Home>Editorial>Opinion>Tablets, laptops ‘bday gift’ ni Sen. Revilla sa mga estudyante

Tablets, laptops ‘bday gift’ ni Sen. Revilla sa mga estudyante

PAGKAKAISA at pagtutulungan ang tanging bubuhay sa mga Filipino sa panahon ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Naniniwala akong ito ang nasa puso ng bawat isa sa atin lalo na’t sadyang binago ng virus na ito ang buhay ng marami sa atin, kung hindi man ng lahat sa atin.

Isa sa matinding epekto ng pandemyang ito ay ang biglang pag-ikot ng mundo ng ating mga estudyante at mga guro.

Kung dati-rati ay malayang nakagagalaw ang mga estudyante sa kanilang mga campus at iba pang lugar sa ating bansa, ngayon ay nakakulong na lamang sila sa kani-kanilang mga tahanan at nagsisikap na mag-aral sa pamamagitan ng iba’t ibang moda.

May ilan ding estudyante na dala ng kahirapan ay mabigat na hinaharap ang hamon ng distance learning sa ilalim ng new normal dahil sa kawalan ng gadget na magagamit sa pag-aaral.

May napaulat na nga na estudyanteng nagpakamatay dahil sa matinding depresyon dahil hindi makasabay ng bagong sistema ng pag-aaral.

Kaya naman kapuri-puri talaga ng mga kababayan natin na sa kani-kanilang paraan ay tumutulong sa ating kabataan na tinaguriang mga pag-asa ng bayan.

Isa na rito si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na ipagdiriwang ang kanyang ika-54 na kaarawan sa September 25 sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga tablets na magagamit sa distance learning.

Inanunsyo ni Revilla na bahagi ng kanyang programang Karunungan Ating Palaguin, mamahagi siya ng 1,400 gadgets bukod pa sa iba pang regalo mula naman sa kanyang mga sponsor.

Bukod pa rito, nangako ang senador na gagamitin din ang kanyang kita mula sa mga social media accounts bilang premyo sa isasagawa rin nitong raffle.

Kasabay nito, pinasalamatan ng senador ang kanyang mga tagasuporta at lahat ng mga nanalangin upang makarekober makaraang tamaan ng COVID-19 habang nagpasaring sa kanyang mga bashers.

“At doon po naman sa mga bashers ko na pinananalangin pong ako’y mamatay, pinapatawad ko na po kayo. Wala po sa akin ‘yun. Alam ko pong trabaho lamang ‘yan, may nagpapa-bash para sa akin. Pero okay lang po ‘yun. Pero sana po ay isipin nyo rin na may karma, baka kayo ang balikan ng karma. Kayo din ang mahihirapan dahil mahirap po magkasakit,” pahayag ni Revilla.

Hinikayat ni Revilla ang mga COVID-19 patients na lakasan lamang ang kanilang loob at malalagpasan din ang anumang pagsubok.

Umaasa tayo na madaragdagan pa ang mga tablet na maipamamahagi ni KAP at mas marami pa ang kanyang matutulungan.

Sen. Bong Revilla, Sir, maraming salamat sa pagsubaybay sa ating kabataan at Happy Birthday in advance sa yo!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large