‘Sulit mahalin ang Pilipino’––Sec Roque

September 24, 2018

BAGO ang lahat binabati muna natin si Collector Dino Austria, district collector ng Port of Manila na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong araw.

Sa mga hindi nakakakilala, si Collector Austria lang marahil ang nakapag-alis ng “sumpa” sa POM.

Mula kasi nang maupong hepe ng POM si Austria ay nakuha na nito ang mailap na revenue collection target ng nasabing puerto sa sunod-sunod na limang buwan.

Alam namin Collector Austria, na malaking responsibilidad ang iniatang sa’yo ni Commissioner Sid Lapena pero hindi naman siya napahiya.

Nawa’y tuloy-tuloy na ‘yan hanggang sa katapusan ng taon at siyempre sa darating pang mga panahon.

Tama ba, kaibigang Florante Ricarte at Mareng Maricon Manalo!

Muli, Happy Birthday Collector Austria?

***

Sa harap ng katatapos na pananalasa ng bagyong Ompong sa ating bansa muling nanawagan sa mga senador  si Presidential Spokesman Atty. Harry Roque, kung maaari ay talakayin na ng masinsinan at ipasa na ang Health Care Bill na inakda niya noong siya ay nasa Kongreso pa.

Ani Sec. Harry Roque, matagal ng napapanahong maisabatas  ang resolusyon na ito.

Ang imimunungkahing Health Care Law ay magbibigay sa bawat Pilipino ng pagkakataong makapagpa-check up sa mga ospital  ng libre.

Katulad nga ngayong nanalasa si  Typhoon Ompong sa ating bansa, bukod sa maraming namatay, tiyak na marami ang nakaranas ng pinsala sa kanilang kalusugan na kailangang ipagamot.

Hindi maiaalis kay Atty. Harry Roque ang pagkadismaya sa tagal ng pagsasabatas ng kanyang inakdang resolusyon.

Sa mga nakakakilala kay Sec. Harry, batid nila ang nag-aalab na damdamin sa kanyang katauhàn kung           pagtulong sa  ating kapwa Pilipino ang paguusapan, lalo na sa mga api at mahihirap.

Maraming beses nang naipakita at naipadama ni Roque ang tunay na pagmamahal sa kapwa Pilipino. Naipagtanggol at naipaglaban niya sa mga husgado ang mga nangailangàn ng tulong.

Naipamalas din niya ang kanyang galing bilang kanilang abogado.

Siya ang tumayong abogado sa mga naiwang pamilya ng mga minasaker ng mga Ampàtuan; pamilyang iniwan ni Jennifer Laude,  isang Pilipinong transgender na pinaslang ng isang dayuhan; at marami pang  kaso na hinawakan niya ng walang bayad.

Kuwento nga ni Sec. Harry, “sulit naman mahalin ang kapwa natin Pilipino.

Ang Pilipino kapag pinakitaan mo ng magandang asal o gawain, simple lang siya, madaling mapasayà.

Hindi maaaring hindi magpasalamàt ang Pilipino. Wala man siyang pera, gagawa at gagawa sila ng paraan upang maipakita ang lubos na pagpasalamàt.

Marami akong kasong nahawakan nang libre. Pero, wag ka. Kinabukasan may isang bayong na gulay sa pinto ng bahay ko, o ‘di kaya isang banyerang tilapia. Iba ang Pilipino. Sulit tulungan, sulit mahalin,” pagmamalaki ni Sec. Harry.

Marami ang nagulat nang bigla siyang sumapi sa administrasyon, at naging presidential spokesman pa.

Sinagot naman niya ang mga kritiko at mga nagtataka sa naging hakbang niya.

Ani Roque, “Nakita ko kay Presidente Duterte ang lakas ng political will niya.

Ito ang klase ng tao na gagawin ang pangako niyang pagbabago sa bayan, na matagal na nating kailangan upang tuluyang umunlad.

Maraming napakong mga pangako ang mga nakaraang presidente natin. Pero si President Duterte, ginagawa ang ipinangako.

Hindi lang pulos salita ang Presidenteng ito,”
dagdag pa ni Sec. Harry.

Ayon kay Roque, nakita niya kay Duterte ang pagkakataong maisulong din niya ang hangarin  para tulungan ang kapwa Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.

Kahit pala batikusin siya sa mga aksyon niya, wala siyang pakialam, basta  maisulong niya ang kanyang mga adbokasiya para sa ating mga kababayan.

Sa kanyang pananalita, hindi mo puwedeng hindi maramdaman ang sinseridad at alab ng kanyang puso nang sabihin niyang, “Sulit mahalin ang Pilipino.”

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)