Survey firms, nagsusulputan tuwing may halalan

March 05, 2019

HINDI pa man umaarangkada ang kampanya para sa lokal na posisyon sa pamahalaan, katakot-takot na survey firms na ang nagsulputan na halata namang may kinikilingang kandidato para iparating sa mga botante kung sino ang nakaka-ungos sa labanan.

Bukod kasi sa Pulse Asia at SWS na kapuwa bantog at prestihiyosong survey firms, parang kabute na nagsulputan ang iba pang survey firms na ginagamit ng mga kandidato sa lokal na posisyon para magsagawa ng pagsusuri kung sino sa mga naglalabang pulitiko sa isang lungsod, munisipalidad o lalawigan ang nangunguna.

Dito nga lang sa lungsod ng Pasay, tatlong kandidato sa pagka-alkalde ang naglalaban-laban na pawang nangunguna sa isinagawang survey na ayon sa kanila ay hindi nila alam kung sino ang nag-komisyon.

Batay kasi sa isang kumakalat na survey sa Pasay City, naungusan na ni dating city chief prosecutor Edward “ET” Togonon sina Congresswoman Imelda “Emi” Calixto Rubiano at Cesar “Chet” Cuneta sa posibleng magwagi bilang alkalde ng lungsod sa nalalapit na halalan.

Pero sa isa namang survey, malayo na raw ang agwat ni Cong. Emi sa dalawang katunggali at posibleng landslide na ang panalo habang may isa namang lumabas na nangunguna na raw ang nakatatandang kapatid ni Mega Star Sharon Cuneta kahit hindi pa nangangampanya ang aktres.

Ganito rin ang sitwasyon sa Parañaque City dahil napalathala pa nga ang pangunguna raw ni dating Mayor Florencio “Jun” Bernabe sa survey bilang susunod na alkalde ng lungsod pero nito lamang buwan ng Pebrero, may lumabas namang pagsusuri na nakakuha si Mayor Edwin Olivarez ng 43% na boto habang 15% lang ang nakamit ni Bernabe.

Hindi rin nagpahuli ang tatlong kandidato bilang alkalde sa lungsod ng Maynila na sina incumbent Mayor Erap Estrada, Alfredo Lim at Isko Moreno na pawang nangunguna sa mga naglalabasang survey na hindi raw nila alam kung sino ang humiling o nag-komisyon.

Ganito naman talaga ang nangyayari kapag may national o mid-term election sa bansa dahil malinaw na isa itong paraan upang i-kondisyon ang isipan ng mga botante kung sino ang kanilang dapat na iboto, maliban na lamang siyempre kung mga kilalang survey firms na ang magsasagawa ng pagsusuri. Napatunayan na rin kasi sa maraming pagkakataon na tumutugma sa resulta ng halalan ang inilalabas na pagsusuri ng mga prestihiyosong survey firm.

Kahit na siguro maglabas ng kani-kanilang pagsusuri, gamit ang iba’t-ibang survey firms, ang mga tumatakbong pulitiko sa lokal na posisyon, sa dakong huli ay mga botante pa rin ang masusunod kung sino sa akala nila ang karapat-dapat na mamuno sa kanilang lungsod, munisipalidad o lalawigan.
Lingguhang clean-up operation.

Bilang suporta sa rehabilitasyon ng Manila Bay, isang beses sa isang linggo kung isagawa ng mga taga-Navotas City ang paglilinis, hindi lang sa kanilang baybaying dagat kundi sa iba pang daluyan ng tubig upang matiyak na hindi matatangay patungo sa Manila Bay ang mga basura.

Nito lamang nakaraang linggo, umabot sa 21,000 kilo ng basura ang nakolekta ng may 250-kataong naglinis sa baybayin ng lungsod na karugtong ng Manila Bay.

Mismong si Mayor John Rey Tiangco ang nanguna sa paglilinis, kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), fire volunteers, mga street sweeper at mga residente, hindi lang para makatulong sa pamahalaan kundi upang maging malinis din ang kanilang baybayin lalo na’t ang Navotas City ang itinuturing na fishing capital ng bansa.

Tiniyak naman ng pamunuan ng Navotas BFP na lalahok sila sa lingguhang paglilinis sa mga daluyan ng tubig, pati na ang kanilang mga volunteers bilang suporta na rin sa hangarin ng lokal na pamahalaan na maging malinis ang kanilang baybaying dagat.
Text ng readers.

Nasaksihan ng isang reader ang dalawang tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) na ume-eskort pa rin daw sa mga sasakyang magdadala ng labi ng kanilang namatayan sa kahabaan ng Jose Abad Santos galing sa parte ng Caloocan patungong Binondo kahapon ng tanghali.

Panay daw ang wang-wang ng dalawang motorcycle cops at hinahawi ang mga sasakyan para malayang makadaan ang ini-eskortang sasakyan. Ang ipinagtataka ng reader, walang plaka ang gamit na motorsiklo ng dalawang tauhan ng HPG para siguro hindi sila ma-trace kung sakali na makuhanan sila ng video.

Sa mensahe naman ng isang taga-Blumentritt, ilang araw din daw na naging malinis ang kahabaan ng lansangan at umayos ang mga vendor dahil hanggang sa tamang linya na ipinagkaloob sa kanila ang kanilang paninda.

Pati raw terminal ng tricycle ay nawala pero ilang araw lang daw ito dahil unti-unti na namang nagbabalikan ang mga pasaway na vendors na lumalagpas na ulit sa linya kaya’t sumisikip muli ang daloy ng trapiko. Sana raw ay seryosohin naman ng mga pulis sa malapit na detachment ang pagsasaayos sa lugar para tuloy-tuloy na ang pagluwag ng trapiko.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.