at etiketa.

Kailangang masipa sa posisyon ang mga pulitikong ito upang maibangon naman natin ang pambababoy nila sa mga mahal nating pulis.

allanpunglo@gmail.com