‘Solomonic wisdom’

MARAMI raw akong hugot sa aking mga post lately sa FB.

Nagtataka ang mga kaibigan natin kung bakit sunud-sunod ang paglalagay ko ng mga “solomonic wisdom quotes” na personal kong ginawa at inilagay sa social media.

Ano raw ba ang aking problema at kung anu-ano ang mga inilalagay ko sa social media. Isa sa mga inilagay ko sa FB ay ito: Ang mapagmahal sa mga magulang ang siyang nagtatagumpay. Love your parents, it’s your key to success.”

Ang totoo hindi naman ito bago, maraming beses ko na itong isinulat at sinasabi kung saan man ako maimbitahang magsalita. Totoo naman ito, bihira sa mga salbahe sa magulang ang nabibiyayaan ng tagumpay sa buhay.

Kaya nga ang panawagan natin sa mga kabataan, bago nila mahalin ang kanilang mga siyota at mga kaibigan, unahin muna nilang mahalin ang kanilang mga magulang. Sabi nga, durugin man tayo nang pinu-pino, hindi pa rin tayo makakabayad ng utang na loob sa ating mga magulang.

Ang isa pang inilagay ko sa FB ay ito: Learn to appreciate small and big blessings. Be thankful, be kind and be humble. Priceless traits are only given to human being.”

Marami kasi sa atin ang nakakalimot magpasalamat sa Diyos sa mga tinatanggap nating biyaya. Hindi blessings ang tingin ng iba sa atin kapag maliit lang ang biyaya. Nakakalimutan natin na ang paggising pa lamang natin sa umaga ay isa nang malaking biyaya na dapat ipagpasalamat.

Ito pa isa: Gratitude is the most commonly used word in human conversation but very few practice it.” Totoo rin naman di ba? Marami sa atin ang bukambibig ang thank you pero karaniwan, wala naman ito sa ating puso. Kaya magulo ang ating mundo, wala tayong pagkilala at pagpapasalamat sa mga mabubuting nangyayari sa ating buhay.

“Chances are given to those who are ready for it. Those who wasted it are deemed sorry forever.” May mga kababayan tayo na nagpapakamatay para mabigyan ng pagkakataon o mabigyan ng trabaho. Pero kapag nabigyan na ng tiyansa, pansinin nyo ang iba sa atin, super tamad at super sa kawalanghiyaan. Magmamakaawa na mabigyan ng chance pero kapag nagsisimula nang magkapakpak, ikaw ang unang itataboy ng kanyang pagaspas!

Ito ang isa pang matindi: “Test the character of a man when he is hungry and when he is full.” May mga taong mababait kapag mahina at gutom. Parang maamong tupa na halos luhuran ka sa kabaitan. Subukan mong busugin, tingnan ko lang kung hindi ka traydurin!

Ang totoo, kaya ko naman inilabas ang mga yan dahil na rin sa sobrang pagkadismaya sa ating paligid. Napakahirap nang humanap ng mga taong puwede mong sabihing totoong tao.

Kaya nga kailangan nating magtulungan para gumawa ng bagong mundo sa mga parating na henerasyon. Nasa ating mga magulang ang susi para mabago natin ang mga batang nagsisimula pa lamang magkaisip.

Iyon lang ang agenda ko sa aking mga FB post at wala po akong balak mag-pari o magpastor.

Pulutin natin ang mga magbibigay sa atin ng magandang aral at iwaksi ang mga makasasama.
allanpunglo@gmail.com