Tapat si Pope Francis

February 08, 2019

HINDI kasama si Pope Francis sa binabanggit na “hypocritical church.”

Kung mayroon mang angkop na deskripsiyon sa Santo Papa, masasabi nating transparent and honest siya.

Sa madalas na pagkakataon, nababatikos ang simbahan dahil sa pagiging ipokrito ng maraming kaparian. Iyong kaipokrituhan na palaging inihahayag ang pagmamahal sa layko o karaniwang tao pero sarado ang pintuan para sa mga mahihirap na sa kanilang pintuan.

Sa pinakahuling pagpapakita ni Pope ng katapatan bilang lider ng simbahan, kinukumpirma niya ang mga insidente ng panggagahasa ng ilang pari sa kanilang mga madre. Aminado siyang hindi lang ito nangyayari kung saan-saan bagkus ay katotohanan  ito sa mismong Vatican.

Dito sa atin, makailang beses nang inireklamo ang ibang pari na nangmolestiya ng sakristan, ng mga parishioners na kababaihan at ng mismong mga secretary nila.

May isang pari nga  sa Rizal ang nabuking din na palagi palang nagtse-check in sa mga motel na may kasamang minor age na babae. May isang obispo rin sa NCR ang inakusahan ng panghahalay sa kanyang housemaid.

May alam din tayong yumaong obispo na siyota ang dalawa niyang secretary at may naanakan pang ikatlo.

Tama ang ginagawa ni Pope Francis, kailangan nilang tanggapin at akuin ang problema. Ang pagtatago sa sex scandal ng mga pari ay mistulang bulkan na tahimik sa ibabaw subalit kumukulo sa ilalim.

Ang pagiging sex slaves ng ibang madre sa kamay ng ibang mga  pari ay totoong kapintasan ng simbahan subalit hindi pa rin natin masasabing ikaguguho nila ito. Sabi nga sa Bibliya, “the rocks rejected by the builders became the cornerstone of the church.”

Aminin man natin o hindi, katotohanan itong nangyayari hindi lamang sa Katoliko bagkus ay sa iba pang sekta o kongregasyon.

Mortal na nilalang ang mga nasa simbahan. Ang totoo, mas mahirap para sa kanila na lumayo sa tukso bagama’t mayroon din namang tapat sa kanilang Vow of Celibacy.

Sa pagiging transparent ni Pope Francis, naniniwala tayong mas pinatitibay nito ang pundasyon ng Romano Katoliko. Kung ganito lamang ka-transparent ang mga pari dito sa atin, baka mas mahalin sila ng mga layko.

allanpunglo@gmail.com