‘Smooth operator’ si Gen. Vicente Danao, Jr.

November 07, 2019

WALA pa halos dalawang linggo si Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., bilang hepe ng Police Regional Office (PRO4a), ay nakapagtala agad ito ng malaking ‘accomplishment’ nang mahuli ang dalawang pinaghihinalaang terorista sa Laguna at Quezon.

Sa tulong siyempre ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), naaresto ang mga suspect na sina Saidie Saro at Bobby Gabunatan Sarip, kapwa miyembro ng Dawlah Islamiyah Terror Group na isa sa unit ng ISIS extremist group.

Si Saro, alyas Abu Hudaifa ay nahuli sa Bgy. Angeles Zone 2, Tayabas City, probinsiya ng Quezon sa bisa ng search warrant na ipinalabas dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act at PD 1866 o Illegal Possession of Explosives.

Nakuhaan siya ng isang granada, iba’t ibang uri ng bala at mga improvised explosive device (IED).

Sa Bgy. Real, Calamba City, Laguna naman nadakip ang kasamahan nitong si Bobby Gabunatan Sarip na nahulihan din ng IED’s at cellular phone na gamit sa pagpapasabog.

Parehong narekober sa kanila  ang ISIS flags na lalong nagpalakas ng ebidensiya na sila’y miyembro ng Muslim extremists group.

Sa inisyal na ulat, planong maghasik ng lagim ng mga terorista sa nalalapit na 30th SEA Games na gaganapin sa Pilipinas ngayong katapusan ng buwan ng Nobyembre.

Habang isinusulat ito’y wala nang iba pang ibinigay na karagdagang impormasyon ang pulis at militar, ngunit sinabi ng ating ‘Uncovered’ sources na patuloy ang ginagawang pagmamanman ng intelligence community upang maaresto ang iba pang kasamahan nina Saro at Sarip.

Ilang araw matapos ang pag-aresto sa kanila, napatay naman ng militar ang umano’y tatlong suicide bombers sa Sitio Itawon, Bgy. Kan Islam, Indanan, Sulu.

Ang mga suspected terrorists na umano’y mag-ama at kilala sa tawag na Abdulramil, ay mga banyaga mula sa bansang  Egypt, samantalang ang kasamahan nilang Pinoy na Abu Sayaf member ay tinukoy lamang sa alyas James, ayon kay Lt. Col. Gerald Monfort ng Philippine Army.

Sinabi ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, hepe ng Western Mindanao Command chief, na kapwa nasa watchlist ng suspected foreign terrorists ang napatay na banyaga.

Maghahasik sana sila ng lagim sa pamamagitan ng suicide bombing mission sa Jolo, ayon pa kay Sobejena.

Sinasabing asawa at nanay ng napatay na foreign terrorists ang suicide bomber na nagpasabog sa KM3 Bgy. Tagbak, Indanan, Sulu noong nagdaang Setyembre 8, taong kasalukuyan.

Nakuha sa kanila ang kalibre .45 baril, granada at dalawang vests na puno ng pagpapasabog at triggering device.

Magandang development ang ‘accomplishments’ na ito ng PRO4a at Western Mindanao Command.

Isipin na lang natin na kung nakapaghasik ng lagim ang mga suspect ay tiyak marami na namang buhay ng sibilyan ang mapapatay at madadamay sa walang kapararakang gawain ng mga terorista.

Ang nakatutuwa, walang makitang yabang mula sa mga nabanggit nating opisyales.  Basta ang sa kanila ay trabaho lang at tunay ang kanilang dedikasyon na mapanatiling maayos ang ating bayan.

Kaugnay nito, nais nating batiin si Gen. Danao dahil sa pagiging ‘smooth operator’ na masipag at magaling na heneral.

Simple lamang ang opisyal na ito na miyembro ng PMA Sambisig Class of 1991.

Sinasabing isa si Danao sa mga ‘paboritong heneral’ ng Pangulong Rodrigo Duterte (noon at ngayon) dahil maganda rin ang naging ‘performance’ nito nang maging hepe ng Davao City police.

Bago maging hepe ng PRO4a, naging director ng Manila Police District (MPD) si Danao, na tunay na gumawa rin ng magandang accomplishment sa pinakamamahal na lungsod ni Mayor Isko Moreno.

Ngayong hepe na siya ng Calabarzon Regional Police Office na may 15 milyong residenteng nasasakupan mula sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, lalo pa nitong pinag-iigi ang trabaho.

Bukod sa krimen, pagpapaigting sa giyera kontra droga, tutok din si Danao sa ‘insurgency problems’ sa Calabarzon.

At siyempre, prayoridad din ng kanyang panunungkulan ang pagsugpo sa  ‘scalawag cops.’

Sabi ni Danao, kung ayaw tumino ng mga abusadong pulis sa PRO4a, may paglalagyan sila sa kanyang administrasyon.

“Kayong mga iskalawag na pulis diyan, kung ayaw n’yong tumino, papatinuin ko kayo dahil sisiguraduhin kong magbabago ang birthday n’yo,” sabi pa ni Danao.

Si Danao ay umuugong ding ipapalit sa bagong upong si Brig. Gen. Debold Sinas sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) na walang ka-appeal-appeal sa media.

Bukod dito, isa rin sa sinasabing pinagpipilian si Danao upang maging bagong PNP chief.