Home>Editorial>Opinion>Tagumpay ang ika-68 Anib ng National Press Club

Tagumpay ang ika-68 Anib ng National Press Club

BAGSAK” ang krimen sa buong bansa sa nakaraang pitong buwan sa patuloy na pagpapatupad ng ‘community quarantine.’

Ito ang ‘good news’ na nakalap natin, mga kabayan, sa tanggapan ni PNP deputy director at ‘Task Force Covid Shield’ commander, P/Lt. General Guillermo Eleazar.

Batay na rin sa datos ng Kampo Crame, 46 porsiyento ang ibinaba ng mga ‘focus/index crimes’ sa buong ‘Pinas sa kabuuang 223 araw na nasa ilalim tayo ng ‘EQC/GCQ/MGCQ’ mula Marso 17 hanggang Oktubre 25, 2020.

Ito ay kumpara sa katulad din na bilang ng mga araw bago “sumalakay” ang COVID-19 o mula, Agosto 7, 2019 hanggang Marso 16, 2020, isang araw bago ang ipinatupad na ‘nationwide lockdown.’

At kapag sinabing ‘focus/index crimes,’ ang binabanggit natin ay ang mga kaso nang: murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnap (motorcycle) and carnal (vehicle).

Sa Luzon at Mindanao, bumaba rin ang mga insidente ng krimen nang 44 porsiyento habang 51 porsiyento naman sa Kabisayaan.

Kapansin-pansin pa, mga kabayan, na ang mga inaasahan nating insidente na may kinalaman sa gutom at kahirapan, bumagsak din!

Translation? “Kasinungalingan” ang sinasabi ng mga Dilawan at mga Komunista na “palpak” at “wa epek” ang SAP at iba pang mga ‘mitigating programs’ ng gobyerno para labanan ang pandemya!

Sa detalye kasi bagsak ang insidente ng ‘theft’ at ‘robbery’ sa 59 porsiyento at 60 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.

Translation ulit? Kung “totoo” ang bintang ng mga kalaban ng gobyerno, hindi ba dapat “sumirit” pataas ang mga kasong ganito na ‘crimes against person and property?’

Bagsak din ang mga insidente ng motorcycle carnapping (62 porsiyento), vehicle carnapping incidents (54 porsiyento), murder, (20 porsiyento), homicide (23 porsiyento) rape, (22 porsiyento) at, physical injury (38 porsiyento).

“Nilubid na buhangin” din ang bintang sa PNP na “kunsintidor” sa mga abusado at mga lumalabag sa mga ‘quarantine protocols’ dahil umabot sa 493,075 katao ang hinuli, pinagmulta, nakulong at nakasuhan dahil mga “pasaway” habang 974 katao naman ang hinuli at nakasuhan dahil sa ‘profittering’ sa kabila ng pandemya.

Ang lahat ng ito, sabihin pa, ay dahil na rin sa mahusay na liderato ni Gen. Eleazar bilang JTF Covid Shield commander, tama ba, mga kabayan?

Kaya nga, Gen. Eleazar, ‘you’re the man!’

***

Binabati natin ang lahat ng kasapi ng National Press Club sa matagumpay na pagdiriwang ng ating ika-68 anibersaryo kahapon.

Bagamat masasabi natin na ito ay simple pero gaya ng ating sinabi noong una, ito ay isa sa pinakamakahulugang anibersaryo na mayroon tayo.

Bakit? Simple lamang, dahil sa kabila ng krisis dulot ng pandemya ay hindi tayo nagpatinag bagkus naging daan ito upang lalong maging makabuluhan ang NPC para sa mga miyembro at mamamayan.

Nagdoble kayod tayo para makatulong sa ating mga kasamahan sa hanapbuhay upang makatawid sa hirap na dinala sa atin ng COVID-19; nangalap tayo ng ayuda at atin itong ipinamahagi sa ating mga miyembro at gayundin sa mga komunidad sa abot ng ating kakayanan, mula Maynila hanggang Kyusi!

Natutuwa tayo na hindi “tumunganga” ang NPC, katulad ng ibang grupo at indibidwal sa tabi-tabi at bagkus ay ginawa nating makabuluhan ang ating mga sarili ngayong pandemya.

Kaya naman bagamat ipinagbabawal ang social gatherings ngayong quarantine, ay pinili nating gunitain nang simple ang ating anibersaryo upang sa ganitong paraan ay atin man lamang mapasalamatan ang lahat ng mga tumulong at “sumaklolo” sa NPC ngayong pandemya.

Kung wala sila ay talagang hindi magiging matagumpay ang mga proyekto nating pagtulong para sa mga kasamahan natin sa hanapbuhay at gayundin sa mamamayan.

Siyempre kabilang sa ating mga binigyan ng pasasalamat sina PCOO Sec. Martin Andanar, DENR Usec. Benny Antiporda, PTFoMS Usec. Joel Sy Egco;

P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar, PCUP Chair. Alvin Feliciano, ACT-CIS Rep. Nina Taduran, TUCP Rep. Raymond Mendoza, 1-PACMAN Rep. Eric Pineda, Bureau of Customs Spokesperson Jett Maronilla, Mr. Erwin Tulfo, PAGCOR at ACT-CIS Partylist.

At “thank you from the bottom of our hearts” siyempre, kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta sa kanyang pagpayag na isumpa, ehek, manumpa sa kanya, ang mga ‘Interim Officers’ ng NPC.

Ginanap ang ating ‘oath taking’ noong Miyerkules, Oktubre 28, sa Korte Suprema isang araw bago ang ating anibersaryo.

Binigyan din natin ng pagkilala sina Senate President Tito Sotto, Senator Migz Zubiri, Sen. Richard Gordon at siyempre si Manila Mayor Isko Moreno, dahil sa kanilang katangi-tanging paglilinkod sa bayan sa buong panahon ng pandemya.

At siyempre sa lahat ng mga indibiduwal na tumulong magbuhat, mag-impake, magluto at mamigay ng ating mga ayuda sa ating mga kababayan. Hindi po magiging madali at matagumpay ito kung wala din po kayo.

Matagumpay ang ating naging pagdiriwang kahapon at siyempre, pagkatapos ng okasyon, “balik-trabaho” ang National Press Club.

Mabuhay ang malaya at responsableng pamamahayag, mabuhay ang NPC!

We are truly, ‘Strong and Proud at 68!’

Publication Source :    People's Tonight