Tama si VM Joy Belmonte sa casino entry fee

TUMAAS ang ating interest kay Vice Mayor Joy Belmonte nang marinig ko siyang na-interview sa radyo tungkol sa proposed casino operation sa Quezon City.

Hindi ko akalain na ganoon siya ka-brilliant magsalita at masasabi mong woman of substance sa maraming anggulo ng kanyang paliwanag sa radio interview.

Hindi naman natin personal na kakilala si Joy pero naramdaman natin ang kanyang sinsiridad.

Ayon kay Joy, bagama’t wala nang hadlang sa pagbubukas ng Solaire ni Enrique Razon sa lungsod, hindi naman siya pumapayag na parang karinderya ito na bukas sa lahat ng gustong pumasok.

Nagsulong ng ordinansa ang konseho na nag-aatas sa mga QC resident na magbayad ng entrance fee bago makapasok sa casino. Tama si Joy, hindi sila interesado sa kikitain sa entrance fee dahil higit sa lahat, gusto nilang hindi ito mapasok ng mga mamamayang hirap na nga sa kabuhayan ay makapagsusugal pa.

Katulad sa Singapore, bago pumayag ang gobyerno nila na magkaroon  ng casino sa Marina Bay Sands, nagpasa sila ng batas na ang sinumang Singaporean at permanent residents na papasok, magsugal man o hindi ay kailangang magbayad ng SG$100 o P3,500 entrance fee.

Ang entry fee na ito ay para lamang sa 24 hours dahil kapag lumipas na ang isang araw, kailangan mo nang magbayad ulit.

Ibig sabihin, kung common worker ka sa Singapore at ikaw ay kanilang mamamayan, hindi ka makakapasok basta-basta sa casino dahil mahal ang entrance fee.

Ito ang gusto nating ipinaglalaban ni Joy dahil kung pagbabayarin ang mga taga-QC bago makapasok sa casino, makasisiguro silang hindi na ito makakahikayat ng mga wage earner o mga common tao na wala namang kakayahang magsugal.

Sa tingin natin, hindi dapat pagbawalan ng Pagcor ang plano ng QC kahit pa sabihing sila ang may mandato ng gambling operations sa bansa. Dapat ngang matuwa ang Pagcor sa ganitong polisiya ng QC dahil makasasagip tayo ng mga posibleng maging adik sa sugal na mga mahihirap.

Bilang taal na residente ng QC, suportado natin si Joy sa kanyang adbokasiya at naniniwala akong dapat itong panindigan ng lokal na pamahalaan.

Marami kasing gipit na gipit na nga at halos pangkain na lang ng pamilya ay isinusugal pa.

Iyon ang ayaw mangyari ni Joy Belmonte kaya naniniwala tayong dapat walang pumigil sa kanilang plano na ito kung sakaling tuloy na ang casino operations sa QC.
allanpunglo@gmail.com