Tandaan ang mga nasawi sa COVID-19

March 28, 2020

HABANG sinusulat ko ang pitak na ito ,  siyam na  mahuhusay na doktor sa larangan ng cardiology,  oncology, obstetrics-gynecology, pediatrics at anesthesiology  ang nasawi  sa COVID-19 virus. Sayang at hindi pa nila panahon para umalis sa mundong ito subalit hindi natin kayang ipaliwanag ang kalooban ng Diyos na nakakaalam ng lahat. Kami po ay lubos na nakikiramay sa mga naulila ng lahat ng mga   nasawi dahil sa salot ng COVID-19.

Napakalungkot magkasakit ng nakakahawang sakit na ito. Bawal lumapit ang sinumang miyembro ng pamilya sa  pasyente. Hindi man lang sila  maalagaan ng kanilang mahal sa buhay. At sa pagsapit ng kamatayan, walang pagkakataon na masilayan sa huling sandali  ang labi ng namatay. Dapat ilibing ang bangkay sa loob ng 12 oras magmula ng binawian ito ng buhay Ang ataol na paglalagyan ng bangkay ay kailangang pangmatagalan, “airtight” at selyado. Kung walang ganitong ataol, kailangan i-cremate ang bangkay. (Code of Sanitation of the Philippines o PD 856, at ng IRR nito Chapter XXI , Section 4.7 [Disposal of dead persons]). Napakasaklap nito at ang pagtangis ng mga naulila ay nakakabasag ng puso.

Ayon sa datos, 51 % sa  mga namatay na PUM o Person Under Monitoring hindi po iyon Puede Umalis Maya’t maya)  ay hindi man lang nalaman na positive sila sa COVID-19 dahil sa tagal ng paglabas ng resulta ng test. 

Isa sa pangunahing dahilan ay ang pagbibigay ng “courtesy” ng DOH sa mga VIP na kahit walang sintomas ng COVID-19 ay inuna sa pila. Kung pila lang sa Passport ito, hindi siguro magagalit ang taong bayan.

Ngunit mayroon tayong pandemic at konti lamang ang mga test kits kaya nga minabuti ng DOH na magkaroon ng patakaran na TRIAGE para ang mga pasyente na malubha ang lagay ang dapat maunang gagamit ng test kits. Nag-uumapaw na ang galit ng taong bayan sa mga VIP na kahit walang sintomas ng COVID-19 ay  ginagamit ang kapangyarihan para mauna sa mahabang pila ng mga pasyente na mamamatay ng hindi man lang nila nalaman kung ano kinamatay nila.

Sinabi ni Dr. Ronnie Baticulon  ng UP College of Medicine na hindi nakahanda ang health care system ng Pilipinas para sa isang pandemic tulad ng COVID-19. May Dayrit Study na ginawa noong 2018 tungkol dito. Mayroon lang tayong 101,688 hospital beds, at mahigit isang libong ICU beds, na nakakalat sa 1,223 ospital. Gamit ang 107 milyon populasyon (World Bank, 2018), pagpalagay na lang natin na 1% lang ang masalinan ng COVID-19, papalo ito sa 1,070,000 PUI/PUM.

Pagpalagay natin na ang hospitalization rate ay 10% nito, papatak ito sa 107,000 pasyente na kailangan dalhin sa ospital. Kung malala, sa ICU ipapasok para matubuhan upang makahinga sila. Ubos agad ang 101,688 na hospital beds at ICU beds ng mga ospital. Saan pa natin ilalagay ang iba pang mga na-stroke o inatake sa puso na kailangan din ng ICU at ventilators? 6 sa 10 pasyente ang namamatay ng hindi man lang natingnan ng doktor.

At kadalasan, 56% ng kabuuang ginastos ng pasyente ay mula sa sariling bulsa. Kaya naman 1 milyon pasyente ang namumulubi dahil sa laki ng ginastos sa pagpapgamot at pagpapalibing.

Para sa 2020, P80 milyon ang tinapyas na budget sa Research Institute on Tropical Medicine na ngayon ay nakatutok sa pagbasa ng specimen ng test kits. P10B ang tinapyas sa kabuuang budget ng DOH. Isa sa mga ginamit na dahilan para bawasan ang budget ng DOH ay ang paninita ng COA sa patuloy na pagbili ng mga PPEs ng mga DOH Hospitals samantalang hindi naman daw ito nauubos.  Samakatuwid, isa sa  mga dapat sisihin bakit nagkukulang ang mga PPEs ng mga frontliners natin ay ang COA na pinaniwalaan ng mga kongresista at senador na nagpasa ng tinapyasang budget ng DOH.

Bago mahuli ang lahat, kailangan ng dagdag na PSA machines na siyang babasa ng mga specimen mula sa test kits. Kaya nagtatagal ang paglabas ng resulta dahil dalawa lang ang PSA Machines ng Pilipinas.  Bumili agad ng dagdag na PSA machines para mapabilis ang paglabas ng resulta ng tests.

Sa ngayon, may mga mambabatas na positive sa COVID-19. Kung loloobin ng Diyos na sila ay gumaling, magsilbing aral ang pandemic na ito sa kanila. Ang kalusugan ay kayamanan. Dapat itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng lahat ng mga Pilipino. Tandaan natin ang mga nasawi sa COVID-19, ang kanilang tiniis na hirap at pighati ng kanilang mga naulila at ang mga sakripisyo ng siyam na doktor. Dagdagan at busugin ng pondo ang sektor ng kalusugan para maging handa tayo sa susunod na pandemic na nakaabang na sa kanto.