Home>Editorial>Opinion>‘Solved’ or ‘Not solved’ sa Dacera case

‘Solved’ or ‘Not solved’ sa Dacera case

MATAPOSlumabas” ang ‘autopsy report’ ng PNP sa pagkamatay ng maganda at bata pa (23 anyos) na si flight attendant, Christine Angelica Dacera, “nabahiran” ng “tamang duda” ang mga Pinoy sa deklarasyon ni Chief PNP Debold Sinas na ‘solved’ na ang pagkamatay ni Dacera.

Sa “pamantayan” kasi ng PNP, mga kabayan, ‘case solved and close’ na ang isang kaso kapag may “nakilala” na mga suspek at nasampahan sila ng kaso.

Batikos naman ng mga miron, partikular sa ‘social media’ mistulang ‘rush job’ (na naman) ang tinuran ni Chief PNP dahil sa “kumalat” na ‘certified true copy’ ng naturang autopsy report na pirmado pa ni ‘PNP medico-legal officer,’ P/Major Michael Rey Sarmiento.

Sa kanya kasing ulat, ‘rupture aortic aneurysm’ ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera!

May petsang Enero 2, 2021, ang autopsy report ni Sarmiento o isang araw lang matapos nilang eksaminin ang bangkay ni Dacera na natagpuang walang malay sa isang kuwarto ng hotel sa Makati City noong Bagong Taon.

Bagaman naisugod pa siya sa ospital, nadeklara namang ‘DOA’ (dead on arrival), napakasakit, Kuya Eddie!

Translation? Ang sinasabi ng autopsy report ay “naputukan” ng ugat sa bandang ulo si Dacera, dahilan kaya siya namatay (take note: ito rin ang sanhi ng pagkamatay noong 2004 ni ‘Da King’ o ‘FPJ’).

At kung “naputukan ng ugat” si Dacera eh, ‘anlinaw, hindi siya pinatay!

Lumabas din sa nasabing report na bagaman totoong “ginalaw” si Dacera, matagal na itong nangyari dahil ‘healed’ o “gumaling” na ang ‘laceration’ sa kanyang ari.

Translation? Kung may “gumalaw” man sa kanya, hindi sino man sa tatlong suspek na pawang kinasuhan ng mga pulis ng ‘homicide with rape.’

***

Ang resulta ng autopsy ng PNP, sabihin pa, ay taliwas sa deklarasyon ni Chief PNP Sinas at lalo pang “nagpasama ng loob” ng pamilya ni Christine at kanyang mga kaibigan.

Dahil paano nga ba sila mananawagan ng “katarungan” kung hindi naman nagahasa at pinatay si Christine, aber?

Mistula ring nauna ang pagsasalita ni Chief PNP na ‘solved’ na ang insidente dahil mayroon na nga silang kinasuhan, matapos namang “pauwiin” (translation: palayain ng piskalya) ang mga naarestong suspek ‘for insufficiency of evidence’ o kawalan ng matibay na ebidensiya laban sa kanila, sheet!

Sa nangyaring ito, hindi lang higit na sumama ang loob ng pamilya ni Christine, bagkus, kahit sila ay lalo pang “naguluhan” dahil malinaw na magkasalungat ang sinasabi ng lider ng PNP sa hawak nilang ebidensiya, ang autopsy report na sila rin, ang SOCO/PNP Crime Lab, ang gumawa, huwahh!

Kaya nauunawaan natin kung bakit gusto nilang muling ma-awtopsiya ang bangkay ng kanilang kaanak.

Ang tanong: May makukuha pa kayang mga ebidensiya sa bangkay ni Christine para patunayan na “malaki ang tama” ng deklarasyon ni Chief PNP na pinatay at ginahasa si Christine samantalang naembalsamo na siya o “nalinis” na ng punerarya ang kanyang bangkay para naman sa kanyang burol at paglilibing?

***

Komento nga ng ilang mga beterano sa media, matagal na rin talaga—at paulit-ulit na lang—ang problema ng PNP na ang “ebidensiya” ay “itinutugma” sa kanilang kongklusyon at hindi yung ang kongklusyon ay dapat nakabatay sa sinasabi ng ebidensiya.

Ang resulta? Hindi lumalabas ang katotohanan at masakit pa, may mga taong nakukulong at nakakasuhan kahit wala naman talaga silang kasalanan, aguy,aguy,aguy!

At sa kaso ni Dacera na “nagbabanggan” ang kongklusyon ng lider ng mga pulis at ang sinasabi ng sarili nilang ebidensiya, alin ngayon ang totoo, ‘solved’ or ‘unsolved’ nga ba ang kanyang pagkamatay?

Ano sa tingin ninyo, mga suki?

Publication Source :    People's Tonight