Home>Editorial>Opinion>Tama lang na NBI ang mag-imbestiga sa PDEA-PNP misencounter

Tama lang na NBI ang mag-imbestiga sa PDEA-PNP misencounter

TUMPAK ang ginawa ng pamahalaan na solong atasan lamang ang National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang naganap na engkuwentro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) kamakailan.

Sa dami kasi ng naglalabasang report, hindi na natin malaman kung sino ba talaga sa kanila ang nagsasabi ng totoo o hindi.

Ang catch, kinabukasan nang maganap ang barilan na ikinamatay ng dalawang pulis-Kyusi at isang ahente ng PDEA at kanilang informant, ay humarap pa sa press conference sina PNP chief Gen. Debold Sinas at PDEA chief Wilkins Villanueva.

Bukod sa walang maibigay na malinaw na detalye, animo’y nagtuturuan ang dalawang matataas na opisyal na hindi natin masisisi dahil pare-pareho nilang tauhan ang sangkot sa madugong engkuwentro.

Pinakiusapan na rin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso na itigil muna pansamantala ang gagawing ‘inquiry in aid of legislation’ upang bigyang daan ang NBI sa ginagawa nilang imbestigasyon.

Sakali nga namang may Congress inquiry, mahahati nang husto ang oras ng NBI operatives sa pagharap sa pagdinig at hindi sila makatututok ng husto para umusad ang imbestigasyon.

Ilang oras matapos pumutok ang nagaganap na barilan, ka-text pa natin si NBI Director Eric Distor at sinabi niya sa ating personal na niyang inatasan ang NBI-National Capital Region at Intelligence Service para imbestigahan agad ang naturang insidente.

Ani Distor, ‘motu-proprio’ ay nagdesisyon agad siyang pumasok sa imbestigasyon dahil alam niyang maraming dapat malaman kung bakit nagkaroon ng ‘misencounter’ lalo’t prayoridad ng Pangulong Duterte ang giyera kontra sa ipinagbabawal na gamot.

At ilang oras pa ang lumipas, naglabas na ng pormal na kautusan si Justice Sec. Menardo Guevarra para sa paglulunsad ng imbestigasyon.

Bukod sa NBI-NCR at Intelligence Service ng kagawaran, isinama na rin sa Task Force PDEA-PNP Shootout ang Special Action Unit at Death Investigation Division (DID) ng Bureau.

Tumangging magbigay ng iba pang impormasyon ang ilan nating kaibigan sa NBI, ngunit tiniyak nila sa atin na seryoso at dibdiban ang ginagawang imbestigasyon ng Task Force.

Kabilang na rito ang anggulo na posibleng nagkaroon ng ‘ambush’ sa pagitan ng QCPD at PDEA, base na rin sa lumabas na video-footage ng GMA News kamakailan,

Sa usapin ng kredibilidad, walang duda na NBI lamang ang mayroon nito ngayon dahil hindi tulad ng PNP at PDEA, hindi maiwasan na pagdudahan sila ng taumbayan.

Kaya naman sinasaluduhan natin ang Pangulong Rodrigo Duterte sa ipinalabas na kautusan na ipaubaya na muna ang lahat ng imbestigasyon sa NBI para maging malaya, maluwag at walang kinikilingan ang ginagawang imbestigasyon.

Umasa tayong sa liderato ni Distor sa NBI, lalabas din ang tunay na katotohanan hinggil sa naganap na engkuwentro.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large