Tamaan sana ng kidlat ang tapat na kandidato!

March 27, 2019

PARANG hinalong kalamay na ang isyu ng “honesty” na binuksan ni Inday Sara.

Magmula nang sabihin ni Sara na hindi isyu ang honesty sa mga kumakandidato, marami nang nagsakayan. Tama naman talaga ang punto niya na hindi ang oposisyon ang magsasabi na honesty ang dapat maging isyu sa pagkandidato.

Kung mayroon mang dapat magtakda ng requirements para makatakbo ang isang tao, iyon ay ang mga botante, hindi sila Leni, hindi si De Lima at lalong hindi ang mga taga-oposisyon.

Pero sa malalim na pagtingin at kung talagang sa objective na anggulo natin titingnan, tama ang sinabi ni Sara ukol sa honesty bilang “hindi requirement” sa mga kandidato.

Sa totoo lang, kung isyu ng pagiging tapat ng mga kumandidato mula sa Malolos Congress  noong 1901 hanggang 2016 elections, wala siguro tayo sa miserableng sitwasyon ngayon.

Alam naman nating lahat na si Pangulong Rody Duterte lang ang hindi naging bolero magmula pa sa unang araw ng kampanya. Minumura ang lahat, walang pakialam kung ano ang kanyang suot, walang pakialam kung ano ang kanyang sasabihin at lalong  walang pakialam kung mananalo o matatalo sa halalan.

Iyong mga ipinakita ni Mayor Rody sa kanyang mga kampanya ay siya mismong sukatan ng katapatan. Sinabi niyang mamatay ang mga adik at mga drug pusher at walang pag-asa ang traffic sa EDSA ay mga ehemplo  ng katapatan.

Hanggang ngayon, peste pa rin ang EDSA, hanggang ngayon, nagbibilang pa rin tayo ng mga bangkay na sangkot sa droga, lalo na iyong mga nanlalaban at ayaw tumigil sa kanilang sindikato.

Palagi ko ngang sinasabi, kapag naririnig mo ang mga kandidato, sasabihin mo  para kang nasa paraiso. Lahat ng mga magaganda ay sinasabi, walang ipinapakitang kapangitan ng ugali at ipapangako sa iyo lahat  pati langit at bituin.

Iyon ang binabanggit ni Inday Sara, huwag na tayong magbolahan, lahat ng kandidato ay nambobola kaya hindi dapat kasama sa requirements ang “honesty.”

Masyado lang tayong nagpapakaipokrito kung naghahanap tayo ng tapat na kandidato. Ang gusto natin ay iyong kandidatong totoong makapagde-deliver ng serbisyo at kaayusan sa bayan. Hindi iyong pambobola lang ang sinasabi.

Aminin man natin o hindi, tatamaan ng kidlat ang sino mang kandidato na tatayo sa entablado at sasabihing siya walang bahid ng pagiging bolero at bolera dahil simbolo siya ng katapatan!
allanpunglo@gmail.com