Home>Editorial>Opinion>‘Speakership’ ni Cayetano ‘di puwedeng isnabin

‘Speakership’ ni Cayetano ‘di puwedeng isnabin

NAGPASALAMAT si dating House Speaker Alan Peter Cayetano kay Pang. Rody sa pagkakataon na makapagsilbi siya bilang lider ng Kamara sa nakaraang 15 buwan.

Nagpasalamat din ang mambabatas sa kanyang mga taga-suporta sa hanay ng mga mambabatas at sa kanyang mga kasamahan sa National Unity Party (NUP), Nacionalista Party (NP) at sa Lakas-NUCD, na mga “bloke” ng boto sa Kamara at gayundin sa mga partylist groups na todo-suporta sa kanyang liderato.

Noong Martes, ilang oras bago magpunta sa Malakanyang upang kausapin ni PRRD, kasama si bagong House Speaker Lord Allan Velasco ng Marinduque, una nang inihayag ni Cayetano sa publiko ang pagsusumite ng kanyang ‘irrevocable letter of resignation’ bilang lider ng Kongreso.

At dahil ayaw na magkagulo at may masaktan pang kongresista, hinayaan din ni Cayetano na makapasok sa plenaryo ang grupo ni Velasco matapos nilang gibain ang pintuan ng plenaryo sa ikalawang palapag ng session hall gallery.

Humingi din ng paumanhin si Cayetano kay Pangulong-Mayor Rody kung nagkamali siya ng pag-intindi na sya ang dapat humawak sa 2021 budget hanggang ito ay maipasa.

Aniya pa, maaaring magpalitan ang mga lider ng Kamara ngunit hindi dapat hayaang mabuwag ito bilang institusyon.

***

Kung babalikan naman, hindi dapat isnabin o balewalain ng taumbayan ang 15 buwan na speakership ni Cayetano.

Dahil sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na naitala ng Kamara at ng isang Speaker of the House ang pinakamataas na trust at approval rating dahil sa magandang performance nito.

Sabi nga ni Senador Ralph Recto, maiksi lang ang pagiging speaker ni Cayetano pero “spectacular” ang naging performance nito.

Welcome na welcome din aniya ang dating speaker na bumalik sa “smaller but smarter house” o Senado dahil sigurado na ang panalo nito na walang kahirap-hirap, batay naman sa mga survey.

Tandaan din natin na hindi nagpahinga ang Kamara sa pagtatrabaho kahit itong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 para isabatas ang mga priority measures ng Palasyo tulad ng Bayanihan 1 at 2, ABS-CBN franchise issue, Salary Standardization Law at iba pang panukalang batas.

Nangako din si Cayetano na magiging bahagi sya ng solusyon at hindi ng problema ng bansa at patuloy na susuporta para maaprubahan ang national budget na kinakailangan ng lahat lalo na ngayong humaharap tayo sa pandemya ng COVID-19.

Gayunman pinaalalahanan nito si Velasco sa kanyang word of honor at sa pagtatalaga ni Cayetano ng iba pang mga house leaders na kapartido ni Velasco noong sya pa ang namununo ng Kamara.

Kasama rin kasi sa kanilang ‘term-sharing deal’ ay ang hindi pag-aalis ng mga lider ng Kamara na kapanalig ni Cayetano; halos wala itong pinag-iba sa ginawa ni Cayetano na kahit mga kapanalig naman ni Velasco ay nabigyan ng mga ‘juicy positions.’

Abangan pa rin natin ang mga susunod na kabanata, mga kabayan, hane?

Publication Source :    People's Tonight