‘Supot si Bikoy!

KUNG baga sa paputok, supot ang pinasabog ni Peter Joemel Advincula, alyas Bikoy, na nag-akusang sangkot umano sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot ang pamilya Duterte.

Sa press conference, inihayag ni Senate President Tito Sotto III na taong 2016, nakipag-ugnayan din sa kanyang tanggapan si Bikoy na ang itinuturong sangkot noon sa sindikato ng  droga ay sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Executive Secretary Jojo Ochoa, dating DILG Sec. Mar Roxas, dating Justice Sec. Leila de Lima at ang  ‘boyfriend’ nitong si Ronnie Dayang.

Mula sa mga codename na sinasabi ni Bikoy laban kina presidential son Paolo Duterte, half-sister na si Kitty; at  senatorial candidate Bong Go, halos ganito rin ang detalyeng ibinigay nito sa tanggapan ni Sotto na hindi na pinatulan ng senador noon pa man.

Nagsagawa ng malalim na pagsasaliksik si Sotto tungkol sa mga bank account na sinasabi ni Bikoy noon at nang sabihin sa kanya  ng Hong Kong and Shanghai Banking Corporation (HSBC) na walang ganoong klaseng account sa tinutukoy ni Advincula, hindi na nagdalawang isip ang Senate President (SP) na ibasura ang mga detalye’t akusasyon ng kamote!

Aminin o hindi ng kampon ng Kadilawan, sablay ang pambala nila sa Duterte administration dahil lumilitaw na may ibang motibo lamang si Bikoy kaya naglalabas ng ganitong uri ng dokumento. Maaaring nagbenta ito ng maling impormasyon na pinatulan (o binili pa?) naman ng ibang taga-oposisyon.

Ang nakatutuwa, ang dating sinasabi nilang Jurasic Senator o Escalera Senator ay siya pa ngayong naglantad ng katotohanan at hindi katarantaduhan.

Noon kasing maupo bilang SP si Sotto, pinipintasan ng mga intelekwal sa hanay ng oposisyon ang kaalaman at kagalingan ng senador. Na kesyo wala raw itong alam kundi ang mag-comedy lamang at isa itong bobong mambabatas.

Sino kaya ngayon ang bobo? Iyong taong nag-verify muna ng impormasyon bago ilantad sa publiko ang mabibigat na akusasyon o iyong basta na lang sasakay, sasawsaw o magpopondo pa tulad ni Bikoy?

Ang tanong ng taumbayan, kung talagang naniniwala sa katapatan, katotohanan at katarungan ang mga pari at madre na nag-aalaga ngayon kay Bikoy, dapat sila na mismo ang mangumpisal sa taumbayan kung sinu-sino ang mga taong gumastos at nakipagsabwatan para ilabas ang banban na mga episode ng ‘Ang Totoong Narco List.’

Imposibleng walang nagpondo rito at imposible ring hindi ito alam ng kaparian at kamadrehan!
Vote buying sa

Tagkawayan,  Quezon!

NAARESTO ng mga tauhan ng Tagkawayan, Quezon PNP ang magsasakang si Fredilino Cunanan, 45; at driver na si Darius Bonifacio, 47; dahil sa pamimili ng boto.

Ang vote-buying ay nadiskubre nang maharang sa checkpoint operation ang dalawang suspek, habang sakay ng motorsiklo dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.

Ayon kay Col. Ramil Montilla, nang kapkapan ng kanyang mga tauhan sina Cunanan at Bonifacio, doon nila nadiskubre ang dalang mga sample ballots na may kalakip na P500 bawat isa.

Sa interogasyon ng pulisya, gayundin sa harap ng mediamen,  inamin ni Cunanan  na ang nag-utos sa kanila para mamili ng boto ay si mayoral bet Roberto de Vero na ito rin ang laman ng nakumpiskang sample ballots.

Sinabi ni Montilla na inihain na nila ang kaso laban kay De Vero sa Comelec Tagkawayan at nakahanda na umano ang disqualification case laban sa nasabing kandidato.

Ang insidenteng ito ng sinasabing ‘vote buying’ ay nangyari na rin sa Cavite at sa iba pang lugar.

Sa puntong ito, gusto nating bigyang-diin na tama ang ipinalabas na direktiba ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde sa kanyang mga tauhan. Ito ay ang makipagtulungan sa Comelec, pangalagaan ang katahimikan, kaayusan  ngayong halalan at hulihin ang mga mandaraya ngayong eleksiyon.

Sana lang, magkaroon ng linaw ang kaso laban kay De Vero. Kung wala itong kasalanan, dapat malinis ang kanyang pangalan, pero kung talagang sangkot sa ‘dayaan,’ hindi na ito dapat pang iboto ng kanyang mga kababayan, kasuhan at hindi na dapat pang pamarisan.