Home>Editorial>Opinion>Suki ng COVID test

Suki ng COVID test

ISA na siguro ako sa marami nating kababayan na dumaan sa maraming COVID tests.

Noong una, wala naman akong balak magpasailalim sa COVID test, lalo na ang magpasundot ng nananahimik kong butas ng ilong.

Pero kinailangan kong magpa-dentist para sa root canal treatment, gum extraction/surgery and cleaning. Bago pa nagsimula ang March 15, 2020 lockdown, ilang balik na rin ako sa dentist na malapit lang naman sa bahay namin.

Wala pa naman sa sistema natin ang COVID ay nagpapa-dentist na ako. Natigil nga lang ang dental session ko dahil sa ECQ. Pero nang magbalik ang operasyon ng mga dental clinic, nakasama sa mga requirements ang COVID test at pagsusuot ng PPE. Noong una, may bayad ang PPE na P1,000. Iyon namang blood extraction pa noon ang COVID test, nasa P3,500 pa ang presyo.

Sa testing and costume pa lang, yari ka ng P4,500. Kalaunan, sinabi ng mga expert na hindi raw accurate ang blood extraction kaya matapos ang series ng pagbabayad ko ng P3,500, biglang nabago ang COVID testing kit.

Naging swabbing naman. Ito iyong pinapasukan ng “lollipop stick” na may flat fiber tip ang kaloob-looban ng ilong mo. Noong una, mahigit P2K din ata ito pero kalaunan naging P1K.

Noon, kontrolado mo lang ang daliri mong pumapasok sa iyong ilong pero biglang may iba nang kumakalikot. Halos maabot na ang utak ko sa pagsundot ng ilong kaya kung mahina-hina kontrol ko, mababahing kang bigla.

Iyong huling sumundot ng ilong ko, mukhang inaway ng asawa kaya ilong ko nagantihan. Sa tindi ng sundot, halos lumabas sa bunbunan ko ang swabbing stick!

Kaya nang bumalik ako sa dentist at nagkaroon na ng choice, saliva or nose swab, mas pinili ko na ang saliva. Hindi lang masyadong maganda ang dating kasi dudura ka naman sa paper container para doon naman sila kumuha ng specimen for testing. Mas mahal ang saliva, P1,800 samantalang P1K iyong dutdut-ilong! Dalawang beses ko rin nasubukan ang saliva.

Kumpara sa sundot-ilong na hanggang utak, mas ok na sana ang saliva medyo burara nga lang ang dating kahit mas mahal.

Nang sumunod na balik ko, naubusan sila ng saliva kit pero may throat swabbing kit kaya iyon naman ang sinubukan ko. Sa ayaw at sa gusto mo, kailangan mogpa-COVID test dahil hindi ka maisasalang sa dental procedures kapag ayaw mo. Suking-suki na napilitan!

Sa isang banda, okey din naman kasi tinitiyak ng dental company na ligtas kayong lahat na nasa loob ng clinic. By the way, pati naman mga dentist at mga dental assistant ay may regular COVID testing din at naka-full PPE kaya tingin ko sa kanila mga alien busters na!

By the way, wala naman nang charge ang disposable PPE na pinagagamit nila.

Hindi pa ako tapos sa dentist ko, mga isang buwan pa siguro kaya mga dalawa hanggang tatlong COVID test pa ata ang dadaanan ko. Good news naman kasi lahat ng COVID test na ginawa sa atin ay negative naman.

Sana lang, huwag na silang maubusan ng throat swabbing kit kasi baka ang matira ay iyong ginagamit sa China na sa tumbong kinukuha ang specimen for COVID test!

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV