Special plates ng mga siga

November 16, 2018

NAG-IIBA ang anyo ng tao depende sa kanyang “kapangyarihan.”

May mga taong mabigyan lang ng konting power, hindi mo na agad siya makikilala batay sa kanyang original na pagkatao.

Maraming klase ang kapangyarihan, may tunay na power dulot ng posisyon, may pera at may armas. Mayroon pa palang isa, iyong may No. 8 or privilege car plates.

Sabi nga, kung gusto mong makilala ang tunay na ugali ng isang tao, bigyan mo siya ng maraming pera, pahawakin mo ng armas, painumin mo ng alak at bigyan mo na rin ng powerful car plates.

Hindi natin alam kung bakit may mga taong kayang kontrolin ng kanilang mga hawak na kapangyarihan. Tulad nga nitong si Boy Otso-otso na nanggulpi sa nakagitgitang motorista dahil sa kanyang “matigas” na plaka.

Hindi lang pala minsan nagpakita ng angas si Boy otso-otso dahil may isa pa siyang viral video na nag-ala Michael Shumacher sa kalye nang masingitan ng sasakyang minamaneho ng isang babae.

Iyong mga nakita lang ng publiko ang ating nalaman pero sa klase ng karakter niya habang gamit ang otsong plaka, hindi ako magtataka kung may mga kilos pa ito na hindi nakunan ng video.

Naalala ko tuloy nang minsang naghihintay ako ng mababakanteng parking slot sa Trinoma. Mga ilan din kaming waiting sa slot.

Iyong nasa tapat ko, tiyempong aalis na matapos ang ilang minutong paghihintay. Nang mabakante, biglang may humagibis na Ford Expedition na kulay gray mula sa likuran at biglang pumarada sa open slot na dapat ay ako na ang susunod.

Nang makaparada siya, hindi ako umalis at hindi rin siya agad bumaba. Nakikiramdam kung ano ang susunod na mangyayari dahil sa kanyang ginawang pambabarako.

Nandudumilat ang kanyang car plate PNP-111. Kaya pala, ang angas ng kanyang plaka. Hindi talaga siya bumababa sa kanyang sasakyan, hinihintay sigurong mag-alisan na kaming mga waiting at matakot sa kanyang plaka.

Parang suspense thriller ang music, tahimik ang lahat, walang kumikilos. Iyong tinatawag ng matatanda sa una na “tiim-bagang” sa galit at pagtitimpi, ganoon siguro pakiramdam ng mga taong nakatingin sa sumingit na “pulis.”

Dahil ako ang direktang apektado ng kanyang ginawa, ako na ang bumaba sa aking sasakyan at pinuntahan ko ang siga na mukha ngang pulis na malaking tao.

Simple lang ang sinabi ko sa kanya: Boss, okey lang yan, huwag ka nang umalis dyan, sa iyo na yang slot pero gusto ko lang sabihin sa iyo na hindi porke’t ganyan ang plate number mo, puwede mo nang gawin lahat ang gusto mo. Dami naming nakapila tapos sisingit ka lang.

Balik ako sa sasakyan at umalis para humanap ulit ng parking slot na aking pipilahan. Sinabi ko lang sa pulis ang gusto kong sabihin para mapanaginipan niya ang kanyang ginawa at maalala niya na minsan sa kanyang buhay ay may maliit na taong nagpamukha sa mali niyang ginawa.

Ganoon kabangis ang mga taong doble ang kapangyarihan, pulis na, matikas pa ang plaka.

Kung ako ang tatanungin, ang tingin kong dapat na pinapayagan na lamang sa ating mga kalsada na gumamit ng special plates ay mga diplomat. Kung si Pangulong Duterte nga ay hindi gumagamit ng No. 1 plate, bakit may mga otso pa?

Minsan pa, dapat magkaroon ng total crackdown sa lahat ng klase ng special plates at hayaan na ang mga foreign ambassador at mga totoong nasa diplomatic community na lamang ang gumamit nito.

Iyong mga nasa gobyerno, dapat nga wala silang special plates dahil mga lingkod-bayan nga sila.

Sabi nga ng kakilala ko, “kayo ang boss ko” pero bakit kayong nasa gobyerno ang siga?!

allanpunglo@gmail.com