Suporta ng SMC sa BoC, malaking tulong!

July 12, 2020

MABUTI naman at patuloy ang pagsuporta ng higanteng San Miguel Corporation (SMC) sa Bureau of Customs (BoC).

Kamakailan lang ay nagbigay ang SMC sa BoC ng apat na trak ng bumbero.

Ang mga state-of-the-art na firetruck ay gawa ng Firewolf Industries, isang lokal na gumagawa at exporter ng mga trak ng bumbero.

Ang turnover ng mga firetruck ay ginanap sa SMC  head office complex sa Mandaluyong City.

Ang okasyon ay dinaluhan ni Enforcement and Security Service Director Yogi Filemon Ruiz at SMC officials na sina Cecile Ang at King Lichauco.

Si Ruiz ang nag-represent kay BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

Sa isang statement ay pinasalamatan ni Commissioner Guerrero si SMC President Ramon S. Ang sa kanyang patuloy na suporta sa BoC.
Ang  apat na bagong-bagong firetrucks na bigay ng SMC ay malaking tulong sa "customs  preparedness for fires and other disasters program,' ayon kay Guerrero.

Puwede ring magamit ang mga ito para pang supply ng drinking water sa mga lugar na walang tubig.

***

Hindi na nagtanda ang mga gustong magpalusot ng mga iligal na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Alam naman ng mga kumag na ito na mahirap na lumusot sa mga tauhan ni BoC-NAIA District Collector Mimel Manahan-Talusan.

Pero nagbabasakali pa rin sila na baka malingat ang mga taga-BoC sa NAIA.

Kaya timbog na naman ang mga iligal na droga na natagpuan sa FedEx warehouse sa Pasay City.

Nagkakahalaga ng mahigit P600,000, ang mga  droga ay galing sa Estados Unidos.

Ang shabu at mek, isang controlled chemical, ay nakapaloob sa dalawang pakete.

Ang mga pakete ay idineklarang mga "gift puzzle gameboard" at "puzzle game made of cardboard."

Nang buksan ang mga pakete ay nakita ang mga droga na ineksamin naman ng mga taga-Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ang mga nakumpiskang droga ay isinalin sa pagiingat Ng PDEA para sa kaukulang aksyon.

Kasama ang PDEA at iba pang ahensya, determinado ang BoC-NAIA na walang makapasok na iligal na droga sa bansa.

Ito ay alinsunod sa anti-illegal drugs campaign ni Pangulong Rody Duterte.

Dahil nabuwag na ang mga shabu laboratory sa bansa, napipilitan ang mga nagnenegosyo ng droga na bumili sa labas ng bansa.

***

Tuloy-tuloy ang pag-ulan sa bansa.

Lalong-lalo na sa Mtero Manila at karatig pook.

Hindi maikakaila na maraming lugar sa Metro Manila ang bahain.

Maliban sa mababa ang lugar, marami pang daluyan ng tubig ang puno ng mga basura na patuloy na itinatapon ng mga residenteng matitigas ang ulo.

Hindi lang ang mga nakatira sa gilid ng mga estero, ilog at kanal ang nagtatapon ng basura kung saan-saan.

Pati ang mga nagtitinda sa mga palengke at commuter ay walang patumanggang nagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig.

Ang problema pa, pati mga plastik ay itinatapon sa mga estero at kanal.

Ang mga plastik na ito ang madalas bumabara sa mga daluyan ng tubig.

Kaya kahit araw-araw maglinis ang mga otoridad ay puno pa rin ng basura ang mga daluyan ng tubig.

Mabuti na lang at hindi pa bumubuhos ang malalakas na ulan sa Metro Manila.

****

Sa matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa social distancing at tamang pagsusuot ng face mask, ingat kayo, baka kayo na susunod na mabiktima ng Covid 19.

Pami-pamilya at grupo-grupo na tinatamaan.

Masyado ng malaki ang bilang ng kaso sa bansa.
Maawa naman kayo sa kapwa niyo!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )