Tama lang na hindi retired general ang hepe ng NBI!

MATAAS ang moral ng National Bureau of Investigation (NBI) ngayon!

Lahat halos ng mga ‘sensational case’ ay hawak ng naturang kagawaran.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbibigay-tiwala sa kredibilidad at kagalingan ng NBI sa pamumuno ni Officer-in-Charge Director Eric Distor.

Kahit si Justice Sec. Menardo Guevarra ay malaki ang kumpiyansa sa NBI na nasa ilalim ng pamamahala ng kanilang departamento.

Ang pinaka-latest na hawak na kaso ng NBI ngayon ay ang pagkakapatay sa apat na military intelligence officers ng 9th Intelligence Service Unit ng 11th Infantry Division na pinagbabaril ng mga pulis mula sa Jolo, Sulu.

Masakit ito para sa buong hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo’t ang mismong pumatay sa kanila ay mga kasamahang naka-uniporme mula sa Philippine National Police (PNP).

Naganap ang insidente noon pang Hunyo 29 na ang depensa ng Jolo PNP ay nagkaroon ng ‘misencounter.’

Upang maibsan ang tensiyon, agad nagtungo si Pangulong Duterte sa Zamboanga City at ipinabatid ang sinserong pakikiramay – hindi lamang sa pamilya ng mga nasawing sundalo kundi pati na rin sa buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na hindi dapat magpatayan sa isa’t isa ang PNP at AFP kundi dapat silang magkaisa para labanan ang terorismo’t mga kriminal sa lipunan.

Nagsampa na ng pormal na reklamo kay NBI Deputy Director for Regional Operations Antonio Pagatpat ang pamilya ng biktima laban sa mga pulis na sangkot.

Ayon kay OIC Distor, malinaw ang ‘directives’ ng Pangulong Duterte at ni Sec. Guevarra sa kanila. At ito ay kailangang managot ang dapat managot!

Kamakailan, mismong si DILG Sec. Eduardo Ano na isang retired military official ang humiling sa NBI na tingnang mabuti ang CCTV camera piping saksi sa krimen. Mahalagang malaman aniya kung na-tamper ito dahil ang mga kuha rito ang tunay na makakapagbigay ng totoong pangyayari kung bakit pinutukan ng mga pulis ang mga sundalong walang kalaban-laban.

Samantala, bukod sa Jolo shooting incident, dalawang pulis na mula naman sa Ilocos Sur Police Provincial Office ang iniimbestigahan na rin ng NBI.

Sila ay sina Staff Sergeants Randy Ramos at Maraqi Torda na sinasabing gumahasa at pumatay sa 15-anyos na dalagita na sinita lamang nila sa isang ‘quarantine checkpoint.’

Nakaligtas sa krimen ang pinsan ng biktima na ginahasa rin at tinangkang patayin.

Mabibigat ang mga kasong ito laban sa ilang PNP personnel kaya marapat lamang na NBI ang gumawa ng imbestigasyon para sa kanila.

Sa puntong ito, bigla nating naisip na tama lang talaga na hindi retired general mula sa PNP at AFP ang namumuno sa NBI.

Kasi kung galing sa pulis at militar ang hepe ng NBI ngayon,  hindi malayong magduda ang taumbayan na posibleng maimpluwensiyahan sila ng sinumang ‘kabaro’ nila.

Tama lamang ang ginawang pagtalaga ng Pangulong Duterte kay Distor na isang ‘organic member’ ng kagawaran.

Si Eric ang pumalit kay dating NBI Director Dante Gierran na nagretiro noong nagdaang Pebrero – isang buwan bago tayo isailalim sa ‘quarantine’ likha ng pandemokong problema sa COVID-19.

Bukod sa dalawang kasong nabanggit, nagtala rin ng magandang ‘rekord’ ang NBI kamakailan nang arestuhin si Francis Leo Marcos na nagpapakilalang mula sa angkan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nabuko ng NBI Cybercrime Division chief Vic Lorrenzo na bukod sa pekeng Marcos si Norman Mangusin sa tunay na buhay, sandamakmak na kaso ng panloloko, estafa at human trafficking mayroon ang taong ito.

Kahit si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy administrator Mocha Uson ay hindi nakaligtas sa NBI hinggil naman sa sumbong na pasimuno ito sa pagpapakalat ng ‘fake news’ sa bansa.

Sa mga ganitong uri ng ‘performance’ ng liderato ni Distor, masasabi nating hindi nagkamali ang Pangulong Duterte na magpapasok ng ‘outsider’ sa Bureau dahil lahat ng operating unit ngayon ay ganadong magtrabaho nang walang anumang pag-aalinlangan.