Home>Editorial>Opinion>Solved ang Pangulo sa performance ni Atty. Gierran sa Philhealth

Solved ang Pangulo sa performance ni Atty. Gierran sa Philhealth

KUMASA sa hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director at ngayo’y Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) President Dante Gierran na linisin ang ahensya sa katiwalian hanggang Disyembre.

At makalipas ang isang buwan simula nang maitalaga sa Philhealth, mukhang nagbunga na ang kagalingan, sipag, kakayahan, kapabilidad at dedikasyon sa trabaho Gierran.

Ito’y nang mapasunod ni Gierran ang 43 senior officers na mag-resign sa kani-kanilang puwesto sa Philhealth bilang bahagi ng kanyang ‘reorganization process’ sa ‘corruption-tainted state insurance company.’

Sa kabuuang 43 bilang, 27 ang naghain ng kanilang resignations, kasama ang 21 mula sa central office at anim mula sa regional offices habang 10 naman mula sa central office at anim sa rehiyon ang nagretiro.

Kasunod ito ng ipinalabas na memorandum ni Gierran noong Setyembre 30 upang ipatupad ang 2019 board resolution na nag-aatas sa lahat ng officers mula Salary Grade 26 pataas na mag-resign.

Ang 2019 board resolution ay hindi ipinatupad ng pinalitan ni Gierran na si dating Philhealth President Ricardo Morales sa katwirang posibleng makaapekto sa operasyon ng ahensya.

At dahil walang nangyaring ‘internal cleansing’ sa panahon ni Morales, sandamakmak na anomalya ang sumambulat sa ahensiya na nagresulta upang sila’y pakasuhan ng Senado at sampahan din ng asunto ng NBI na pinamumunuan naman ngayon ni Director Eric Distor na protégé’ ni Gierran!

Bago ang resignation at retirement ng 43 opisyal, nasa 66 ang opisyal ng Philhealth ang may Salary Grade 26 pataas, ngunit marami sa kanila ang acting capacity lamang.

Ang aksyon na ito ni Gierran ay agad na umani ng papuri mula sa Malakanyang kung saan sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang direktiba ang pinakamabilis na paraan sa reorganisasyon sa Philhealth.

We commend PhilHealth PCEO Gierran for his display of decisiveness,” pahayag pa nga ni Roque.

Umpisa pa lamang ito ng mga inaabangang pagbabago sa Philhealth sa ilalim ng liderato ni Gierran na nagpahayag din ng pagtutol sa panukala ng ilan na isapribado na lamang ang ‘state insurer company.’

Sinabi ni Gierran na kung isusulong ang pagsasapribado ng Philhealth, lilitaw na hindi kayang hawakan ng gobyerno ang sitwasyon.

Marami ang nakatanaw sa bawat hakbang ni Gierran. Ang ilang kritiko ng pamahalaan ay naghihintay ng kanyang pagkakamali habang ang mas marami ay naniniwala na kakayanin nito ang hamon ng Pangulo.

Kung ang board resolution na hindi naipatupad ni Morales sa mahigit isang taon sa Philhealth ay naipatupad agad ni Gierran ‘in one month,’ mukhang mas kapana-panabik ang mga susunod niyang hakbangin para sa tuluyang ikatitino ng ahensya.

Lalo na ngayong bago na rin ang Corporate Legal Counsel ng Philhealth. At ito ay sa katauhan ni Atty. Jose ‘Joe’ Ngaw na miyembro ng ‘Board of Regents’ ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila!

Pareho nating kaibigan at kakilala sina Gierran at Ngaw.

Naniniwala tayo sa kanilang talino, sipag at integridad kaya maging kampante na tuluyan nang mamawala ang nakasusukang korapsiyon sa Philhealth. Iyong tipong kahit panahon ng pandemya ay nakuha pang magnakaw ng ilang opisyal dito ng bilyun-bilyong pisong pondo na laan sana sa mga kababayan nating mahihirap.

Si Gierran, isang certified public accountant at abogado, ay nag-iwan ng magandang legacy sa NBI bilang director ng naturang kagawan. Alam ng lahat sa ’bureau’ dahil kahit sino – kapanalig man ng Duterte administration o hindi – ay ipinakulong at sinampahan nito ng kaso bunsod ng anomalya.

Isa sa nagmarka sa magandang nagawa ni Gierran si NBI ay nang kasuhan sina dating Bureau of Immigrations (BI) deputy commissioners Al Argosino at Mike Robles dahil sa ‘multimillion-peso bribery scam.’

Sina Argosino at Robles ay kapwa ‘fraternity brod’ nina Gierran at Pangulong Rodrigo Duterte sa Lex Talionis Fraternity pero tinalikuran ito ng opisyal basta ang sa kanya, ang tama ay tama at ang mali ay mali!

Sakto naman ang pagkatalaga kay Ngaw sa Philhealth bilang Corporate Legal Counsel dahil isa itong ‘abogado de kampanilya!’

Bago kunin ni Manila Mayor Isko Moreno para italaga maging regent ng PLM, isang mahusay na ‘corporate lawyer’ si Ngaw na pinagkatiwalaan ng malalaking kompanya sa bansa, gayundin sa buong Chinese-Filipino community.

Kaya nga sa mga naghahangad na isapribado ang Philhealth ay hindi na po kailangan dahil sigurado tayo na bago magtapos ang termino ng Pangulong Duterte sa 2022 ay mapapatino at maayos nang husto ang pamamalakad sa Philhealth dahil na rin sa tambalang Gierran at Ngaw!

Sabi ‘nga ng ilang tropa natin sa tanggapan ng Presidente, ‘solved’ at kampante na raw ang Pangulong Duterte sa pagkakatalaga kay Gierran. Lalo ngayong may Atty. Ngaw pa sa tabi ni Gierran!

Good luck and congrats sa inyo, mga Kuya Boss! Cheers!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large