‘Stoning to death’

KAKAIBANG parusa ang ipapatupad ng gobyerno ng Brunei sa mga bading, sa mga taksil at sa mga magnanakaw.

Sinasabi ni Sultan Bolkiah na magsisimula na  sa linggong ito ang pagpapairal ng Sharia law laban sa mga kasong nabanggit.

Kapag napatunayang nakipagtalik ang mga bading o tomboy sa kanilang mga katulad na kasarian, ang parusa ay babatuhin sa publiko hanggang mamatay. Ang mga magnanakaw naman, puputalan ng kamay.

Umani na ito ng pagbatikos mula sa mga pamosong tao sa buong mundo. May mga panawagan sina Hollywood actor George Clooney at UK singing icon Sir Elton John na tigilan ang ganitong uri ng parusa.

Nanawagan din sila sa pagboykot sa mga hotel na pag-aari ng Brunei state gaya ng Beverly Hills Hotel sa Los Angeles.

May mga lugar din sa Middle East na ganito magparusa. Umiiral ang stoning to death sa United Arab Emirates, Iraq, Qatar, Saudi Arabia, Somalia, Sudan, Yemen, Nigeria, Aceh province sa Indonesia, Afganistan, Iran at ilang lugar sa Pakistan.

Kung gaano kalupit ang batas na ito, ganoon din kabangis ang isa sa mga probisyon. Dapat daw, ang gagamiting bato ay tama lang ang laki. Bawal daw gumamit ng malaking bato na puwedeng mamatay ang paparusahan sa pamamagitan lamang ng isang pukol.

Walang masamang magparusa sa mga nagkakasala. Pero sa moderno at sibilisadong mundo, naniniwala tayo na hindi ito angkop na parusa sa mga binabanggit na kasalanan.
Sa tingin natin, walang kasukat na kamatayan ang ganitong pagkakasala.

Dito sa ating bansa, naging parang normal na lang ang kabaklaan. Ipinapakita na sa buong mundo ang kanilang sexual preference. Bagama’t mukhang tinanggap na ng lipunan ang ikatlong kasarian, hindi pa rin tayo pabor na gawin itong normal na bahagi ng ating buhay.

Aminin natin na ang media, ang telebisyon in general ang sumira sa kaayusan ng ating moralidad. Pero kahit bukas na sa lahat ang pagiging bakla, ang pagiging tomboy, hindi pa rin tayo pabor sa same sex marriage dahil sukdulan na itong sisira sa moral lifeline ng bansa.

Sabi sa Bibliya, dalawang uri lamang ang nilikha ng Diyos, ang babae at lalaki. Ito lang ang aking pamantayan subalit hindi tayo sang-ayon sa stoning to death na pinaiiral ng mga bansang nabanggit.

allanpunglo@gmail.com